Anonymous – An Excerpt (Now Published at Librong Itim)

 

LI

(Ito po ay maiksing patikim ng aking maikling kwento na pinamagatang “Anonymous.” Mababasa na po siya sa Librong Itim Volume 7. Maraming salamat po at ako ay umaasa sa inyong suporta!)

“At sa susunod na balita, website ng Department of Interior and Local Government, na-hack at na-deface nang hindi pa nakikilalang hacker.”

Napangiti si Guile sa narinig mula sa isang maliit na telebisyon sa isang karinderya na nadaanan niya habang naglalakad pauwi galing eskuwela. Hinding-hindi nila malalaman kung sino ang nang-hack sa Website ng DILG.

Ako yata ang pinakamagaling na hacker dito sa `Pinas, naisip niya.

Bata pa lang ay nahilig na si Guile sa mga computer at mga gadget. Dahil na rin may kaya ang kanyang mga magulang, na madalas wala dahil busy sa trabaho, lumaki siyang halos nakatutok lang sa computer at nag-i-Internet. Marami siyang natutunang kung ano-ano, mula sa mga walang kakuwenta-kuwentang mga bagay hanggang sa mga ilang gawaing maaaring ituring na ilegal.

Ngunit ang pinakagusto ni Guile ay ang hacking. Sa kanyang pagbisita sa dark web at sa mga Internet Relay Chat o IRC, marami siyang nakilalang mga tao na masayang ibinabahagi ang kanilang nalalaman sa pangha-hack. Matalinong bata rin naman si Guile at sadyang nahilig sa computer programming kaya madali niyang natutunan ang iba’t ibang technique at paraan para mapasok ang ibang computer.

Isa sa mga paraang ginagamit ng binata ay ang pagpo-post sa Internet o social media ng mga nakakapukaw ng interes ng mga tao tulad ng mga malalaswa at maeskandalong mga litrato o video. Sa oras na i-click ng sinuman ang post niya, isang computer virus ang mada-download sa computer nang hindi nalalaman ng gumagamit.

Ang virus na iyon ang magsisilbing backdoor niya. Magagamit niya ang Internet connection ng computer na iyon, puwede niyang buksan ang webcam o microphone na nakakabit sa computer na iyon na hindi nalalaman ng may-ari, at pati na rin ang processing power. Lingid sa kaalaman ng may-ari, ang kanyang computer ay isa ng bot o computer na sunud-sunuran na lamang sa gusto ng hacker. Ang tanging mapapansin lang ng biktima ay bahagyang bumagal ang kanyang computer at
Internet connection.

Sa ngayon nga ay nasa daang-libo na ang mga bots sa botnet ni Guile, na kung tawagin niya ay ang kanyang zombie army. Noong nakaraang buwan lang ay ginamit niya ang mga computer sa kanyang botnet para magsagawa ng isang Distributed Denial of Service attack o DDOS sa ilang mga local government websites at websites ng mga media
at news company. Gamit ang libo-libong mga computers o bots na sabay-sabay na nag-access sa mga biktimang websites, ilang oras ding nag-down at hindi nabisita ang mga sites na iyon…

 

 

Bawal Gumamit ng Calculator

Bawal Gumamit ng Calculator

ni Martin Tristan M. Carneo

Exam na naman sa Math. Siguradong sasakit na naman ang mga ulo namin. Pero wala naman kaming magagawa. Sanay na rin kaming lahat. Pag dating sa pag-mamaniobra ng mga numero sa isipan at sa papel, numero uno ang eskwelahan namin. Kahit gaano kalaking numero pa ‘yan, mapa-multiplication o division man, kayang-kaya naming lahat.

Kaya’t laking gulat ko nang makita si Alex na may kung anong bagay na dinudukot mula sa kanyang bag. Kahit hindi ko pa nakikita ay alam ko na kung ano iyon. Agad akong tumayo para pigilan siya.

“Alex, huwag kang guma-“

Natigilan si Alex at lumingon sa akin, ang isang kilay ay nakataas. Ngunit huli na ang babala ko. Sa kanyang kanang kamay ay hawak-hawak niya ang isang parihabang bagay na gawa sa kulay-abong plastik.

Isang calculator.

“Hindi!” bulalas ko sabay sabunot sa sarili kong buhok habang nakapikit.

Oo, bagong transfer lang si Alex at mag-iisang linggo pa lamang na pumapasok. Ngunit bakit hindi niya alam? Wala bang nagsabi sa kanya?

Sunud sunod kong narining ang boses ng aking mga kaklase. Malamang ay nakita na rin nila ang ginawa ni Alex. Muli akong dumilat at hinanap si Jessica, ang class president namin. Tungkulin niya na ipaliwanag sa mga transferees ang tungkol sa mga alituntunin ng eskwelahang ito. Mga alituntunin na hindi mababasa sa ‘student handbook’.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Makakaupo Pa

Makakaupo Pa

ni Tristan Martin

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Uwian na naman. Pahirapan na naman sa pagsakay pauwi.

“Maluwag pa,” sigaw ng konduktor na nakasuot ng puting polo. “Makakaupo pa.”

Nagtakbuhan ang mga tao. Siyempre, kasama na ako doon. Nagbulag-bulagan na lamang ako at nagkunwaring walang nakikitang babae o matanda sa likuran ko at ginamit ang aking katawan para harangan ang pintuan upang mauna ako. Pagkaakyat, dumiretso ako sa gitna kung saan may mga bakante pang upuan. Pabagsak akong naupo at umusog sa tabi ng bintana nang may ngiti sa aking mga labi.

Sunud-sunod ang mga tao sa pag-akyat sa bus, lahat umaasang makakaupo at magiging kumportable ang kanilang biyahe pauwi.

“Diretso lang kayo sa loob. Makakaupo pa kayo,” sabi ng matandang konduktor sa mga pasaherong nakatayo sa harapan ng bus.

Nang makaupo na ang lahat, saka lamang kami umandar. Nagsimula na ring mag-ticket ang konduktor. Nakailang tigil pa ang bus upang makapagsakay ng mga pasahero. Ako nama’y bahagyang nakaidlip, ang aking ulo’y nakasandal sa salaming bintana.

Bigla akong naalimpungatan nang magpreno ang bus, dahilan upang ako’y muntikang mahulog sa aking kinauupuan.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

3 Lines Horror Stories

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Ang weird talaga ng mga tao, ano?” sabi ko habang napapailing.

“Gumagawa sila ng mga bagay na kalokohan lang, walang sense, at minsan nga ay delikado pa para lamang mapansin, ma-like, at mapusuan ng ibang tao.”

“Ako rin, gusto ko lang namang mapansin, ma-like, at mapusuan mo,” bulong ko sa babaeng nakatali ngayon sa isang upuan sa aking harapan, umiiyak, ang bibig ay nakabusal.

 

______________________________

“Kapag lumingon ka, akin ka!”

Hindi siya nakinig, akala’y nagbibiro ako.

Kaya heto, naririto na siya ngayon sa aking tahanan, habang-buhay na matutulog sa loob ng aking aparador.

 

______________________________

“Nagbabagang balita, mga ka-puso!
Isang bulalakaw diumano ang tatama ngayong gabi sa ating plane—”
— Signal Lost —

 

_________________________________

“Hindi ako nagpagpag!

“Bakit hindi ako nakinig at hindi nagpagpag?!”

Ito ang nakasulat sa isang kapirasong papel sa bulsa ng isang babaeng natagpuang patay sa loob ng kanyang apartment.

 

_________________________________

Pinatay ko silang lahat, ang kanilang mga bangkay ay nakahilera sa paanan ng kama ng aking naghihingalong amain.

Nang makita niya ang aking ginawa, ngumiti siya, inabot sa akin ang isang kulay itim na bagay, at biglang nalagutan ng hininga.

Oo, ginawa ko ang lahat ng ito. Para sa librong itim.

 

______________________________________

“Kung may pagkakataon na mayakap ka at masabi ko na mahal kita, ama,” walang emosyong kanta ng isang batang namamalimos sa bus.

Habang ang ibang tao ay hindi pinapansin ang bata, ako naman ay parang hindi makahinga sapagkat kamukhang-kamukha niya ang aking anak na pumanaw dalawang taon na ang nakararaan.

“Awiting ‘to ay alay ko sa’yo. M-Ma-Maha… na… m-maha… na…” Hindi maituloy ng bata ang pagkanta, ang kanyang mga mata ay nanlilisik na nakatitig sa akin.

 

__________________________________

Naghahanap ako ng MATABA, MABILBIL, at OVERWEIGHT. Papatayin ko.

Este, papapayatin ko pala.

PM me NOW!

 

_____________________________________

“Hay, naku! Alam mo ba ‘yang si Joan, takot na takot sa aparador niya noong bata pa siya,” kwento ng nanay ko sa aking bagong boyfriend.

“Mayroon daw kasing lalaking nakatira sa aparador niya!” dugtong pa ni inay sabay tawa. “Teka, iho, saan ka nga ba ulit nauwi?”

Matamis na ngiti ang ibinigay ng aking mahal. “Sa aparador… este, sa apartment po.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

NEW PROJECT: English Horror Stories

Matagal-tagal na rin akong nagsusulat at marami-rami na rin ang mga kuwentong naibahagi ko dito sa blog ko, sa Wattpad, at sa Facebook. Pero lahat ng mga akda ko ay puro Tagalog. Kaya’t naisipan ko na siguro ay panahon na upang magsulat naman ng mga horror stories sa wikang Ingles. Kung tutuusin, ang mga paborito kong horror novels ay mga English novels. And napakarami ko na ring mga nabasang English novels, hindi lang mga horror. May mystery, detective stories, fantasy, science fiction, romance, and non-fiction.

Hindi naman sa nagmamalaki ako ngunit marunong naman akong mag-English (lalo na kapag nagco-comment sa mga Facebook posts!!! :D). Hindi ko palang talaga nasusubukang magsulat ng isang kuwentong horror sa wikeng Ingles. Nakapagsulat na naman ako ng ilang mga essays ngunit wala pa talagang fiction. Medyo mahirap din talaga kasi magsulat lalo na’t ang setting, characters, at theme, ay Filipino pa rin. May mga nabasa na akong mga Pinoy horror stories in English, and aaminin ko, kaunti lamang ang nagustuhan ko. Maganda naman ang story, pero parang iba talaga ang tunog, pakiramdam, at flow kapag Pinoy ang nagsulat. Madalas kasi sa mga nababasa ko, parang malalalim na salita pa ang ginagamit nila. Para tuloy nakakabasag ng suspension of disbelief. Hindi katulad sa mga popular horror novels (hindi ‘yung mga literary novels, ah), talagang very simple language ang ginagamit. Hindi wordy, at hindi masyadong mabulaklak. Ewan ko kung ako lang ang ganito.

So, tingnan natin. Sana ay makapagsulat ako ng mga English horror stories (may publisher kasi na interested na mag-publish ng mga stories ko in English).

Oo nga pala! Baka meron kayong recommendations na magandang basahing horror novel or short story written by Pinoys. Kahit sa Wattpad or sa mga blog lang.

Thanks!

Kailan Nagiging “Annoying” Ang “Loving”?

*Kuwentong pang-Valentines!

Kailan Nagiging “Annoying” ang “Loving”?
ni Tristan Martin

“Oh, babe. Kanina ka pa naglalaro diyan, ah.”

Hindi ko na nilingon pa ang girlfriend ko at baka mamatay lang ako sa ML. Medyo natatalo na kami salamat sa mga bano kong kakampi.

“Anong gusto mong ulam, babe?”

“Babe, nakita mo ba ‘yung post ni Emilyn?”

“Wala na palang toyo, babe. Bumili ka naman, oh.”

“Aaaahhhh!” sigaw ko. Ayan na nga, natalo na naman kami.

“Okay ka lang, babe?”

Humarap ako sa aking mahal na girlfriend at ngumiti. “Ayos lang, babe. Sige, bibili muna ako.”

“Thank you, babe. Love you!”

Tatlong taon na kaming nagsasama ng girlfriend ko. Marami nga ang nagtatanong kung bakit hindi pa kami nagpapakasal. Pero hindi naman ganoon kasimple ang magpakasal, ‘di ba? Saka, ayos naman ang sitwasyon namin ngayon, komportable naman kaming dalawa sa ganitong set-up. At siyempre, isang malaking gastos din kapag nagpakasal kami.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Hindi na Nakakatakot ang mga Horror Movies

(Note: Isa na naman po ito sa mga naisulat ko na hindi naman talaga horror story although may temang horror. Share ko lang sana)

Hindi na Nakakatakot ang mga Horror Movies
ni Tristan Martin
10/29/2018 7:30PM

Ako? Mahilig akong manood ng mga horror movies!

Pero bakit ganoon? Bakit hindi na nakakatakot ang mga horror movies? Kung dati-rati’y hindi ko kayang manood ng horror nang mag-isa, palagi akong pumipikit at nagtatakip ng mga mata, at nagtatago pa nga sa likuran mo kapag mayroong mga eksenang katatakutan, bakit ngayon ay parang wala na lang? Parang hindi na bumibilis ang tibok ng aking puso kapag ang bida ay nasa isang madilim na lugar, hindi na ako nagugulat sa mga malalakas na tunog at biglaang panggulat, hindi na ako kinikilabutan kapag nakakita ng nakakatakot na multo, halimaw, o duguang mga katawan. Hindi na rin ako nahihirapang matulog sa gabi pagkatapos manood ng isang nakakatakot na pelikula.

Oo, naalala ko pa nga. Madalas tayong manood ng mga pelikulang nakakatakot kapag dis-oras na nang gabi. Tahimik na ang buong paligid, wala ng ingay sa kalsada. Pinapatay pa natin ang ilaw para mas lalo nating maramdaman ang kaba, habang nginangata natin ang mga sitsiryang binili natin sa tindahan. Lagi tayong magkatabi sa sofang malambot at mahaba, para madali tayong sumiksik at yumakap sa isa’t isa kapag nandiyan na ang mga nakakatakot na tagpo. Madalas ay sabay pa tayong nagugulat, napapaigtad tayo sa ating kinauupuan at napapatadyak sa malamig na hangin. Sabay tayong tatawa, mag-aasaran kung sino sa atin ang mas natakot, ang mas nagulat. Pagkatapos ay muling magdidikit ang ating katawan, kampante na kahit nakakatakot ang palabas ay nasa tabi natin ang isa’t isa.

Hindi ko na nga alam kung ilang pelikulang nakakatakot ang napanood natin. Mapa-Hollywood, Japanese, Korean, Thailand, Chinese, Tagalog, at kung anu-ano pa. Marami tayong nagustuhan, marami tayong pinagtawanan. Maraming mga istoryang magulo, hindi natin naintindihan, pinag-usapan at pinagdebatihan. May mga pelikula tayong inulit-ulit, may mga pelikulang nalimot na. Marami tayong naging paborito. Marami ang nagdulot sa atin ng takot at kaba.

Hindi ko alam na pati pala ang takot na dala ng mga horror movies ay may hangganan din.

Nanood ako noong isang araw ng isang sikat na horror. Ngunit ibang-iba na. Hindi na ako natakot. Hindi na ako kinabahan. Hindi na ako pumikit o nagtakip ng aking mga mata. Hindi na rin ako nagtago sa likuran mo.

Mag-isa na lang kasi akong nanood. Wala ka na sa aking tabi.

Hindi naman pala nakakatakot manood ng horror nang mag-isa. Hindi naman pala nakakakaba ang mga eksena kung saan hinahabol ang bida ng isang malupit na multo o mamatay tao. Hindi naman pala nakakagulat kapag may biglang sumulpot na kamay o mukha sa harapan ng camera.

Hindi na nakakatakot ang mga horror movies dahil naranasan ko na ang pinakakinatatakutan ko.

Ang mawala ka.

Ako? Hindi ako mahilig manood ng horror movies…