Station 10566

Maraming nagsasabi na may nagpapakita raw na multo dito sa call center na pinapasukan ko.  Isang babae na nakikitang nakaupo sa station 10566, na nasa pinakadulo ng call center floor.  Tatlong station lang ang nasa dulong iyon at ang station 10566 ang nasa gitna.

Halos walang agent na nagca-calls sa station na iyon.  Bagama’t hindi lahat ay naniniwala na may nagpapakitang multo doon, malimit namang nagdadahilan ang mga gumagamit ng station na iyon na palagi raw itong nasisira o kaya naman ay sobrang lamig doon.

Kahit ang mga janitors ay natatakot sa station 10566.  Kapag maglilinis sila doon ay palagi silang magkakasama.  Walang naglilinis sa lugar na iyon ng nag-iisa.

Apat na taon na akong natatrabaho sa kompanya namin pero isang beses ko pa lang nasusubukang magcalls sa dulong bahaging iyon ng call center.  At para sa akin, sapat na ang isang beses.

Ilang buwan pa lang ako noon ng marinig ko ang kuwento tungkol sa station 10566.  Ikinuwento sa akin ito ni James, kasamahan ko sa trabaho, habang nagyoyosi kami pagkatapos mag-lunch.

“Pare naman, sa modernong panahon ba nating ito ay naniniwala ka pa sa multo?” natatawang sabi ko.

“Hindi naman sa ganoon.  Pero marami na ang nakakita dun sa babae.  Minsan daw nakaupo.  Minsan nakatayo.  Minsan umiiyak.  Minsan…”

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Ang Lalaki sa Elevator

Malamig ang simoy ng hangin sa labas.  Tumatagos hanggang sa buto ni Erika ang lamig kahit na may suot pa siyang makapal na jacket.  Lalo siyang nakadama ng pagkaantok dahil sa lamig.  Tumingala siya, naghanap ng bituin sa kalangitan, ngunit wala siyang nakita ni isa.  Alas tres na ng madaling araw pero marami pa ring tao ang naglalakad sa kalsada dito sa Makati.  Karamihan ay mga teenagers at young adults.  Mga call center agents.

Tiningnan niya kung anong oras na sa suot na relo.  May sampung minuto pa siya bago matapos ang kanyang break.  Humithit siya sa dala-dalang sigarilyo, malalim, umaasang mapapawi ng yosi ang lamig na nadarama.  Dahan-dahan niyang ibinuga ang usok na nasa baga na para bang ninanamnam.  Pagkatapos ay dali-dali niyang itinapon ang sigarilyo sa basurahan.  Mabilis siyang naglakad patungo sa elevator at pinindot ang Up Button.  Bumukas naman kaagad ang isa sa mga elevators.  Pumasok siya at pagkasarado ng mga pinto ay naramdaman niya ang dahan-dahang pag-akyat nito.  Medyo mataas ang palapag kung saan nagtatrabaho si Erika, isang call center na nasa 22nd floor.

Habang paakyat ay naalala niya ang dalawang taong gulang na anak na iniiwan niya sa kanyang ina tuwing pumapasok.

Ipagpatuloy ang pagbabasa