Paglilihi, Part I

“Hon, tingnan mo may bagong lilipat sa apartment ni Aling Tessie.”

Lumabas ang aking asawang si Lando sa aming balkonahe at sinilip ang isang jeep na nakaparada sa kalsada. Dalawang lalaki ang nagbababa ng ilang mga gamit at ipinapasok ang mga ito sa isa sa mga apartment units sa tapat n gaming bahay. Isang babae ang kausap ni Aling Tessie. Kung pagbabasihan ang laki ng tiyan ng babae, masasabing ito’y apat o limang buwan ng buntis.

“Oo nga ano,” sabi ni Lando. “Marami ba sila?”

“Hindi ko alam,” sagot ko. “Yung babae lang ang sakay nung jeep saka yung dalawang mamang nagbubuhat.”

Saglit pang pinagmasdan ni Lando ang mga kaganapan sa tapat ng aming bahay at pagkatapos ay tumalikod na at pumasok.

“Maliligo na muna ko, hon. Baka ma-late pa ako sa trabaho.”

“Sige.” Dahil wala naman akong trabaho, pinanood ko muna ang magiging bago naming kapitbahay. Kinilatis kong mabuti ang babaeng buntis. Bata pa ito, sa tingin ko ay hindi tatanda sa bente-singko. Maganda siya, maputi at mahaba ang tuwid na tuwid na buhok. Napansin ko na wala siyang suot na singsing sa kaliwang kamay.

Dalagang ina, naisip ko habang napapailing.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Pumasok na rin ako sa aming bahay. Marami pa akong gawaing-bahay na dapat tapusin. Magigising na rin ang aking apat na taong gulang na anak na si Emmy. Mahirap talagang maging isang maybahay.

###

“Julie!”

Napalingon ako sa aking likuran at nakita ang aking kumareng si Glenda na nagmamadaling naglalakad papalapit sa akin. Tumabi muna ako para hindi makaharang sa mga taong dumadaan. Hawak ko sa aking kaliwang kamay ang aking mga ipinamalengke habang sa kabila naman ay hawak ko sa kamay si Emmy.

“Ay naku mare,” excited na bati ni Glenda, “nakita mo na ba yung bagong umuupa kina aling Tessie?”

“Oo naman. Nakita ko nga kanina nung dumating.”

“Naku, kawawa naman ano. Sabi ni Aling Tessie, tinakbuhan daw nung lalaking nakabuntis sa kanya. Paano, may asawa pala yung lalaki.”

Bilib talaga ako sa aking kumare. Basta sa tsismis, hindi magpapahuli.

“Taga-Cavite daw ‘yon. Kaya napalipat dito, eh, dahil nagtatago. May kaya daw yung pamilya niya,” tuwang-tuwang pagbabalita ni Glenda sa akin.

“Naku, kawawa naman pala.”

“Mommy, uwi na tayo,” biglang sabi ni Emmy sabay hila sa kamay ko. “Pagod na ako.”

“Oh sige, baby. Uuwi na tayo.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Nagpaalam na ako kay Glenda, na nangakong dadaan sa amin mamaya upang ikuwento ang iba pa niyang nalalaman tungkol sa bago naming kapitbahay.

###

Mabilis lumipas ang mga araw. Bagamat laman pa rin ng mga kuwentuhan, napahanga naman ang mga tao sa aming buntis na kapitbahay. Si Linda, na apat na buwang buntis, ay mabait at masayahin. Lagi niyang binabati ang mga taong nakakasalubong niya. Dahil likas na magalang, mabilis niyang nakapalagayang loob ang mga tao dito sa amin. Malakas ang loob niya at hindi nalulungkot kahit mag-isa lamang siya. Bagamat ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa ama ng kanyang dinadala, masaya naman siya kapag ang kanyang magiging anak ang pinag-uusapan. Tunay siyang nasasabik na makita at mayakap ang kanyang anak. Kahit nasa murang edad pa lamang, hindi siya natatakot harapin ang buhay ng isang ina.

     Mahilig din siya sa mga bata. Natutuwa siyang panoorin ang mga batang naglalaro sa tapat ng kanyang apartment. Nakikisali siya sa malakas na kuwentuhan at tawanan ng mga bata. Minsan ay pinaghahanda pa niya ng merienda ang mga ito kapag hapon. Para sa mga nakatira sa aming baranggay, isang anghel si Linda.

     Isang bata ang particular na nakakuha ng atensyon ni Linda. Ito ay si Maylin, ang apat na taong gulang na anak ni Glenda. Kitang-kita ang sobrang tuwa ni Linda sa tuwing makikita niya si Maylin. Gigil na gigil siya sa bata at laging pinipisil ang mabiloy nitong pisngi. Ngunit ang talagang nagustuhan ni Linda kay Maylin ay ang makinis at malaporselanang kutis nito.

     “Wow! Ang ganda-ganda mo talaga. Ang puti-puti at ang kinis-kinis!” ang laging bati ni Linda sa bata.

     “Naku mare,” nakangiting sabi ko kay Glenda isang araw habang pinagmamasdan namin si Linda kasama ni Maylin, “mukhang pinaglilihian ni Linda ang anak mo, ah.”

     “Mabuti yan. Para maging kasing-ganda ng anak ko ang baby niya,” sagot ni Glenda sabay halakhak ng malakas.

     Ngunit bigla ring nag-iba ang ihip ng hangin. Napansin ko, habang lumilipas ang araw, hindi na binabati ni Linda si Maylin. Ni hindi na nga siya lumalapit sa bata. Sa katunayan, tuwing nakikita niya ang anak ni Glenda, napansin kong bigla siyang napapasimangot na para bang naiinis.

     Dahil medyo naging malapit na rin siya sa akin, pabiro ko siyang tinanong hinggil dito.

     “Linda, hindi mo na ba pinaglilihian si Maylin?”

     “Hah?” gulat niyang sabi.

     “Hindi mo na kasi siya binabati.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

     “Naku, nagkataon lang siguro,” nakangiti niyang sagot. “Marami rin kasi akong iniisip.”

Tinitigan ko ang masayang mukha ni Linda at napagdesisyunan kong imahinasyon ko lang ang napansin kong pagbabago sa kanya.

###

     Isang masamang balita ang nakarating sa akin isang araw. Dinapuan daw ng isang sakit si Maylin na nagdudulot ng mga sugat sa kanyang katawan. Nang dumalaw ako sa hospital, nabigla ako sa aking nakita.

     Sugat-sugat ang buong katawan ni Maylin. Parang nabibiyak ang kanyang balat na nagdudulot ng matinding pagdurugo. Halos hindi mo na siya makilala dahil pati ang kanyang mukha ay puno ng sugat.

     “Diyos ko, mare! Ano na bang nangyari sa anak ko?” tangis ni Glenda ng makita ako. Mabilis siyang lumapit sa akin at niyakap ng mahigpit. Nangingig ang kanyang buong katawan dahil sa pag-iyak.

     “Ano daw ba ang sabi ng mga doktor?” tanong ko sa kanya.

     “Wala! Wala silang sinasabi!” galit na sigaw ni Glenda. “Wala silang alam. Hindi nila alam kung anong nangyayari sa anak ko!”

     Wala akong nagawa kundi ang yakapin ang aking kaibigan. Ipinikit ko rin ang aking mga mata dahil hindi ko magawang tingnan ang nangyari sa kanyang anak na si Maylin.

###

     Lumipas ang mga araw ngunit hindi pa rin malaman ng mga doktor ang dahilan ng sakit ni Maylin. Inilipat na siya sa ibang hospital ngunit wala pa ring makapagbigay ng lunas sa bata.

     Ilang beses kong tinanong si Linda kung gusto niyang bisitahin si Maylin sa hospital ngunit sa tuwing gagawin ko iyon ay lagi siyang may dahilan kung bakit hindi siya makakapunta. Minsan ay nahihilo siya, minsan naman ay marami siyang kailangang tapusing gawain sa bahay. Kadalasan ay pagod siya. Minsan tuloy ay naiisip ko na talagang ayaw na niyang makita pa ang bata. Ngunit sigurado ako na nagkataon lamang ito dahil wala naman siyang dahilan para magalit kay Maylin.

Itutuloy…

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

1 thoughts on “Paglilihi, Part I

  1. Pingback: Paglilihi, Part II « Sabi Nila – Pinoy Horror Flash Fiction

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.