Adam and Eve

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

                February 14. Ang date na kinasusuklaman ko simula noong ipinanganak ako.

                Siguro, kung mayroong officers ang samahan ng mga No Girlfriend Since Birth ay ako na ang presidente o kaya ay bise-presidente.  Magte-trenta na ako sa loob ng tatlong buwan ay wala pa rin akong naging girlfriend. Hindi naman dahil sa panget o torpe ako. Maayos naman ang hitsura at porma ko. Masipag ako at bagamat hindi ganoon kalaki ang sweldo ay stable naman ang trabaho ko. Marunong din ako sa mga gawaing bahay. Kung tutuusin ay ako na yata ang perpektong imahe ng isang ulirang asawang lalake.

                Pero wala talagang nagkakagusto sa akin. Ang dami-dami kong niligawan pero sadyang hindi ko makamtan-kamtan ang sinasabi nilang matamis na oo. Parati na lamang isang kaibigan o kapatid ang turing nila sa akin. Friendzone, ika nga nila.

                Gabi-gabi ko na ngang ipinagdarasal na sana ay matagpuan ko na ang babaeng tutugon sa tawag ng aking puso. Ang babaeng magiging aking kabiyak at katuwang sa buhay. Hindi ko nakakalimutang mag-rosaryo at tumawag kay Mama Mary para humingi ng tulong. Ilang beses na rin akong naglakad ng nakaluhod sa simbahan ng Quiapo.

Diyos ko, kelan mo ba diringin ang aking panalangin?

                “Adam, ibibigay ko na ang gusto mo.”

                Isang boses ang narinig ko mula sa aking likuran. Agad akong tumalikod at nakita ang isang lalaking nakatayo mga limang talampakan ang layo sa akin. Masasabi kong magandang lalake siya. Itim na itim at maayos ang kanyang buhok na mukhang alaga ng parlor. Kahit madilim sa eskinitang nilalakaran ko ay para bang kumikinang ang kanyang mga mata. Ang kanyang mga ngiti ay nakakasilaw dahil sa napakaputi niyang mga ngipin. Ang kanyang amerikana ay puting-puti rin, ni walang isang bahid ng dumi o gusot.

                “S-Sino ka?”

                Lalo pang lumawak ang kanyang ngiti. Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa akin.

                “T-Teka. Ang sabi ko, sino ka! Paano mo nalaman ang pangalan ko?” Bagamat pinilit kong maging matapang ay napahakbang ako paatras.

                Itinaas ng lalaking naka-amerikana ang kanyang dalawang kamay. “Huwag kang matakot, Adam. Ang gusto ko lang naman ay ibigay ang matagal mo nang ipinagdarasal.”

                “Ipinagdarasal?” tanong ko. “At paano mo naman nalaman kung ano ang ipinagdarasal ko?”

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

                Ibinaba ng lalake ang kanyang dalawang kamay. “Alam ko ang lahat ng tungkol sa iyo, Adam. Na matagal mo nang ipinagdarasal na makita ang babaeng para sa iyo. Nadinig ko ang mga dasal mo at narito ako para tuparin ang mga iyon.”

                Pinagmasdan kong mabuti ang lalake mula ulo hanggang paa. Puting-puti ang mga kasuotan niya. Para tuloy siyang nagliliwanag sa gabing ito. Sa hitsura niya ay naalala ko tuloy ang isang pelikula na napanood ko noong isang linggo lamang. Ang pelikulang Bruce Almighty.

                Muli akong napaatras.

                “T-Teka. Huwag mong sabihing ikaw ang D-Diyos?”

                Tumango lamang siya. “Ako nga, Adam. Gaya ng sabi ko, ipagkakaloob ko sa iyo ang matagal mo ng ipinagdarasal.”

                “O Diyos ko!” Napaluhod ako sa aking narinig. Magkahalong tuwa at takot ang naramdaman ko sa aking buong katawan. Hindi ko lubos na maintindihan pero, katulad ng nangyari sa pelikula, heto’t narito sa harapan ko ang Diyos para tupdin ang aking kahilingan.

                Isang malambot ngunit malakas na kamay ang naramdaman kong humawak sa aking braso. “Tumayo ka, Adam. Huwag kang matakot. Gaya ng sabi ko, ibibigay ko ang babaeng makakasama mo ng habang buhay. Pero kailangan nating magmadali. Wala na tayong masyadong oras.”

                Napakunot ang aking noo sa kanyang sinabi. “Wala nang oras.”

                “Oo. Kailangan mong sumama sa akin.”

                Dahan-dahan akong tumayo. “Saan tayo pupunta?”

                “Basta.” Mula sa loob ng kanyang amerikana ay kumuha siya ng isang maliit na bote. Parang isang bote ng gamot ng isang cough syrup. Dumukot din siya ng isang puting panyo. Binuksan niya ang hawak na bote at ibinuhos ang likidong nasa loob nito sa panyo. Masangsang ang amoy nito at masakit sa ilong.

                “Ano po iyan?” tanong ko.

                “Chloroform. Kapag nalanghap mo ito, tiyak na mahihilo ka at mawawalan ng malay.”

                “Chloro-“

                Bigla niya akong sinunggaban at itinakip ang puting panyo sa aking ilong. Parang may isang bombang sumabog sa aking ilong dahil sa amoy na nalanghap ko. Agad itong gumapang sa aking ulo, na nagdulot ng matinding sakit. Agad ay nakaramdam ako ng pagkahilo.

                Pilit kong tinangkang kumawala sa kanya ngunit napakalakas niya.

                Siyempre, malakas siya, naisip ko. Siya ang Diyos, eh.

                Unti-unting nagdilim ang aking paningin. Hindi ko na rin maramdaman ang aking mga braso at binti. Muli ay pinilit kong lumaban ngunit wala akong nagawa. Bago ako tuluyang mawalan ng ulirat ay isang tanong ang lumutang sa aking isipan.

                Bakit kaya kailangang gumamit ng Diyos ng chloroform?

###

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

                Beep. Beep. Beep.

                Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata, tugon sa sunud-sunod na tunog na aking narinig, ngunit agad din akong nasilaw sa matinding liwanag na nakatutok sa aking mukha. Tinangka kong itaas ang aking mga kamay upang takpan ang aking mga mata ngunit nakatali ang mga ito. Kahit nasisilaw ay pinilit kong dumilat.

                Nakahiga ako sa isang maliit na kama, isang hospital bed. Sa aking harapan ay isang malaking ilaw ang nakatutok sa akin. Lumingon ako sa kanan at nakita ang mga makina na nakikita ko sa hospital, mga makina na nagmo-monitor ng paghinga, tibok ng puso, at presyon ng dugo. Sa aking kaliwa naman ay may isang bakal na lamesa kung saan nakalatag ang iba’t ibang uri ng mga kagamitan.

                Matatalas na kagamitan.

                Sinubukan kong bumangon ngunit hindi ko nagawa dahil nakatali ang aking mga kamay at paa. Pati ang aking dibdib ay nakagapos sa kama gamit ang isang bagay na parang sinturon. Tanging ang ulo ko lamang ang aking naigagalaw.

                Pinikit ko ang aking mga mata at sinubukan kalmahin ang aking sarili. Huminga ako ng malalim at pilit na inalala kung ano ang nangyari sa akin.

                “Gising ka na pala.”

                Bigla akong napadilat at napalingon sa aking kaliwa kung saan mayroon palang pintuan. Isang lalakeng nakasuot ng damit pangdoktor na ginagamit sa pang-opera ang nakatayo doon. Ang kanyang ulo ay natatakpan ng isang kulay berdeng tela. Pati ang kanyang ilong at bibig ay nakatakip din. Ang kanyang dalawang kamay ay nakasuot ng puting guwantes.

                Tinanggal ng lalake ang telang nakatakip sa kanyang mukha.

                Dito ay nagbalik ang lahat ng nangyari sa akin. Ang lalaking ito ay nagpakilala sa akin bilang Diyos. At ang sabi niya ay sasagutin daw niya ang aking panalangin.

                “Pakawalan mo ako!” sigaw ko.

                “Ano ka ba, Adam? Hindi ba’t gusto mong makilala ang babaeng nakalaan sa iyo?”

                “Baliw ka! Hindi ikaw ang Diyos.” Muli ay pinilit kong bumangon ngumit parang lalo pang humigpit ang pagkakagapos ko.

                Tumawa lamang ang lalaki. “Alam mo bang bagay na bagay sa iyo ang pangalan mo, Adam. Kung nagbabasa ka ng Bibliya, siguradong alam mo na si Adam ang kauna-unahang taong nilikha. At tulad mo, nalungkot din siya dahil nag-iisa siya. Hindi mabuti para sa tao ang mag-isa. Kaya nilikha ang babae, si Eve, para kay Adam, para sila ay maging isang laman.

                “At ngayon nga, Adam,” sabi niya pagkatapos ay kumuha ng isang matalas na kutsilyo sa lamesang bakal sa aking tabi, “ibibigay ko rin sa iyo si Eve.”

                “T-Teka, anong gagawin mo diyan?” tanong ko habang nakatitig sa kutsilyo.

                Ngumiti siya. “Adam naman. Halatang hindi ka nagbabasa ng Bibliya. Hindi ba’t bago nilikha si Eve ay kinuha muna ang isang tadyang mula kay Adam?”

                “T-Tadyang?” tanong ko. “Ibig mong sabihin ay kukuha ka sa akin ng tadyang?”

                Humalakhak ng malakas ang lalake, para bang nababaliw. “Medyo ibahin natin ang kuwento. Hindi tadyang ang kailangan ko. Ang kukunin ko sa iyo ay ang iyong kidney!”

                Hindi ako makasagot sa kanyang sinabi. Para bang isa lamang itong masamang panaginip. Mayroon akong naririnig na mga kuwento tungkol sa mga sindikato na kumikidnap ng mga tao upang kunin ang kanilang mga lamanloob. Pero ni minsan ay hindi pumasok sa isipan ko na mabibiktima nila ako.

                “Tulong! Tulungan niyo ako.”

                “Huwag ka ng sumigaw. Nagsasayang ka lang ng pagod. Walang makakarinig sa iyo dito. Nasa basement tayo ng bahay ko na nasa gilid ng bundok. Tayo lamang ang naririto.”

                “Hindi! Diyos ko po, iligtas niyo ako!”

                “Ano ka ba?” tanong niya ng may ngiti sa mga labi. “Hindi ba’t sabi ko sa iyo na sasagutin ko ang panalangin mo?”

                Naramdaman ko ang malamig na kutsilyong hawak niya na tumusok sa aking tagiliran. Napasigaw ako ng malakas.

                “Sa Bibliya, pinatulog muna si Adam bago kuniha ang isa niyang tadyang,” sabi niya habang patuloy na hinihiwa ang aking laman. “Pasensya na pero medyo kulang tayo ng supplies dito. Wala akong anesthesia.”   

                Hindi ko alam kung gaano ako katagal nagpupumiglas at nagsusumigaw bago ako nawalan ng ulirat.

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

###

Time, I’ve been passing time watching trains go by. All of my life…

Isang kanta ang gumising sa akin. Isang kanta na matagal ko ng paborito. Kanta na lagi kong inaawit sa tuwing mayroon akong napupusuan. Isang kanta na lagi kong isinusumpa sa tuwing maba-basted ako.

Iminulat ko ang aking mga mata. Maliwanag ang silid ngunit hindi dahil sa may malaking ilaw na nakatapat sa mukha ko. Nanggagaling ang liwanag sa malalaki at bukas na bintana sa kuwartong ito. Ang mga kurtina ay marahang pinasasayaw ng malamig na hanging nanggagaling sa labas.

Mabigat ang aking pakiramdam, para bang kagagaling ko lamang sa isang malubhang karamdaman. Ibinaling ko ang aking ulo at iginala ang aking paningin sa paligid. Nakahiga pa rin ako sa isang hospital bed ngunit wala na ang mga gapos ko. Sa aking kaliwa ay naroroon ang mga makina na nagmo-monitor ng aking vital signs. Sa kanan naman ay mayroong isang asul na kurtina na nakatakip sa kalahating bahagi ng silid kaya hindi ko makita kung ano ang mayroon doon.

“Good morning, Adam.”

Muli, ang lalaking nagpakilalang Diyos, ang lalaking nagsabing sasagutin niya ang aking panalangin, ang lalaking dumukot sa akin at ginawan ng isang kahindik-hindik na bagay, ngayon nga ay pumasok ng silid at naglakad papalapit sa akin.

“H-Halimaw ka,” sabi ko. Garalgal ang boses ko, palibhasa’y ako’y uhaw na uhaw na.

“Huwag mong sabihin yan.”

Pinilit kong tumayo ngunit walang lakas ang aking katawan.

“Huwag ka munang gumalaw. Wala ka sa panganib pero kailangan mong magpahinga. Kailangan mong bawiin ang lakas na nawala mo dahil sa operasyon.”

“O-Operasyon?” Muling bumalik sa isipan ko ang mga nangyari.

Gusto kong sumigaw pero hindi ko magawa. Gusto kong magwala ngunit wala akong lakas. Ang tangi ko lamang nagawa ay ang umiyak.

“Huwag ka ng umiyak,” sabi niya sabay ngiti. “Isang kidney lamang naman ang kinuha ko sa iyo. Meron ka pang isang kidney. Hindi ka naman mamamatay.”

Parang mas lalo pang bumigat ang aking dibdib sa kanyang sinabi at bumulwak pa lalo ang mga luha mula sa aking mga mata.

“At saka, dapat matuwa ka. Hindi ba’t sabi ko na sasagutin ko ang iyong panalangin?” Lumakad siya papunta sa aking kanan, patungo sa asul na kurtina. Gamit ang kanyang kanang kamay ay hinawi niya ito. Natigilan ako sa aking nakita.

Isang babae ang nakahiga sa isang kama na katulad ng hinihigaan ko. Tulad ko, nakakabit sa kanya ang ilang mga suwero at makina. Payat ang babae at halatang may sakit. Ngunit hindi iyon ang nakapagpatigil sa akin.

Bagamat ganoon ang kalagayan ng babae sa kabilang kama, sa aking mga mata ay napakaganda niya. Napakaamo ng kanyang natutulog na mukha. Ang kanyang mahabang buhok na nakasabog sa kanyang unan ay itim na itim. Maputi ang kanyang balat at makinis ang kutis, halatang naaalagaan.

“S-Sino…”

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Muling humarap sa akin ang lalake. “Siya ang kapatid ko, si Eve.”

Nagulat ako sa kanyang sinabi.

“Mayroong sakit si Eve,” pagpapatuloy niya, “at nagmalfunction na ang kanyang dalawang kidney. Umaasa na lamang siya sa dialysis para mabuhay. Kung hindi makakapag-transplant ng isang kidney sa kanya, tiyak na hindi na siya tatagal ng isang taon.

“Ulila kami ni Eve. Kaming dalawa lamang ang nagtutulungan. Noon pa man ay sakitin na siya kaya naisipan kong mag-doktor para ako na mismo ang gagamot sa kanya. Ngunit sadyang malubha ang kondisyon niya. Kailangan niya ng isang bago at malusog na kidney.”

Tinitigan niya ako sa mata. “Kaya ko kinuha ang isang kidney mo, Adam. Para mabuhay si Eve.”

Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin.

“Naghanap ako ng mga taong compatible kay Eve para sa isang kidney transplant. Ngunit walang may gusto. Kaya’t napilitan akong mangdukot ng mga tao. Marami na akong dinukot at inoperahan pero na-reject silang lahat. Nauubusan na nga ako ng pag-asa. Buti na lamang at natagpuan kita. At ngayon nga, successful ang operasyon!”

Nakita ko na naluluha na ang lalake. Ang lalaking nagpakilala sa akin bilang Diyos.

“Teka lang,” mahinang sabi ko. “Paano mo naman nalaman na matagal ko ng ipinagpapanalangin na matagpuan ang babaeng para sa akin?”

Ngumiti ang lalake. “Sa Quiapo. “

Hindi ko naintindihan ang kanyang sinagot.

“Madalas ka sa Quiapo nagdarasal, hindi ba?”

“O-Oo,” sagot ko.

“Madalas din ako doon. Pinagdarasal ko na sana ay makakita na ako ng compatible donor para kay Eve. At ayun, nakita kita doon. Narinig ko rin minsan kung ano ang ipinagdarasal mo. Na gusto mong makahanap ng kapareha sa buhay.

“Naikuwento nga kita kay Eve. Tuwang-tuwa siya sa iyo. Ipinakita ko rin ang picture mo na kinunan ko gamit ang aking cellphone. Ang gwapo mo raw, sabi niya.”

Kahit hindi nakikita ang sarili ay alam kong namumula ang aking mga pisngi.

“Matagal ka na niyang gustong makilala, Adam. Matagal ka ng gustong makita ni Eve.”

Muli ay nilingon ko ang magandang dilag na tahimik na natutulog sa kabilang kama.

“Gusto ko sanang mangako ka sa akin, Adam.”

“Mangako?”

“Oo. Ipangako mo na aalagaan mo si Eve habang buhay. Ipinagkakatiwala ko na siya sa iyo.”

“A-Ano?” tanong ko, hindi makapaniwala.

“Wala na rin akong oras. Sigurado akong parating na sila. Malamang ay hindi ko na makita pa si Eve. Ayoko rin naman na malaman niya kung ano ang mga ginawa ko para sa kanya.”

“A-ano bang pinagsasabi mo?”

Mula sa labas ay narinig ko ang tunog ng sirena ng mga pulis. Papalapit ng papalapit ang kanilang tunog.

“Nandito na sila. Tiyak na nalaman na rin nila ang mga ginawa ko. Pinilit kong maging maingat pero siyempre wala naman talagang isang perpektong krimen.”

Tumalikod na ang lalake at tinungo ang pinto.

“Pakiusap, Adam. Huwag mo ng sabihin kay Eve ang mga ginawa ko. Hayaan mo ng maging ignorante siya kung paano siya gumaling. Basta’t alagaan mo siyang mabuti at mahalin, Adam.” Pagkasabi nito ay lumabas na siya ng pinto.

Sa aking tabi ay patulog na natutulog si Eve. Ang babaeng hinugot sa aking kidney.

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

 

 

13 thoughts on “Adam and Eve

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s