Tagal Ko Nang Hindi Nakakapagsulat!

Hay, ang tagal ko nang hindi nakakapagsulat. Sobrang busy meron kasi akong bagong trabaho. Halos wala ng oras para magsulat. Sa mga sumusubaybay, maraming salamat sa inyo. Lagi kong binabasa ang mga comments ninyo. Hayaan niyo, pipilitin kong makapagsulat at makapagpost ng regular.

Marami rin akong comments na nababasa na nagsasabing nabitin sila o walang ending ang mga kwento ko. Maraming salamat po sa comments niyo. Naiintindihan ko po ang inyong nais sabihin. Minsan lang po (actually medyo madalas) kapag nakaisip ako ng istorya, ganoon na talaga sila. Buo na kung baga. Yun na talaga yung ending niya. Sa totoo lang ay mahilig ako sa mga ending na hanging o may twist. Gusto ko rin kasi na pinag-iisip ang readers. Yung mapapatanong sila ng “what if?” Na sila na ang mag-iisip ng sarili nilang ending. Gusto ko kasing i-engange ang mga readers. Yung hindi lang sila passive readers.

Hilig ko kasing magsulat ng tungkol sa mga misteryo at kababalaghan. Siyempre, ang mga misteryo ay kadalasang wala namang eksplenasyon. Kanya-kanya rin tayo ng mga kuru-kuro, haka-haka, paliwanag, at paniniwala. Kapag may napabalitang nagmumulto sa isang lugar, kalimitan ay mayroong backstory, pero wala namang nakakaalam kung totoo talaga ito. Minsan nga ay may iba-iba pang bersyon  na hindi tumutugma. Kapag may nagsabing may white lady na nagpapakita sa isang lugar, magtanong ka sa sampung tao at malamang ay makakakuha ka ng sampung magkakaibang kuwento kung bakit may nagmumulto roon. Ganito rin ang gusto kong palabasin sa mga kuwento ko. Na mayroong mga penomenya na talagang mahirap o imposibleng maipaliwanag.  Na tanging ang ating malikot na imahinasyon na lamang ang makakapunan sa mga patlang at sa mga katanungan. Hanggat maaari ay ayokong magbigay ng eksplenasyon o backstory kung saan nanggaling ang isang multo, halimaw, o anumang kababalaghan dahil sa totoong buhay ay wala naman talagang makakasagot sa mga ganitong katanungan. Tayo ay may kanya-kanyang interpretasyon sa iba’t ibang pangyayari.

Pero alam ko naman na marami (actually parang karamihan sa mga pinoy) ang gusto, lalo na pag-horror, ay detalyado ang lahat. Kapag may nagmumulto ay dapat nakasaad kung sino ang nagmumulto, paano siya namatay, at bakit siya nagmumulto. Okay din naman ang ganitong setup at meron din naman akong mga kuwentong ganito. Pero talagang hindi ko istilo ang ganoon. Gaya ng nabanggit ko, gusto kong pag-isipin ang mga mambabasa. Kaya kung ikaw ang mambabasa na ayaw ng mag-isip pa at gusto na lamang ay ipinapaliwanag sa kanya ang lahat ng mga pangyayari, talagang hindi mo magugustuhan ang mga naisulat ko dito.

Nagpapasalamat pa rin ako sa mga bumibisita at nag-iiwan ng komento dito. Binabasa ko po lahat at nirerespeto ang inyong opinyon. Ang hiling ko lamang po sana ay huwag naman kayong magagalit sa akin. Hindi ko naman kayo pinilit na basahin ang mga kuwento ko. Hindi naman kayo nagbayad. Ipinopost ko po ang mga kwento ko dito para mabasa ninyo ng libre. Hindi ko po kasalanan kung nasayang ang oras niyo dahil binasa niyo ang kuwento ko. Kung hindi niyo nagustuhan ang istorya, maaari niyo namang sabihin sa maayos na paraan. Hindi naman ako magagalit.

Muli, maraming salamat sa mga patuloy na nagbabasa ng aking mga istorya. Sa totoo lang po ay hindi madali ang magsulat. Madalas ay hindi tugma ang nais sabihin ng isip at ang mga salitang naisusulat. Marami akong kuwento na napilitan kong i-abort dahil sa hindi ko talaga malaman kung paano isulat. Sana po ay patuloy lang kayo sa pagsubaybay at pagbabasa.

Marami pa po akong nakakatakot, nakakakilabot, at nakakapagtakang mga kuwento na ibabahagi sa inyo.