Dummy Account
ni Tristan Martin
“Oh, pards! Napadaan ka?” bati ni Roy sa kaibigan. Tinapik niya sa balikat si Julius at pinatuloy sa kanyang bahay. “Upo ka muna.”
“Hindi na, pards,” sagot ni Julius. “Napadaan lang naman ako. Hihiramin ko lang sana ‘yung libro ng kuya mo sa Computer Programming.”
Dahan-dahang pumalakpak si Roy habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa kaibigan. “Grabe ka na talaga, pards! Dati, puro Facebook at Internet lang ang inaatupag mo. Ngayon, sobrang subsob ka na sa pag-aaral. Ano ba? May sakit ka ba?”
Tumawa lamang si Julius. “Wala! Saka gan’un pa rin naman ako, no. Talagang mahilig lang ako sa computer at ngayon nga, nahihilig ako sa programming. Kaya nga Computer Science ang kinuha ko, eh.”
Umiling-iling si Roy at pinagmasdan ang kaibigan. Malaki na ang ipinagbago nito simula nang makatungtong ng kolehiyo. Maayos na ito manamit at lagi nang nakasuklay ang kanyang may kahabaan ding itim na buhok. Mas lumiwanag na rin ang hitsura nito at nabawasan ang mga tighiyawat sa mukha. Medyo hindi na rin ito palamura, malamang na naimpluwensyahan ng mga kaklase niyang mahilig ding mag-aral. At higit sa lahat, madalang na niya itong nakikita sa computer shop sa may kanto na dati-rati’y halos araw-araw nilang pinagtatambayan.
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)
“Dati, nauubos ang oras natin sa pag-do-DOTA,” sabi ni Roy. “Saka, ‘di ba nang-to-troll pa tayo noon. Ano nang nangyari sa mga dummy accounts mo? Nagbago ka na talaga, pards.”
Napangiti si Julius sa sinabi ng kausap. Naalala niya na isa sa mga paborito niyang gawin sa Internet ay ang mang-bash at mang-troll sa mga post ng ibang tao. Gamit ang kanyang mga dummy accounts, at sa tulong ng kanyang mga iba pang kaibigan (na may dummy accounts din), marami silang mga taong ginalit at pinahiya sa social media. Hindi naman nila balak na makipag-debate o makipag-argumento. Gusto lamang nilang manlait, manglibak, at pag-initin ang ulo ng mga netizens.
Mga bobo! Magpakamatay ka na! Sabi ng nanay mo sana pina-abort ka na lang niya!
Ilan lang ito sa madalas na mga comments ni Julius sa mga posts ng biktima niya. May ilang beses na rin siyang napaaway sa Facebook (na wala namang epekto sa kanyang personal na buhay), na-kick sa mga groups, at na-report ang kanyang account. Ngunit sadyang napakadali namang gumawa ng bagong dummy account. Naalala niya na ang pinakamadalas niyang gamitin ay ang account niyang si Super God Goku, kung saan ang profile picture niya ay si Son Goku na kulay pula ang buhok.
Ngunit nang pumasok sa kolehiyo, biglang na-engganyo siya sa mga nakita niyang makabagong teknolohiya. Mas masaya pala ang gumawa ng mga bagong applications imbes na maging isang simpleng gumagamit lamang nito. Simula noon ay halos ginugol ng binata ang lahat ng kanyang libreng oras sa pag-po-program.
“Ano ka ba?” sagot ni Julius. “Ang kulit mo, ah! Ako pa rin ‘to. Mahilig pa rin ako sa computer at Internet. Pero ngayon, gumagawa na ako ng mga programs at websites. Ikaw kamo ang dapat mag-bago! Mag-aral ka kayang mabuti!”
Napuno ang salas nila Roy ng tawanan ng magkaibigan. Ilang minuto pa silang nagkuwentuhan hanggang sa dumating ang kuya ni Roy na dating nag-aral ng Computer Science ngunit nag-shift na sa Fine Arts. Pagkakuha ng hinihiram na libro ay tumuloy na rin si Julius upang umuwi at tapusin ang kanyang ginagawang program para sa mini-thesis niya. Medyo madilim na rin ang kalangitan kaya’t binilisan niya ang kanyang lakad.
“Hoy!”
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)
Isang boses ang narinig niya mula sa kanyang likuran. Lumingon siya ngunit hindi tumigil sa paglalakad. Wala naman siyang nakitang ibang tao.
“Hoy! Bobo!”
Napakunot ang noo ni Julius sa narinig. Sino ba ‘yun? Hindi naman siguro ako ang tinatawag noon, ‘di ba?
Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad hanggang sa marating ang kanto kung nasaan ang computer shop na dati’y tambayan niya. Katulad ng dati ay maraming mga tao ang nasa loob, karamihan ay mga bata. Dinig na dinig niya ang sigawan ng mga naglalaro, ang kanilang asaran at laitan. Napangiti lamang siya at lumiko pakanan.
“Hoy sabi, eh! Hindi ka na namamansin ngayon, ah!”
Hindi na napigilan ng binata na lumingon. Hindi niya inaasahan ang kanyang nakita.
Sa kanto kung saan kadadaan lamang niya ay may isang lalaking nakatayo na wala naman doon kani-kanina lamang. Nakasuot ito ng orange na T-shirt, orange na pantalon, at naka-tsinelas lamang. Ngunit ang nakapagpatigil sa paglalakad ni Julius ay dahil ang lalaki ay nakasuot ng isang maskara, ‘yung tipong nabibili lamang sa palengke o sa tabi-tabi ng mga eskwelahan. Gawa lamang ito sa isang pirasong karton at may dalawang goma sa magkabilang gilid na nakasabit sa tenga ng lalaki.
Ang suot ng lalaki ay isang maskara ng mukha ni Son Goku. Kulay pula ang buhok nito sa drawing, ibig sabihin ay naka Super Saiyan God Form siya. Bahagyang napangiti si Julius sa nakikita. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Malayo pa naman ang Halloween. Mukha ring katawa-tawa ang lalaki dahil hindi na ito bata. Sa tantiya ni Julius ay magkasing-tangkad sila ng lalaki, at malamang ay magkasing-edad. Kaya hindi niya maisip kung bakit nakasuot ito ng maskara.
Nagulat si Julius ng biglang magmura ang lalaking naka-maskara. “Ano ba ‘yan, boy? Mukha kang propesor niyan, eh. May dala-dala ka pang libro, ang laki-laki pa! Ang baduy mo, boy!” Pagkatapos ay tumawa ang lalaki habang hawak-hawak ang tiyan.
Kanina ay hindi sigurado si Julius kung siya ba ang tinatawag ng lalaki, pero ngayon ay sigurado na siya. Kung dati ay siguradong susugurin na niya ang lalaki, ngayon ay napagdesisyunan na lamang niyang huwag itong pansinin. Tinalikuran niya ito at ipinagpatuloy ang paglalakad pauwi.
Pagdating sa susunod na kanto ay bahagyang lumingon si Julius. Wala na ang lalaking nakasuot ng maskara sa kanto. Nagkibit-balikat na lamang siya at naglakad nang muli.
“Wala ka talagang kwenta! Kala mo naman kung sinong matalino. Bakla ka siguro, ano!”
Boses iyon ng lalaking nakamaskara. Halos madapa si Julius nang magkabuhol ang kanyang mga paa. Galing lang kasi sa likuran niya ang boses, naramdaman niya sa kanyang kaliwang tenga ang hininga ng nagsalita.
Agad na tumalikod ang binata at hinarap ang lalaking nanglalait sa kanya.
“Sino ka ba?” pasigaw na tanong ni Julius.
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)
Muling tumawa ang naka-maskarang lalaki. “Huwag mong sabihing hindi mo ako kilala.”
Sinipat mabuti ni Julius ang lalaki, ang kanyang mga mata ay naniningkit dahil madilim na. Mayroong mga street lights pero hindi naman ito nakabukas, mukhang pundido nang lahat. Tiningnan niya ang lalaki mula ulo hanggang paa subalit hindi niya malaman kung sino ito. Ngunit sa loob-loob niya, parang pamilyar ang tindig ng lalaki.
“Sino-“
“Talagang hindi mo ako kilala? Grabe ka, boy! Hindi pa ba obvious? Ako si Son Goku. Si Super God Goku!”
Parang may dumaloy na kuryente sa katawan ni Julius at napahakbang siya paatras.
S-Super God Goku? naisip niya. Teka, ‘yun ‘yung isa sa mga dummy accounts ko, ah. Hindi kaya…
Mabilis na umiling ang binata. Imposibleng may makatunton sa kanya gamit lamang ang isang dummy account na may katagalan na ring hindi niya ginagamit. Tanging ang ilang mga kaibigan lamang niya ang nakakaalam sa dummy account niyang iyon.
“Ikaw…”
“Oo, ako nga! Si Super God Goku!” sagot ng lalaking naka-maskara at nagtatatalon.
Muling kumunot ang noo ni Julius ngunit sa pagkakataong ito ay dahil sa galit.
“Hoy! Sino ang nag-utos sa’yo na gawin ‘to?” sigaw ni Julius. “Si Roy ba? Si Mark? Naku! Kayo, ha! Ginu-good time niyo ko, ah!”
Lumingon-lingon ang binata sa kanyang paligid, inaasahan na lalabas ang kanyang mga kaibigan na pinagtatawanan siya. Ngunit wala siyang ibang taong nakita maliban sa isang taong grasang natutulog sa tapat ng isang bakanteng lote.
“Si Roy ang may pakana nito, ano?” pagpapatuloy ni Julius na ngayon ay nakangiti na. “Kaya pala kanina kung anu-ano ang sinasabi sa akin. I-pa-prank niyo pala ako. Bine-video-han niyo ‘to, ano? Huwag niyong ipo-post sa Facebook ‘to, ah!”
Wala pa ring sumagot sa mga sinabi ng binata.
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)
“Tapos ka na ba?” kalmadong tanong ng lalaking nakamaskara. Pagkatapos ay naglabas ito ng isang malaking kutsilyo mula sa kanyang likuran.
Napaatras si Julius sa nakita. “T-Teka, hindi na magandang biro ito, ah. Tigilan niyo na, ‘to.”
“Sino bang nagsabing nabibiro ako?” tanong ng lalaki habang iwinawagayway ang hawak na kutsilyo sa kanyang harapan. “Ang tagal kitang hinanap-“
Hindi na naghintay pa si Julius at kumaripas na siya ng takbo. Hindi na niya napansin na nabitawan na pala niya ang hiniram niyang libro. Basta’t ang alam niya ay kailangan niyang makalayo mula sa lalaking iyon.
Pagdating sa bahay ay agad niyang ini-lock ang pinto. Wala pa ang kanyang mga magulang, traysikel drayber ang kanyang tatay at nagta-trabaho naman sa munisipyo ang kanyang nanay, kaya’t siya lamang ang tao sa kanilang bahay. Mabilis siyang pumanhik sa ikalawang palapag at pumasok sa kanyang kwarto. Pabagsak siyang napaupo sa kanyang magulong kama.
Ano ba ‘yun? Bakit may dala siyang kutsilyo? Gusto ba niya akong…
TING!
Naputol ang iniisip ni Julius nang tumunog ang speaker ng kanyang laptop. Iniwan niya itong nakabukas kanina noong umalis siya. Lumapit siya sa kanyang maliit na study table at naupo sa plastic na upuan. Sa kanyang harapan ay bukas ang kanyang Facebook account. Meron siyang isang message request.
Galing kay Super God Goku.
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)
“Imposible,” bulong ng binata. Hindi niya maintindihan kung paano siya napadalhan ng message gamit ang kanyang sariling dummy account. Ni hindi na nga niya maalala ang password ng account niyang iyon.
Nanginginig ang kamay ay binuksan niya ang mensahe gamit ang mouse pad sa kanyang laptop.
Super God Goku
Akala mo ba na makakatakas ka? Akala mo ba na pwede mo na lang akong itapon kapag ayaw mo na?
Accept Decline
Kahit binabasa na niya ay hindi pa rin makapaniwala si Julius sa mensaheng natanggap.
Hindi! Nananaginip lang ako!
Itinutok ni Julius ang mouse pointer sa Decline button ngunit hindi ito sumunod sa kanya. Bagkus ay gumalaw ang mouse pointer patungo sa Accept at na-click itong bigla.
Muling tumunog ang laptop ng binata. Sa kanyang monitor ay may isa pang mensaheng sumulpot.
Hindi ka nananaginip! Lahat ng ito ay totoo. Akala mo ba ay walang kapalit ang mga dating ginawa mo?
Napasigaw si Julius at napatayo. Pakiramdam niya ay parang isang drum ang kanyang puso sa lakas at bilis ng tibok nito.
Marami na tayong pinagdaanan, isang mensahe na naman ang kanyang natanggap.
Marami ka nang ibinigay na oras sa akin. Marami na akong enerhiyang natanggap mula sa’yo. Tapos, bigla mo akong iiwan. Hindi ko matatanggap ‘yun!
Sunud-sunod ang pagtunog ng laptop ni Julius, na sa pakiwari niya ay palakas pa nang palakas. Itinakip niya ang kanyang mga kamay sa kanyang tenga dahil nabibingi na siya. Sumigaw siya nang sumigaw ngunit hindi na niya naririnig ang sarili niyang boses.
Sa kanyang laptop, patuloy pa rin ang pagpasok ng mga mensahe.
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Ako ay ikaw! Ikaw ay ako!
Biglang tumigil ang pagtunog ng kanyang laptop. Kasabay nito ay namatay ang monitor nito na para bang nawalan ng kuryente.
Tumigil sa pagsigaw si Julius, humihingal. Dahan-dahan niyang tinanggal ang pagkakatakip ng kanyang mga palad sa kanyang mga tenga. Pagkatapos ay lumapit siya sa kanyang laptop. Pinindot niya ang space bar at muling bumukas ang kanyang monitor.
Naka-log-out na ang kanyang Facebook account.
Isang malamig na braso ang yumapos sa leeg ni Julius.
“Hindi lang ako isang dummy account,” sabi ng lalaking naka-maskara ng Son Goku na ngayon ay nakayapos sa kanya sa kanyang likuran. Pagkatapos ay itinutok nito ang malaking kutsilyo sa mukha ni Julius.
Hindi na nakasigaw pa ang binata.
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)
###
“Oh, pards! Napadaan-“
Hindi na naituloy pa ni Roy ang kanyang pagbati. Sa tapat ng kanilang gate ay nakatayo ang kanyang kaibigang si Julius, kumakaway sa kanya.
Lumapit sa kanya si Julius. “Pwede bang pumasok?”
Wala nang nagawa pa si Roy kundi ang tumango. Tuluy-tuloy lamang si Julius sa loob ng bahay ng kaibigan at naupo sa malambot na sofa.
Hindi makapaniwala si Roy sa kanyang nakikita. Oo, halos isang linggo na ang nakalilipas mula nang huli silang magkita ngunit nagtataka siya kung bakit napakalaki ng ipinagbago ni Julius. Hindi maiwasan ni Roy na mapangiwi.
Ang buhok ni Julius ay pinakulayan niya ng pula. Naka-tayo itong lahat, na mukhang pinatigas ng sandamakmak na gel. Nakasuot din ito ng kulay orange na T-shirt at orange na pantalon.
“Pards, bakit ganyan ang hitsura mo?”
Tumawa nang malakas si Julius. “Ah, wala lang. Naisipan ko lang magbago ng image. Ayos naman, ‘di ba?”
Aasarin sana ni Roy ang kaibigan ngunit parang may nakita siyang kakaiba sa mata ng binata. Parang nakakatakot.
“A-Ah, o-oo. Ayos nga. Kakaiba.” Walang nagawa si Roy kundi ang makitawa.
“Oo nga pala,” biglang sabi ni Julius. “Pwede bang maki-Internet saglit dito. Sira ‘yung laptop ko, eh. Wala pa rin akong allowance ngayon. May i-che-check lang akong importante.”
“H-Ha? Internet?” gulat na sabi ni Roy. “Sige, ayun. Bukas ‘yan.” Itinuro niya ang isang computer sa ibabaw ng isang table sa tabi ng T.V.
“Salamat!” Mabilis na tumayo si Julius at naupo sa harapan ng computer. Ginalaw nito ang mouse at nagbukas naman ang monitor nito.
“Hoy, naka-login nga pala ako diyan,” sabi ni Roy. “I-logout mo na lang, ha.”
“Sure!” nakangiting sagot ni Julius.
Ngunit hindi ni-logout ng binata ang Facebook account ni Roy. Bagkus ay binuksan pa niya ang messages nito at nakitang may isang message request ang kaibigan. Agad niya itong binuksan.
Super God Goku
Roy! Ako ‘to si Julius! Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin! Hindi ko alam kung nasaan ako. Madilim dito. Madilim.
‘Yung ako, hindi na ako. Hindi na…
Hindi ko alam kung paano ako napunta dito. Hindi ko maalala. Wala na akong masyadong maalala.
Basta! ‘Yung dummy account mo! Tama, ‘yung dummy account mo, i-delete mo na! Yung account mo na Papa P.
Bago pa… bago pa…
Accept Decline
Lalong lumawak ang ngiti ni Julius. Matapos basahin ang mensahe ay agad niyang pinindot ang Decline button.
“Pards, tingnan mo, oh,” biglang sabi ni Roy.
Nilingon ni Julius ang kanyang kaibigan na nakatingin sa labas ng kanilang pinto.
“Tingnan mo, oh,” pag-uulit ni Roy habang nakaturo sa pintuan. “May lalaking nakatayo sa tapat ng gate. Naka-maskarang karton. Mukha pa talaga ni Piolo Pascual!”
“Si Papa Piolo?” tanong ni Julius.
Malakas na tumawa si Roy. “Grabe, mukhang tanga!”
Lumapit si Julius sa kaibigan at inakbayan ito.
“Bakit hindi mo lapitan?”
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)