Kailan Nagiging “Annoying” Ang “Loving”?

*Kuwentong pang-Valentines!

Kailan Nagiging “Annoying” ang “Loving”?
ni Tristan Martin

“Oh, babe. Kanina ka pa naglalaro diyan, ah.”

Hindi ko na nilingon pa ang girlfriend ko at baka mamatay lang ako sa ML. Medyo natatalo na kami salamat sa mga bano kong kakampi.

“Anong gusto mong ulam, babe?”

“Babe, nakita mo ba ‘yung post ni Emilyn?”

“Wala na palang toyo, babe. Bumili ka naman, oh.”

“Aaaahhhh!” sigaw ko. Ayan na nga, natalo na naman kami.

“Okay ka lang, babe?”

Humarap ako sa aking mahal na girlfriend at ngumiti. “Ayos lang, babe. Sige, bibili muna ako.”

“Thank you, babe. Love you!”

Tatlong taon na kaming nagsasama ng girlfriend ko. Marami nga ang nagtatanong kung bakit hindi pa kami nagpapakasal. Pero hindi naman ganoon kasimple ang magpakasal, ‘di ba? Saka, ayos naman ang sitwasyon namin ngayon, komportable naman kaming dalawa sa ganitong set-up. At siyempre, isang malaking gastos din kapag nagpakasal kami.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Pero mayroon akong isang lihim na dahilan kung bakit ayaw ko pa talagang magpakasal sa kanya. Oo, mahal na mahal ko ang girlfriend ko. Loyal at faithful ako sa kanya. Kahit isang beses ay hindi ko nagawa o naisip man lang na lokohin siya. Para sa akin, siya ang nag-iisa at siyang magiging ina ng aking mga anak.

Ngunit bakit ganoon? Parang nagiging nakakainis na siya. Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang pakiramdam na ito. Ang dati-rating pangungumusta niya sa akin, ang pagtatanong niya kung kumain na ba ako, ang kuwentuhan namin sa gabi hanggang madaling-araw, lahat ng mga bagay na ito na nagdulot sa akin ng matinding kasiyahan at kilig, bakit ngayon ay nakakainis at nakakairita na lamang? Dati-rati ay sabay pa kami mag-browse ng Facebook ko, pinagtatawanan ang mga posts sa feed ko, binabasa ang mga messages sa akin, at tinitingnan ang lahat ng nag-fe-friend request sa akin. Pero ngayon ay ayokong-ayokong nakikibasa siya sa Facebook ko. Siyempre, hinahayaan ko pa rin siya. Wala naman akong dapat itago.

Dati ay gustung-gusto ko siyang pakinggan kapag nagkukuwento siya. Ang sarap pakinggan ng tawa niya. Pero ngayon, naiingayan na lang ako sa kanya. Minsan tuloy ay naiisip ko, paano kung sampalin ko kaya siya para matahimik? Siyempre, hinding-hindi ko gagawin ‘yun! Sa imagination ko lang.

Hindi ko alam kung bakit pero parang nasasakal ako sa mga bagay na dati na naman naming ginagawa. Kailan ba at paano nagiging “annoying” ang “loving”?

Oo, nagi-guilty ako sa nararamdaman ko. Mahal ko siya pero naiinis din ako sa kanya. Samantalang siya, ang sweet-sweet pa rin niya sa akin. Hindi pa rin nababawasan ang pagmamahal niya sa akin.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Hetong sukli,” sabi ng tindera sabay abot ng kaunting barya.

Pagkabili ng toyo ay agad din akong bumalik sa bahay. Nais ko sanang makabawi sa ML.

“Salamat, babe!” bati sa akin ng aking girlfriend. “Oo nga pala, nag-text si Aldwin. Laro daw kayo ng basketball.”

Agad na napangiwi ako sa kanyang sinabi. Buti na lamang at nakatalikod siya sa akin, naghihiwa ng sibuyas. Hindi ko siya pinagbabawalan pero naiinis talaga ako kapag pinapakialaman niya ang cellphone ko.

“Ah, sige, babe,” tugon ko.

Hindi ko alam kung anong pumasok sa akin pero bigla kong itinaas ang dalawa kong kamay. Itinapat ko ang mga ito sa kanyang batok. Sa isipan ko ay pinipiga ng aking dalawang kamay ang kanyang makinis na leeg.

Agad din akong natauhan at naupo sa sofa. Hinding-hindi ko gagawin iyon sa kanya. Sa imagination ko lang ‘yun.

Buti na lang at may ML na mapagkakaabalahan. Sa pagkakataong ito, mukhang mananalo na rin kami.

Bigla akong nakarinig ng mahinang kaluskos sa aking likuran. Lumingon ako at natulala sa aking nakita.

Nakatayo sa likuran ko ang aking girlfriend. Parang nilukumos na papel ang kanyang mukha. Halos salubong na ang kanyang mga kilay at nakabuka ang kanyang bibig na parang mangangagat. Nakataas ang kanyang kanang kamay, hawak-hawak ang kutsilyong ginagamit niya kanina lamang. Nakatutok ito sa aking likod.

“B-Babe,” bulong ko.

Sa isang iglap ay nakangiti na ang aking girlfriend, maganda na siyang muli. Mabilis niyang itinago ang dalawa niyang kamay sa kanyang likuran.

“Babe,” sabi niya. “Hindi ko naman talaga gagawin. Sa imagination ko lang ‘yun.”

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

One thought on “Kailan Nagiging “Annoying” Ang “Loving”?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s