Ang Manliligaw Part II

“Tao po. Tao po.”

Nakatayo si Anton sa harap ng isang bahay kubo na nasa gitna ng malawak na bukirin. Maraming naglalakihang mga puno sa paligid na nagsasaboy ng maiitim na anino kaya’t mukhang takipsilim na kahit tanghaling tapat pa lamang.

“Tao po,” muling kumatok si Anton.

“Sinong hinahanap niyo?”

Lumingon si Anton sa kanyang likuran at nakita ang isang lalaking nakasuot ng puting t-shirt. May edad na ito at napapanot na ang tuktok. May katabaan din ito at ang bilugang tiyan ay bumabanat sa suot niyang damit.

“M-Magandang araw po. Dito po ba nakatira si Mang Ben? Yung albularyo?” tanong ni Anton.

“Ah, ako si Mang Ben. Bakit mo naman ako hinahanap?”

“Hihingi po sana ako ng tulong. Tungkol po sa problema ng isang kaibigan.”

“Ganun ba,” sabi ni Mang Ben. “Halika, pasok tayo. Galing kasi ako sa kabilang baranggay at nagtawas ako.”

Kahit maliit lamang ay malamig at komportable sa loob ng kubo ng albularyo. Maraming mga halaman at dahon-dahon ang nakasalansan sa isang maliit na lamesa sa gitna ng kubo.

“Oh, ano ba ang problema ng kaibigan mo?” tanong ni Mang Ben ng makahanap ng mga bangkong mauupuan nila.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Eh, kasi ho…” hindi alam ng binata kung paano magsisimula. “”Meron po kasi akong kaibigang babae na nagugustuhan daw ng isang espiritu? Sabi ng iba, lamanglupa daw. Eh, lahat daw ng nanliligaw dun sa kaibigan ko ay nagkakasakit at namamatay.”

Napahawak sa kanyang baba ang albularyo at nag-isip.

“Matutulungan niyo po ba siya?” tanong ni Anton.

“Kung gayon,” sagot ni Mang Ben, “may gusto ka rin ba sa babaeng iyon at gusto siyang ligawan?’

“H-Ho?” ramdam ni Anton ang pamumula ng kanyang mga pisngi.

“Ok lang yan. Huwag kang mag-alala. Madali lamang ang problemang iyon.”

“T-Talaga ho? Matutulungan niyo kami?”

“Oo naman. Ako yata ang pinakamagaling na albularyo sa probinsyang ito,” sabi ni Mang Ben sabay tawa. “Mabuti pa isama mo rito bukas ang kaibigan mo.”

“Sige po! Pupunta po kami dito!” tugon ng binata na hanggang taenga ang ngiti.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay tinungo na ng dalawa ang kubo ng albularyo.

“Sigurado ka ba dito?” tanong ni Andrea.

“Oo. Si Mang Ben yata ang pinakamagaling na albularyo sa probinsyang ito!” sagot ng binata.

Sa kanilang harap ay naglalaga ng mga dahon si Mang Ben. Matapos itong amuyin ng ilang beses, sinala niya ito at pagkatapos ay dinikdik ito gamit ang isang malaking bato. Nang mapulbo ang mga dahon, binalot niya ito gamit ang isang pulang tela. Pagkatapos ay naupo siya sa harapan nina Andrea at Anton.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Kayong dalawa, sigurado ako na kaya kayo naparito ay dahil nag-iibigan kayo.”

Nagkatinginan sina Andrea at Anton at pagkatapos ay tumango.

“Mabuti yan,” sabi ni Mang Ben. “Alam niyo kasi, napakalakas talaga ng kapangyarihan ng emosyon. Pag-ibig, katuwaan, galit, kalungkutan. Lalo na sa mga di-nakikitang nilalang.

“At hindi natin maiiwasan na talagang may mga nilalang na nahuhumaling sa mga tao.  Madalas ay naaakit sila sa kagandahan ng isang tao, o kaya naman ay sa kabutihang loob nito. Sa kasamaang palad, ang mga nilalang na ito ay talagang seloso at mapang-angkin kaya’t ayaw nilang may ibang nagkakagusto sa taong kinahuhumalingan nila.

“Pero huwag kayong mag-alala. Kung totoong nagmamahalan kayo, iyan ang inyong magiging proteksyon. Gagamitin natin ang lakas ng inyong pag-ibig laban sa pag-ibig ng nilalang sa iyo, Andrea. Pag-ibig laban sa pag-ibig. Kaya’t siguraduhin ninyong mas malakas ang inyong pag-ibig kaysa sa nararamdaman ng nilalang.

“Handa na ba kayo?”

Naghawak kamay si Andrea at Anton. “Handa na kami.”

Nagsimulang magdasal si Mang Ben habang hawak-hawak ang pulang tela. Hindi maintindihan ni Anton ang sinasabi ng albularyo ngunit sa tingin niya ay ito ay wikang Latin. Bigla-bigla ay humangin ng malakas. Nilipad ang mga dahon na nakapatong sa lamesa. Ngunit ang ipinagtataka ni Anton ay hindi naman gumagalaw ang mga dahon ng puno sa labas. Mukhang tanging sa loob lamang ng kubo mayroong malakas na hangin.  Patuloy lamang sa pagdarasal si Mang Ben.

Biglang tumayo si Andrea at sumigaw.

“Andrea!” bulalas ni Anton.

Para bang mayroong humihila sa dalaga. Hinigpitan ni Anton ang pagkakahawak sa kamay ni Andrea at hinila ito papalapit sa kanya. Ngunit sadyang malakas ang kung anong humihila sa babae.

“Ipakita niyo ang lakas ng inyong pag-ibig,” malakas na sabi ni Mang Ben.

“Hindi kami magpapatalo!” Tumayo si Anton at mahigpit na niyakap si Andrea. Mahigpit din siyang hinagkan ng dalaga. Lalong lumakas ang hangin sa loob ng kubo, halos liparin na ang mga gamit. Naramdaman ni Anton ang muling paghila sa dalaga ngunit pakiwari niya ay para bang nabawasan ang lakas nito.

“Lubayan mo na kami. Mas malakas ang pag-ibig namin sa iyo!”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Walang anu-ano ay biglang tumigil ang malakas na hangin. Nawala na rin ang puwersang humihila kay Andrea. Dahan-dahan ay kumalas ang dalawa sa pagkakayakap.

“A-Anong nangyari?” tanong ni Andrea.

“Tapos na,” sagot ni Mang Ben na dahan-dahang tumayo.

“T-Talaga ho?” tanong ni Anton.

“Oo.”

Muling nagyakapan ang dalawa sa tuwa.

“Nagtagumpay kayo. Napatunayan niyo na mas malakas ang inyong pag-ibig kaysa sa pag-ibig ng nilalang na iyon.”

“Maraming salamat po, Mang Ben!”

“Wala iyon. Heto, tanggapin niyo ito.” Inabot ni Mang Ben ang hawak niyang pulang telang may lamang mga dinikdik na dahon. “Proteksyon iyan upang wala nang mahumaling na nilalang sa iyo.”

Nag-aalangan ngunit inabot ni Andrea ang pulang tela.

“Isuot mo lang lagi sa iyo yan. Po-proteksyunan ka niyan.” Kinuha ni Mang Ben ang isang bangkong natumba at pabagsak na naupo. Hinihingal ito na para bang pagod na pagod.

“Maraming salamat pong muli, Mang Ben.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

###

Sa unang pagkakataon ay nakalabas ang dalawa at nakapamasyal ng magkasama. Marami ang nagulat ng makitang walang nangyaring masama kay Anton.

Papauwi mula sa panonood ng sine, nakatayo ang magkatipan at naghihintay ng masasakyang jeep.

“Nag-enjoy ka ba, Andrea?”

“Oo, Anton. Maraming salamat, ha.”

“Wala yun. Basta para sa’yo, gagawin ko kahit ano.”

Walang anu-ano ay mayroong sumakal kay Anton mula sa likuran.

“Ano-“

Isang malamig na palad ang tumakip sa kanyang bibig. Naramdaman niya na tumusok sa kanyang pisngi ang matatalas na kuko nito, dahilan upang tumulo ang dugo sa kanyang leeg.

“H-Hinde!” mahinang sabi ni Andrea.

Anong nangyayari? may takot na tanong ni Anton sa sarili.

“Akala niyo ba mapapaalis niyo ako ng ganun-ganun lang?” Isang nakakatakot na boses ang nagmula sa kanyang likuran.

Sino ito?

“H-Hindi!” bulalas ng dalaga. “Hindi mo na dapat kami gagambalain. Natalo ka ng aming pag-ibig.”

Tumawa ng malakas ang lalaking nasa likuran ni Anton. Nakakakilabot ang tunog ng kanyang halakhak, parang galing sa ilalim ng lupa.

“Tinalo ng inyong pag-ibig ang aking pag-ibig?”

“O-Oo,” sagot ni Andrea.

Muling humalakhak ang nilalang. “Sino bang may sabing nahuhumaling ako sa’iyo?”

“A-Ano?” ang tanging nasabi ni Andrea.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Totoo. Kung pag-ibig laban sa pag-ibig, siguradong matatalo ako dahil mas malakas ang pag-iibigan ninyong dalawa. Ngunit hindi naman kita iniibig.”

Hindi maintindihan ni Anton ang mga nangyayari. Pumalpak ba ang orasyon ni Mang Ben?

“Galit ako sa’yo,” sabi ng nilalang kay Andrea. “Hindi kita iniibig, bagkus ay galit na galit ako sa’iyo. Kaya ko pinapatay lahat ng manliligaw mo ay dahil ayokong maging masaya ko. Gusto kong maramdaman mo ang walang katumbas na kalungkutan.”

“H-Hindi…”

“Kaya walang bisa ang seremonya ng magaling ninyong albularyo. Ang seremonyang iyon ay para lamang sa mga nilalang na nahuhumaling sa mga tao.

“Hindi ito tumalab sa akin dahil galit ang nararamdaman ko para sa’iyo.”

Gustong tumakbo ni Andrea ngunit hindi siya makagalaw. Hindi rin siya makasigaw upang humingi ng tulong.

“At ngayon, magpaalam ka na sa minamahal mo!” Itinulak ng malakas ng nilalang si Anton sa kalsada. Saktong mayroong dumaang 18-wheeler truck at sinalpok ang katawan ng binata. Tumilapon ang lalaki ng ilang metro. Wala na siyang buhay bago pa man siya bumagsak sa malamig na semento.

Dito nawalan ng malay si Andrea. Ngunit kahit wala ng ulirat ay naririnig pa rin niya ang nakakatakot at malakas na halakhak ng kanyang inaakalang “manliligaw.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Ang Manliligaw

Wow! Ang ganda niya!

Ito ang unang naisip ni Anton ng makita niya si Andrea. Fourth year high school na siya ngunit kinailangan niyang magtransfer sa isang public school dahil hindi na kaya ng kanyang mga magulang ang tuition fee sa pinapasukang private school. Sa una ay nanibago siya sa kapaligiran, palibhasa’y damuhan pa ang school field at marami sa mga estudyante ang hindi naka-uniporme at pawang nakatsinelas lamang. Buti na lamang at nakita niya si Jeric, na dati niyang kaklase noong elementary pa lamang siya. Si Jeric ang nagpakita sa kanya ng kalakaran sa isang public school.

“Jeric, sino yun?”

“Ha?” Sinundan ng tingin ni Jeric ang itinuturo ni Anton. “Sino ba?”

“Ayun. Yung babaeng nakaupo sa ilalim ng puno.”

Ilang segundo bago natagpuan ni Jeric ang itinuturo ng kaibigan. “Ahhh. Ayun ba? Si Andrea yun.”

“Andrea?” nakangiting sabi ni Anton.

“Oo. Bakit mo naman naitanong?”

“Eh, a-ang ganda niya noh!”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Bati, Final

(Author’s Notes: Dahil sa maraming negative reactions dahil sa ending ng seryeng ito, napagdesisyon ko na ipost ang original ending na isinulat ko. Binago ko lamang ang ending at ginawang hanging para bahala na ang mga readers na isipin kung ano talaga ang nangyari. Para bang mala-Inception, hehehe. Pero, ngayon ay napag-isip isip ko na may punto naman ang mga taong nagsasabing bitin ang istorya. Kaya basahin ninyo sa baba ang original ending na naisip ko para sa kuwentong ito.)

 

Click here for Bati, Part I.

Click here for Bati, Part II.

Click here for Bati, Part III.

Ano ba itong ginagawa ko, tanong ni June sa sarili. Kasalukuyan siyang naglalakad sa loob ng subdivision nila Bella, pilit na inaalala kung saan nila nakita ni Alex ang matanda. Sa isip niya ay hindi pa rin niya naiintindihan ang nangyari sa kanyang anak. Hindi rin niya maintindihan kung ano ba talaga ang bati. Basta’t ang alam niya ay gagawin niya ang lahat upang gumaling ang anak.

Maaga siyang umalis sa ospital. Pinakiusapan niya si Bella na samahan muna si Alex. Mabilis namang pumayag ang kaibigan. Wala na rin naman siyang ibang mahihingan ng tulong dahil wala na siyang mga magulang at nag-iisa lamang siyang anak. Halos nasa probinsya naman lahat ng kanyang iba pang mga kamag-anak at karamihan ay hindi niya kilala.

Dahil tuliro na rin ang isip ay bahagyang nahirapan si June  na alalahanin kung saan sila dumaan ni Alex noong bumisita sila noong isang linggo lamang. Isang linggo pa lamang ngunit parang taon ang lumipas para sa kanya. Halos parang tumanda rin ang kanyang hitsura dahil sa sobrang pag-aalala at pag-iyak.

Sinubukan niyang magtanong-tanong sa ilang mga taong nakakasalubong niya. Palibhasa’y mayayaman ang mga nakatira dito, bibihira ang mga taong lumalabas o tumatambay. Ang ilan namang mga katulong o guwardiya na napagtatanungan niya ay hindi nakikilala ang matandang babaeng hinahanap niya.

Mag-aalas dos na ngunit hindi pa rin niya nakikita ang hinahanap. Sumasakit na ang kanyang ulo sa init at sa gutom. Hindi pa kasi siya nakakapananghali. Dito ay napagdesisyunan niyang bumalik na muna sa ospital. Maaari naman siyang bumalik mamayang hapon.

Mabilis na naglakad si June at tinahak ang daan pabalik sa gate ng subdivision. Dinudukot niya ang kanyang cellphone sa dalang bag ng bigla siyang matigilan. Sa gilid ng kanyang mata ay parang nakita niya ang isang matandang lumiko sa kanto sa kanyang kaliwa.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Bati, Part III

Click here for Bati, Part I

Click here for Bati, Part II

“Bakit ba nangyayari ito sa anak ko,” umiiyak na tanong ni June sa kaibigan. “Naging isang masamang ina ba ako?”

“Shht! Huwag ka ngang magsalita ng ganyan!” saway ni Bella.

“P-Pero bakit? Anong nangyayari kay Alex?”

Dito ay walang naisagot si Bella.

Halos magdadalawang linggo na silang nasa hospital ngunit hindi pa rin alam ng mga doktor ang nangyari kay Alex. Lahat sila ay nagtataka, halos kamutin na ang kanilang mga ulo, lahat walang maisagot sa mga tanong ni June. Katakot takot na examination at laboratory ang ganilang isinagawa ngunit lahat ng resulta ay bumalik na normal. Ngayon nga ay sinasabi nilang mayroong darating na espesyalita mula sa Amerika na nag-aral pa sa Europa. Sigurado sila na ang espesyalitang ito ang makakatukoy sa kalagayan ng bata.

Halos madurog ang puso ni June. Parang nauubusan na siya ng pag-asa ngunit ayaw niyang sumuko alang-alang sa kanyang anak. Kay Alex na umiikot ang kanyang buhay, kaya’t lahat ay handa niyang gawin para sa ikabubuti nito.

Kaya’t hindi na rin siya nagdalawang isip ng imungkahi ni Bella na ipatingin si Alex sa isang albularyo.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Bati, Part II

Click here for Bati, Part I.

Tahimik ang mga Grade I students habang kinokopya nila ang aralin na sinusulat ng kanilang teacher sa blackboard. Si Alex ay nakaupo sa bandang gitna ng klase, ang kanyang bag na de-gulong ay nakatabi sa kanyang gilid. Gamit ang kanyang paboritong lapis na kulay pink, mabilis niyang sinusulat ang mga salitang ingles na nasa blackboard. Paborito niya ang subject na English at siya ang nangunguna sa kanilang klase.

“Ang ganda mo talaga…”

Natigilan si Alex ng marinig ang pamilyar na boses na iyon. Dahan-dahan niyang inikot ang ang kanyang ulo para hanapin ang pinagmulan ng boses.

Wala siyang ibang nakita kundi ang kanyang mga kaklaseng nagsusulat at ang kanyang teacher. Bumalik siyang muli sa kanyang sinusulat.

“Para kang isang anghel…”

Nagulat muli si Alex at lumingon siya sa kanyang kaliwa. Napatingin siya sa kanyang bag.

Dahan-dahang bumubukas ang zipper nito. At ng bukas na bukas na ito ay biglang lumabas ang matandang babae.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Bati, Part I

Sa isang village sa Quezon City ay masayang naglalakad sina June at ang kanyang anim na taong gulang na anak na si Alexandra. Hawak ni Alexandra sa kanyang kaliwang kamay ang kanyang favorite stuff toy hippopotamus na si Blue, habang ang kabilang kamay niya ay nakahawak sa kamay ng kanyang mommy June.

“Baby, good girl ka sa house ng Tita Bella mo ha. Huwag kalimutang mag-kiss,” nakangiting sabi ni June.

“Yes, Mommy. I won’t forget,” sagot ng bata.

Patuloy sila sa paglalakad sa malinis na kalsada. Mga mayayaman ang mga nakatira sa village na iyon kayat kahit saan mapatingin si June ay puro naglalakihang mga bahay ang kanyang nakikita. At napansin niya, kapag mas malaki ang bahay, mas malaki din ang gate. Ang ibang bahay nga ay hindi na makita kung ano ang hitsura dahil sa taas ng bakod.

Magkakaroon din ako ng bahay na ganyan, nasabi ni June sa sarili. Tiningnan niya si Alex at napangiti.

Tatlong taon na ang nakararaan ng iwanan sila ng tatay ni Alex. Hindi sila kasal, at bagamat lubos siyang nasaktan, hindi na rin siya naghabol. “May pride din naman ako,” ang sabi ni June noon. Ngunit ngayon ay hindi na sumasama ang kanyang loob kapag naaalala niya ang nakaraan. Ang tanging nasa isip na lamang niya ay ang hinaharap nila ng kanyang anak.

Ipagpatuloy ang pagbabasa