Huwag Mo Silang Hahanapin

Huwag Mo Silang Hahanapin

ni Tristan Martin

 

Mayroon akong third eye. Sige, tawanan niyo ako. Alam ko namang mahirap paniwalaan ito. Marami na ang nagsabing baka raw nababaliw lang ako. Na pawang nasa isipan ko lamang ang lahat ng mga nakikita ko, mga halusinasyon lamang. Mayroon din namang nagsasabi na sinasapian daw ako ng demonyo o ng isang masamang espirito. May nag-volunteer pa nga na ipagpe-pray over nila ako basta’t sumama lamang ako sa kanilang simbahan.

 

Hindi na ako nakikipagtalo kapag nabubuksan ang diskusyon tungkol sa aking third eye. Halos narinig ko na ang lahat ng mga paliwanag at teyorya tungkol sa mga taong nakakakita ng mga espirito. At, sa aking pagtanda, natanggap ko na rin na baka maaaring tama rin sila. Ayokong isipin na baliw ako ngunit marami na akong nakitang mga bagay na parang milagroso ngunit madaling naipaliwanag ng siyensya. Maaaring may diperensya nga ang utak ko, eh, ano naman ngayon? Natuto na akong mabuhay na nakakakita ng mga kaluluwa (o halusinasyon?) na naglalakad kasama ng mga buhay.

 

Isa sa mga dahilan kung bakit sa Black Towers ako kumuha ng unit ay dahil wala akong nararamdaman at nakikitang hindi normal. Sa lahat kasi ng mga condo na napuntahan ko, palagi akong may kakaibang nararanasan. Sa isang condo sa Makati, pagpasok ko pa lamang ay nakaramdam na kaagad ako ng panlalamig. Panlalamig na hindi dahil sa aircon, na hindi naman ganoon kalakas. Ito ang uri ng panlalamig na tagos hanggang buto. Hindi ko alam kung bakit ngunit bigla akong napatingala. At nagulat ako sa aking nakita (na hindi ko ipinahalata dahil nasanay na rin naman ako sa mga ganoong sitwasyon).

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Na Recover Din!

Whoo! Narecover ko din tong account ko. Na lock out ako mga one month ago hindi ko alam bakit. Basta’t bigla na lang hindi na ako makalogin. Eh, nakalimutan ko na yung email address na associated sa account na ito kaya hindi ako makarequest ng reset password.

Buti na lang at naalala ko yung email ko! Kaya heto, buhay na ulit ang blog na ito. So abangan niyo na lang ang mga stories ko na isha-share dito. Abangan niyo rin po sana ang book ng collection ng mga piling stories ko! In talks po ako with a publisher and sana po ay matuloy!

Sana po ay patuloy niyo akong suportahan at ang aking mga stories!

Love you all, dear readers!

IMG_20161028_095533

No to Plagiarism

Sa lahat po ng readers, paalala lang po. Kahit hindi na po ako masyadong nakakapag-post ng stories ko, hindi ibig sabihin na hindi na ito active at hindi ko na chinecheck. Baka isipin niyo na wala ng pakialam si author kaya pwede niyo ng kunin ang mga stories dito.

Bawal po ang pagre-repost ng stories ko sa ibang websites, sa social media, at lalong-lalo na sa Wattpad ng WALANG PERMISSION! Kung nagandahan po kayo sa story at gusto niyo i-share sa iba (siguro naman nagustuhan ninyo ang story, hindi niyo naman siguro ire-repost kung hindi niyo nagustuhan), hingi po muna tayo ng permission. Respeto na rin po iyon sa author.

Kung hindi man ako kaagad makareply dito (busy rin naman ako) at gustong-gusto niyo na ishare, hindi na kayo makapaghintay, ALWAYS give PROPER credits or attribution. Iniistress ko ang salitang PROPER dahil hindi po sapat ang paglalagay ng disclaimer na hindi inyo ang story at nakuha niyo lang sa Internet. Kailangang ilagay ang pangalan ng author AND the web-address kung saan niyo kinuha.

So sa mga stories ko dito, hingi po ng permission first. Okay na din sa akin maglagay ng PROPER attribution kung hindi man ako makareply sa inyong paghingi ng pahintulot. So kung ishe-share niyo ang mga stories ko sa Facebook or Wattpad, dapat ganito:

<Title of Story>

by Martin Tristan Carneo

kuwentonghorror.wordpress.com

Okay po!

At huwag na huwag niyong ilalagay na kayo ang sumulat ng story! Plagiarism po iyan! Meron pang iba pinapalitan lang ng pangalan yung mga characters. Plagiarism pa rin po iyon!!!

Sana po ay maintindihan ninyo. I’m writing these stories, not to be famous, but because I love writing horror stories. I care for these stories like they are my children.

Maraming salamat po!

Bakit Tawa ng Tawa ang Bungisngis?

 

Bakit Tawa nang Tawa ang Bungisngis?
ni Martin Tristan Carneo

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Nasa harapan ko na ang halimaw ngunit hindi pa rin ako makapaniwala. Sadyang mayroon talagang mga bagay na hindi matanggap ng ating isipan kahit nakikita na ito ng sarili nating mata.

“Maki!” Isang malamig na kamay ang malakas na humatak sa aking braso.

“R-Robi.” Sa sobrang takot at pagkamangha ko ay hindi ko na napansin na humakbang pala ako papalapit sa halimaw.

“Huwag kang lumapit diyan baka kagatin ka bigla.”

Tumango ako at agad na umatras sa tabi ng aking kababata. Muli kong tinignan ang halimaw na nakasalampak sa lapag. Nakatali ang buong katawan nito ng makapal na lubid. Malaki ito at nakatatakot ang hitsura. Marungis ang buong katawan nito na para bang gumulong sa putikan. Nagwawala ito at nagpupumiglas ngunit ang nakatatakot ay kahit na nakatali, tawa lang ito nang tawa.

“Ano ba iyan, Robi?” tanong ko.

“Hindi ko rin alam. Kaninang naglalakad ako sa kakahuyan ay nakita ko iyang nakahandusay sa lupa. Nang lapitan ko, nakita kong sugatan. Kaya inuwi ko rito.”

Tinignan ko si Robi, ang aking bibig ay napanganga.

“Inuwi mo? Bakit? Nababaliw ka na ba?”

“Sa totoo lang, tatakbo na sana ako sa takot nang makita ko ang mukha ng halimaw na iyan,” nakangiti niyang sagot pagkatapos ay naupo sa isang bangkito sa kaniyang tabi. “Pero bigla kong naalala ang mga kuwento ni lola. ‘Yung tungkol sa mga halimaw na nakikita raw rito sa bundok na ito. Naaalala mo pa ba iyon?”

“Oo naman,” tugon ko. “Pero kuwento lang ang mga iyon, ‘di ba?”

“Anong kuwento? Hindi mo ba nakikita iyang nasa harapan mo? Huwag mong sabihing kuwento lang iyan?”

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Ipagpatuloy ang pagbabasa

KULTO

KULTO
ni Martin Tristan M. Carneo
3/8/2017 1:00AM

Lumayas ako sa amin noong labing-anim na taong gulang pa lamang ako. Hindi ko inisip noon kung saan ako mapapapadpad o kung ano ang mangyayari sa akin. Basta’t ang inisip ko lamang ay ang makalayo. Makalayo sa aking amang nagtayo ng sarili niyang relihiyon. Hindi, ng isang kulto.

Tiningnan ko ang ang aking may-bahay na abala sa kusina. Nagpasalamat ako na hindi niya ako nakikita ngayon. Hindi niya nakikita ang pinagpapawisan at, kahit na hindi ko nakikita, namumutla kong mukha. Ibinalik ko ang aking atensyon sa hawak kong dyaro at tinitigan ang headline.

300 MIYEMBRO NG KULTO, PATAY SA PAGSABOG NG MAYON

Sa ilalim ng titulo ay may litrato ng Bulkang Mayon na nagbubuga ng makapal na usok. Katabi nito ay ang larawan ng isang matandang lalaki.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Open Minded Ka Ba?

Open Minded Ka Ba?

by Martin Tristan M. Carneo

 

                Open minded ka ba?

                Business ang tinutukoy ko. Gusto mo bang yumaman? Sino ba naman ang ayaw, hindi ba?

                Tamang tama. Mayroon akong business. Sigurado kikita ka dito ng walang hirap. Huwag ka mag-alala, 100% legal ito. Marami na ngang yumaman dito. Siyempre, isa na ako doon. Kaya nga gusto ko rin i-share ang blessings ko. Tutal naman, tropa tayo noong high school, di ba? Gusto ko yumaman din lahat ng kaibigan at mahal ko sa buhay.

                Naku, hindi ito scam. Hindi ito pyramid. At lalong hindi ito networking. Hindi mo kailangang magbenta dito. Halos laway lang ang puhunan natin. Pero hindi mo kailangan mag-sales talk, sales talk tulad ng sa iba diyan. Dito, kuwentuhan lang tayo. Lalo na’t matagal na rin tayong hindi nagkita.

                Oh, andito na pala yung pizza. Sige kain ka muna. Kunin ko lang yung iPad ko sa bag ko.

                Isipin mo ‘to. Kapag nakapanood ka ng isang magandang pelikula tapos ikinuwento mo sa pamilya at mga kaibigan mo, siyempre maeengganyo silang manood din. Lalong lalaki ang kinita ng pelikula. Eh, ikaw? Ikaw ang dahilan kung bakit nadagdagan ang kita nila, pero ano? May natanggap ka ba? Wala di ba? Kaya nga dito sa business ko, kuwento-kuwento rin lang tayo. Ikuwento mo sa iba ang magandang mga natanggap mo. Kung hindi sila interesado, ayos lang. Wala kang lugi dahil hindi ka naman gumastos at napagod. Pero kung naengganyo sila, naku sinasabi ko sa iyo sobra-sobra ang matatanggap mo.

                Sa factory ka nagta-trabaho, di ba? Saka nakita ko yung tatlong anak mo sa Facebook, malalaki na rin pala, ano? Tiyak magastos ang pagpapaaral sa kanila lalo na’t sabay-sabay. Si misis? Naglalabada lang? Napakahirap ng buhay sa ngayon, ano? Buti na lang talaga merong ganitong business na tumutulong na makaangat naman ang mga kapos sa buhay tulad natin. Ginagarantiya ko sa’yo, kapag sumali ka sa business na ito, ilang buwan lang giginhawa ang buhay niyo ng pamilya mo.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

                Ito, tingnan mo. Ilan lang ito sa mga yumaman nating kababayan. Ito si Jack Peralta. Dati, magtataho lang siya. Sumali siya last year lang. Siyempre, habang naglalako ng tao, nagkukuwento rin siya sa mga tao. Eto na siya ngayon. May sarili ng bahay at lupa. Tatlo ang kotse. Mayroon pang dalawang condo sa Makati at Taguig. Ang malupit dito, hindi na niya kailangan pang magtrabaho para kumita. Sa maliit na investment niya at konting kuwento-kuwento, heto at naghihintay na lamang siya na pumasok ang limpak-limpak na pera.

                Ito naman si Josie Legaspi. Galing siyang Samar. Nagpunta siya dito sa Maynila para maghanap ng trabaho. Namasukan siyang kasambahay. Pero ngayon, siya na ang amo! Ang laki ng bahay niyan sa Tagaytay. At naidala na rin niya dito ang pamilya niya. Napag-aaral rin niya ang mga kapatid niya sa mga naglalakihang private schools.

                Gusto mo pa ba ng chicken? Sige, order ka lang. Ako ang bahala.

                Alam ko nacu-curious ka na kung anong business ito na siguradong yayaman ka. Eto, tingnan mo. Ipapaliwanag ko sa iyo. Eto ang Say 10 Enterprises. Kung bibigyan mo ng grade ang buhay mo from one to ten, ano ang ibibigay mo? Seven? Eight? Naku, dapat lahat tayo ay 10. Dito sa Say 10, ang buhay natin ay Perfect 10!

                Ganito lang iyan. Ang Say 10 ay nag-iinvest sa iba’t ibang businesses sa buong mundo. Sa stock market, sa manufacturing, sa mining, sa gold, silver, uranium at strontium, at kung anu-ano pa. Napakalaking business nito worldwide. Ang maganda dito, tayong mga pangkaraniwang tao ay pinapayagan nilang mag-invest sa kanila. Gagamitin nila ang investment mo para sa iba’t ibang business nila. At siyempre, dodoble at ti-triple yung pera mo. Madalas ay times 5 hanggang times 10 pa ang tubo. Paano nangyari yun? Sabi ko naman sa iyo, iba-ibang business ang meron sila. Hindi ba’t maraming yumayaman sa stock market? Napakalaking industry din ang mining lalo na ang gold at silver. Ginagamit nila ang investment mo para i-invest din sa mga industry na iyon. Kaya malaki ang balik sa atin nun.

                Magkano ang investment? Sigurado, magugulat ka. Sa maliit na halaga na P666.00, pwede ka ng maging isa sa mga investors ng Say 10. Isang beses ka lang magbabayad, kapag nagpa-member ka. Tapos lifetime member ka na. Ang kailangan mo lang gawin ay magkuwento, tulad ng ginagawa natin ngayon, sa mga kaibigan at kapamilya mo tungkol sa Say 10. Kapag naengganyo mo silang sumali, mas malaki ang makukuha mong pera. Kaya nga mas maganda kung mas marami kang marerecruit. Pagkatapos, maghihintay ka na lang ng pasok ng pera. Hindi mo na kailangan pang magtrabaho.

                I assure you, legal ito. Kahit i-check mo pa sa Internet.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

                Ano? Interesado ka ba?

                Good! Eto, buti na lang at may dala akong application form. Nakasulat na rin dito ang lahat ng terms and conditions. Medyo makapal siya kaya huwag mo ng basahin. Medyo technical ang mga salitang ginamit pero kung ano naman yung ipinaliwanag ko sa’yo, yun din naman yung nakalagay diyan.

                Dito. Dito ka pipirma.

                Kukunin ko na rin yung P666.00 na investment mo.

                Ayos! Ano, ready ka na bang yumaman?

###

                Oh, kamusta? Napatawag ka?

                Magaling na ba yung injury mo? Good, good!

                Natanggap mo na yung ATM galling sa Say 10? Ayos. Ang bilis di ba? Dalawang linggo lang! Sabi ko sa’yo, eh.

                Magkano ang laman? P24,000? Oh, di ba. From P666.00 to P24,000! Ganyan kabilis ang pagyaman dito. At mas lalaki pa yan kung mas marami kang marerecruit.

                Ha? Yung kapitbahay na narecruit mo, na-hit and run ang anak? Buti naman at hindi namatay. Naku napakahirap talaga ng buhay ngayon, ano? Lalo na’t mahirap ka. Magkano naman ang binayaran nila sa ospital? P14,000? Naku ang bigat nun. Ang mabuti pa, sabihan mo siya na magrecruit na. Tiyak, kapag nakapagrecruit na siya, dadaloy na ang ginhawa.

                Si Precy? Yun classmate natin nung second year? Aba, narecruit mo rin pala siya, ano. Ayos yan!

                Ha? Na-holdap ang sinasakyan siyang bus? Grabe talaga, ang dami ng masasamang tao ngayon. Anong nakuha sa kanya? Buti cellphone lang. Ha? Kabibili lang niya nun? Ang malas naman niya. Magkano raw ang bili? P10,000? Naku, sayang naman. Di bale, sabihin mo sa kanya na magrecruit na siya. Sigurado, kapag nakarecruit na siya, babaliktad na ang swerte niya. Mas makakabili pa siya ng mas mahal na cellphone.

                Oh sige. Balitaan mo na lang ako, ha. Kita rin tayo ulit minsan para makapagkwentuhan. Buti na lang at may Say 10, ano? Salamat talaga sa Say 10.

###

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

                Mga kaibigan, nagbabagang balita po. Isa pong hostage taking ang nagaganap kasalukuyan sa loob ng isang mall sa Taguig. Naroroon po ngayon si Jimmy Manipa. Jimmy, ano ng nangyayari diyan?

                Salamat                , Mikey. Dito nga sa isang mall sa Taguig ay may isang lalaki ang nang-hostage sa loob ng isang pizza restaurant. Napag-alaman na kasama niya ang kanyang hinostage. Ayon sa mga negotiator, pinipilit ng lalaki ang kasama niya na sumali sa isang multi-level marketing group o yung mas kilala na networking. Inimbitahan umano ng lalaki ang kanyang kasama upang kumain dito ngunit ng alukin na upang sumali ay tumanggi ang hostage. Doon na nga sinunggaban ng hostage taker ang kanyang kasama at tinutukan ng kutsilyo at pinipilit na pumirma sa kontrata.

                Jimmy, may pagkakakilanlan na ba ang hostage taker?

                Oo, Mikey. Napag-alaman natin na siya si Reynato Ortega, isang tindero sa palengke. Ayon sa negotiators natin, nasunog daw ang pwesto nitong si Reynato sa palengke dalawang linggo na ang nakakaraan. Namatay naman apat na araw pa lamang ang nakalilipas ang kanyang misis dahil na-stroke. Ayon sa pahayag ng hostage taker, naniniwala siya na susuwertehin siya kapag nakarecruit na siya ng mga miyembro doon sa kanyang networking group.

                Ano bang networking group iyan, Jimmy?

                Ito nga ang sikat na sikat sa ngayon na tinatawag na Say 10 Enterprises.

                Say 10? Hindi ba’t noong nakaraang linggo lamang ay mayroong nagpakamatay na miyembro din ng grupong iyan?

                Tama ka diyan, Mikey. Noong isang linggo lamang ay napabalitang nagbigti ang isang babae sa Pasay dahil hindi raw siya makarecruit ng ibang miyembro at katakot-takot na malas ang kanyang inabot, ayon sa kanyang suicide note. At kung natatandaan mo, isang lalaki naman ang nangidnap ng tatlong guro at sapilitan silang isinali sa networking group na ito.

                Ano naman ang opinion ng mga pulis dito, Jimmy? Sa tingin ba nila ay may koneksyon ang mga insidenteng ito?

                Sa ngayon ay pure coincidence lamang ang tingin ng mga imbestigator sa mga pangyayaring ito, Mikey. Sinubukan nating kontakin ang Say 10 Enterprises pero wala tayong makitang kontak nila maliban na lamang sa kanilang website. Nagpadala tayo ng email sa kanila pero hanggang ngayon ay wala tayong natatanggap na sagot.

                Sino ba ang may-ari nitong Say 10 Enterprises na ito, Jimmy?

                Yun nga ang palaisipan, Mikey. Walang nakakaalam kung sino ang may-ari o saan ang kanilang opisina. Wala ring nakalagay na address o headquarters sa kanilang website. Kung matatandaan mo, Mikey, dalawang buwan na ang nakakaraan ng maipalabas ang isang dokumentaryo natin tungkol sa kompanyang ito at sinasabi ng mga financial experts na isa raw itong scam. Ngunit talagang napakarami nating mga kababayan ang nahahalina na sumali dahil sa pangako ng malaking kita.

                Salamat, Jimmy. Patuloy mong tutukan ang mga pangyayari diyan at balitaan mo kami.

                Salamat din, Mikey.

                Grabe na po talaga ang panahon ngayon, mga kababayan.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

                At sa celebrity news, narito po si Hearty Cruz…