Makakaupo Pa

Makakaupo Pa

ni Tristan Martin

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Uwian na naman. Pahirapan na naman sa pagsakay pauwi.

“Maluwag pa,” sigaw ng konduktor na nakasuot ng puting polo. “Makakaupo pa.”

Nagtakbuhan ang mga tao. Siyempre, kasama na ako doon. Nagbulag-bulagan na lamang ako at nagkunwaring walang nakikitang babae o matanda sa likuran ko at ginamit ang aking katawan para harangan ang pintuan upang mauna ako. Pagkaakyat, dumiretso ako sa gitna kung saan may mga bakante pang upuan. Pabagsak akong naupo at umusog sa tabi ng bintana nang may ngiti sa aking mga labi.

Sunud-sunod ang mga tao sa pag-akyat sa bus, lahat umaasang makakaupo at magiging kumportable ang kanilang biyahe pauwi.

“Diretso lang kayo sa loob. Makakaupo pa kayo,” sabi ng matandang konduktor sa mga pasaherong nakatayo sa harapan ng bus.

Nang makaupo na ang lahat, saka lamang kami umandar. Nagsimula na ring mag-ticket ang konduktor. Nakailang tigil pa ang bus upang makapagsakay ng mga pasahero. Ako nama’y bahagyang nakaidlip, ang aking ulo’y nakasandal sa salaming bintana.

Bigla akong naalimpungatan nang magpreno ang bus, dahilan upang ako’y muntikang mahulog sa aking kinauupuan.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Hindi Kami Mga Robot!

Hindi Kami Mga Robot
ni Martin Tristan

“Hindi kami mga robot! Hindi mga robot ang mga estudyante!”

Ito ang bulalas ni Jennica, isang senior high school student, habang nakahiga sa kanyang kama. Hindi niya mapigilan ang panggigigil habang hawak-hawak ang kanyang bagong Samsung na cellphone. Isang mensahe kasi ang kanyang natanggap mula sa kanyang kaklase tungkol sa kanilang project sa history na isang research paper.

“Minor na subject na nga lang, ang hirap-hirap pa ng pa-project. Dapat ipagbawal ang project sa mga minor subjects!” sigaw niya habang sumisipa-sipa pa ang mga paa.

“Hindi ba alam ng mga teachers na napakahirap ang mag-Google! Tapos sa Friday na ang pasahan!”

Naupo si Jennica at inayos ang mahaba-habang buhok. Gamit ang kanyang cellphone ay sunud-sunod siyang kumuha ng mga litrato nang nakasimangot, nakakunot ang noo, at nakalabas ang mga ngipin na parang asong ulol. Pagkatapos pumili ng magandang kuha ay agad niya itong ipi-nost sa Facebook kasama ang status na:

So stressed out! They are killing us! Wala na akong tulog!

Nang ma-post ito ay agad din naman niyang pinusuan at ti-nag ang kanyang mga kaibigan. Hindi maipinta ang kanyang mukha nang dumating ang mga notifications, mga reacts at mga comments.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Hypebeasts: Generation Z

HYPEBEASTS: GENERATION Z
ni Tristan Martin

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Nandiyan na naman sila, gustong pumasok sa mall. Binarikadahan na namin ang lahat ng entrance ngunit patuloy lang sila sa pagkalampag, nagpupumilit na makapasok. Wala akong magawa kundi ang pagmasdan sila mula sa second floor ng mall. Bilog na naman kasi ang buwan kaya’t napakaagresibo nila.

Mga hypebeast zombies.

Napakarami nilang nagtipon sa harap ng mall. Makukulay ang mga suot nila, makikintab. Ang ilan ay sumasayaw-sayaw, parang mga tanga. Ang ilan naman ay nag-aaway, nagsusuntukan.

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Hindi ko na maalala kung paano nagsimula ang lahat ng ito. Mayroong mga senyales ngunit wala namang pumansin. Nagsimula sa kakaibang pananamit ng mga kabataan. Pagkatapos ay nagsalita sila nang pabaliktad. Hanggang sa nawalan na ng pag-asa at pangarap ang mga kabataan at mas pinili ang pumorma na lamang at tumambay. Lahat ng ito ay ipinagsawalang-bahala ng lahat, pinagtawanan pa nga.

Hanggang lumipas ang mga buwan at tuluyan na silang napraning, mistulang mababangis na hayop na nilamon na ng rabies ang utak. Hindi na sila makausap ng matino. Lagi silang nanggugulo at sa di maipaliwanag na kadahilanan ay gustong-gusto nilang magtipon-tipon sa mga malls at sa mga pampublikong parke. At ang malala pa ay kapag nakagat ka nila, magiging hypebeast zombie ka na rin.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Walang maisagot ang mga siyentipiko sa kababalaghang ito. Ang tanging natuklasan lamang nila ay lalong nagiging agresibo ang mga hypebeast zombies kapag bilog ang buwan. Isang teyorya ang nagsasabi na ang gravity ng buwan ang may kagagawan ng pagkabaliw ng mga hypebeasts. Ang gravity daw kasi ng buwan ay humihila sa mga tubig dito sa lupa, kung kaya’t nagkakaroon ng mga high tides at low tides. Paano pa kaya tayong mga tao na malaking bahagi ng komposisyon ng ating katawan ay tubig? Siguradong naaapektuhan din daw tayo ng gravity ng buwan. Kaya daw ang mga tayo ay nag-iiba ang ugali kapag bilog ang buwan.

Paano pa raw ang mga hypebeast, gayong ang kanilang mga utak ay sabaw lamang, puro tubig. Sa patuloy na impluwensya at paghila ng pwersa ng gravity ng buwan sa kanilang mga utak ay nag-iba na ito ng anyo. Kaya’t nagmistula silang mga mababangis na hayop. Tinawag silang mga Hypebeasts: Generation Z ng mga siyentipiko.

“Hoy, Alan! Tulungan mo nga kami. Barikadahan pa natin yung entrance!”

Nilingon ko ang tumawag sa akin at nakita si Bert. Isa siya sa mga kasama kong na-trap dito sa loob ng mall.

“Oo, na. Saglit lang.” Dinampot ko ang isang baseball bat sa aking tabi at napabuntong-hininga. Hindi ko alam kung hanggang kailan pa kami dito. Hindi ko alam kung may tulong bang darating. Madalas tuloy ay parang gusto ko ng sumuko. Huwag na lang lumaban at sabihing…

“Hayaan mo sila…”

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

 

NOTE: Pasensya na sa mga hypebeasts! Joke lang po ang kwentong ito! Huwag po sana kayong magalit at mangagat! 😀

PABILI NG KARAYOM

PABILI NG KARAYOM
ni Martin Tristan M. Carneo

“Pabili po! Pabili po! Pabili po!” sabay-sabay na sigaw ng siyam na taong gulang na si Anna.

“Nandiyan na. Saglit lang!”

Lumabas si Aling Gracie na nagpupunas ng kamay gamit ang isang kulay berdeng labakara. Naghuhugas kasi siya ng mga pinggan at kaldero.

“Bakit ka ba sigaw ng sigaw, ineng? Isang tawag lang, ayos na. Hindi naman ako bingi.”

Nakangiti lamang ang batang babae.

“Oh, ano bang bibilhin mo?”

“Pabili po ng karayom. Dalawa po.” Malakas at matining ang boses ni Anna, punung-puno ng enerhiya.

“Karayom?” biglang nagusot ang noo ni Aling Gracie. “Naku, hindi mo ba alam na masamang bumili ng karayom sa gabi?”

“Po?” tanong ng bata.

Pinatunog ng tindera ang kanyang dila sabay iling. “Masama ang bumili ng karayom sa gabi, ineng. Mabubulag ka.”

Nakatunganga lamang si Anna sa sinabi ni Aling Gracie.

“Bukas ka na lamang bumili, ha.” Tumango-tango ang matanda at ikinumpas ang kanang kamay sa bumibili. Pagkatapos ay pumasok na ito sa loob ng kanilang bahay.

Nakasimangot na umuwi si Anna.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Ipagpatuloy ang pagbabasa

SINOK

SINOK
ni Martin Tristan Carneo

“Uy, mars!”

Paakyat na si Linda ng makasalubong ang kumareng si Mary sa hagdanan ng tinutuluyan niyang 2-story apartment.

“O, mars. Namalengke ka pala,” sabi ni Mary habang tinitingnan ang bitbit na eco-bag ng kanyang kaibigan. “Mukhang marami ‘yan, ah.”

“Hindi naman. Paubos na rin kasi ang groceries namin. Teka, dumaan ka ba sa’min?”

“H-Ha?” sagot ni Mary. “Ah, oo. Hihiram sana ako ng DVD para may mapanood na pelikula.”

“Naku, marami kaming bago diyan. Nakakuha ka ba? Nasa bahay naman si Nestor. Wala siyang pasok ngayon.”

Hindi sumagot si Mary. Napansin ni Linda na nakatingin ang kanyang kumare sa kalsada. Lumingon din siya ngunit wala naman siyang nakitang tao o anumang kakaiba. Muli niyang tiningnan ang kaibigan. Dito niya napansing bagong ligo si Mary, basang-basa pa ang mahabang buhok.

“Ano ka ba naman, mars. Pumunta ka dito sa amin nang hindi man lang nagtutuyo ng buhok,” natatawang sabi ni Linda.

Biglang lumaki ang mga mata ni Mary at napatingin sa kausap. “H-Ha? Ah! Oo. Bigla ko kasing naisip manood ng pelikula. Wala kasi akong kasama sa bahay. Kaya pumunta kaagad ako dito. Tama! Yun nga!”

Tumawa ng malakas si Mary. Pagkatapos ay biglang sininok.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Endangered Species

   “May nahuli daw yung mga tanod kaninang medaling araw.”

     Bigla akong napadilat ng sumampa sa aking kama si Juliet, ang pitong taong gulang kong kapatid. Lumuhod siya sa aking kanan at malakas na niyugyog ang aking dibdib.

     “Kuya, gising. May nahuli daw yung mga tanod. Kuya, gising!”

     “T-Teka, gising na ‘ko. Bitiwan mo nga ako.”

     Dahan-dahan akong naupo at kinusut-kusot ang aking mga mata. Maliwanag na sa labas, mukhang tinanghali na ako ng gising.

     “Kuya, bangon na. Punta tayo sa plaza.”
     Tiningnan ko ang aking kapatid. Kitang-kita sa mukha niya ang pagkasabik. Sabagay, kung totoong mayroon ngang nahuli kaninang medaling araw ang mga tanod, ngayon pa lamang makakakita si Juliet noon. Tatlong buwang sanggol pa lamang kasi siya ng huling may naligaw dito sa aming bayan. Ang sabi ng mga eksperto, kakaunti na lamang sila at itinuturing na ngang isang endangered species. Sa ilang lugar na lamang sila dito sa Pilipinas matatagpuan. Kalimitan ay sa mga bundok at kagubatan sila nakatira ngunit paminsan-minsan ay may isa o dalawang nahuhuli sa mga bayan-bayan dahil naghahanap sila ng pagkain.


     Ito ang dahilan kaya’t gabi-gabing rumoronda ang mga tanod at kagawad dito sa amin. Trabaho nilang siguraduhin na walang maliligaw sa aming bayan. Napakabangis pa naman ng mga ito at paminsan-minsan ay nakakapatay ng mga tao o mga alagang hayop. Kung sakali namang mayroong maligaw (kadalasan ay tuwing taglamig kapag wala silang masyadong mahuling pagkain sa gubat at bundok), kailangan nila itong hulihin upang maibalik sa kanilang natural na tahanan. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang paghuli, pagbebenta, at pagpatay sa mga endangered species na ito.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

     “Sa plaza ba kamo?” tanong ko kay Juliet.

     “Oo, kuya. Nakalagay daw sa isang malaking kulungan. Pinatulog daw ng mga tanod gamit ang tran-tran-k-kiler.”

     “Tranquilizer,” sabi ko sabay ngiti. “At sino naman ang nagsabi niyan sa’yo?”

     “Si Aling Josie. Kinuwento niya sa akin kaninang bumili ako ng pandesal.”

     Napailing na lang ako. Napakatsismosa talaga ni Aling Josie. Hindi kayang hindi magkuwento kahit na sa isang pitong taong gulang na bata.

     “Teka, mag-aagahan muna ako.”

     Biglang napasimangot si Julie. “Mamaya na, kuya. Sabi ni Aling Josie, darating na raw yung mga taga-DENR. Kukunin na nila yun at ibabalik sa bundok. Baka hindi na natin makita.”

     Natigilan ako sa sinabing ito ng aking kapatid. Mukha ngang kailangan na naming magmadali. Kapag naibalik ang isang ito sa bundok, hindi ko alam kung ilang taon bago may maligaw ulit dito sa amin. Kailangan ko ng kumilos.

     “O siya, siya. Sige na, pupunta na tayo.” Itinulak ko ang aking kumot at bumaba ng kama. Agad namang nagtatalon sa tuwa si Juliet.

     “Magbihis ka na rin,” sabi ko. Magsuot ka ng jacket at malamig sa labas.”

     “Oo, kuya.” Tumakbo papalabas ng aking kuwarto si Juliet, patuloy sa pagsigaw at pagtawa.

     Binuksan ko ang aking aparador at kumuha ng t-shirt at pantalong maong. Pagkatapos itong isuot ay tinitigan ko ang mga litratong nakadikit sa pinto ng aparador, mga larawan ng aming pamilya. Hinawakan ko ang isa kung saan magkakasama kaming apat – si itay, ako, si inay na kalong-kalong ang sanggol pang si Juliet. Pitong taon na rin mula ng mamatay sina itay at inay. Pitong taon na rin kaming nag-iisa ni Juliet.

     “Kuya, halika na!”

     Mula sa ilalim ng aking mga damit ay kinuha ko ang tanging gamit ng aking itay na aking naitabi. Mabilis ko itong isinuksok sa aking pantalon at isinara ang pinto ng aparador.

     Pagtalikod ko ay nakita ko si Juliet na nakatayo sa harap ng pintuan ng aking kuwarto. Suot-suot niya ang kanyang nag-iisang jacket na kupas na ang kulay. Magkadaop ang kanyang mga palad sa tapat ng kanyang dibdib na para bang nagdarasal, ang ngiti ay abot hanggang tenga.

     “Oo, na. Huwag ka masyado excited.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

     Halos hatakin ako palabas ni Juliet palabas ng aming maliit na barong-barong. Ni hindi ko na nga nai-lock pa ang pinto. Hindi naman ako nag-aalala dahil wala namang mananakaw sa amin.

     Habang naglalakad sa kalsada ay napansin ko na pinagtitinginan kami ng mga tao. Ang ilang nagkakumpol at nagkukuwentuhan ay napapatahimik pag daan naming sa harap nila. Mukhang hindi naman ito napansin ni Juliet na patuloy pa rin sa paghila sa aking patungo sa plaza.

     “Johnny,” isang malamig na boses ang tumawag sa akin.

     Lumingon ako at nakita si Angel, ang aking nobya ng tatlong taon.

     “Ikaw pala Angel. Mukhang buhay na buhay ang buong baranggay, ah.”

     “Oo nga, eh,” mahina niyang sagot. “Pupunta ba kayo sa plaza?”

     “Oo. Etong si Juliet, eh. Ayaw paawat.”

     “Ate Angel, halika sama ka sa’min. Titingnan naming yung nahuli ng mga tanod.”

     “Oo nga naman,” hirit ko. “Sumama ka na sa amin.”

     “Oo, sige.” Wala na ring nagawa si Angel ng hawakan ni Juliet ang kanyang kamay.

     Para kaming isang masayang pamilya kung makikita mo kami habang naglalakad. Ilang beses na naming binalak na magpakasal ni Angel ngunit laging hindi natutuloy. Madalas ay ako ang dahilan. Mayroon pa kasi akong isang bagay na gustong gawin – hindi – isang bagay na kailangang gawin.

     Buti na lamang at hindi ako sinusukuan ni Angel at matiyaga siyang naghihintay sa akin.

     “Johnny, sigurado ka bang dapat makita ni Juliet yun. Hindi ba’t masyado pa siyang bata?”

     Nginitian ko si Angel. “Okay lang yun. Di ba sabi sa TV, halos maubos na raw sila. Baka pagkatapos nito ay wala ng ibang makita pa. Baka ito na ang huling henerasyon na makakakita nito. Palagay ko’y malapit na silang… ano nga ba ang tawag dun? Ex-ex…?

     “Extinct,” sagot ni Angel.

     “Yun! Extinct! Sayang naman ang pagkakataon, di ba?”

     “Tama si Kuya. Estint na sila!” sabat ni Juliet sabay tawa.

     Mukhang hindi naman natuwa si Angel. “Huwag mo na kaya ituloy…”

     “Angel!” putol ko. “Hindi ba’t napag-usapan na natin ito. Ayaw mo nun, siguradong maikakasal na tayo nito.”

     “Kasal?” bulong niya.

     “Oo. Kailangan mo lang akong hintayin ng dalawang taon. Yun lang ang hihilingin ko sa’yo.”

     Nagpatuloy kami sa paglalakad. Kita ko na nakasimangot si Angel, halos lukot ang kanyang magandang mukha ngunit hindi ko siya pinansin.

     “Ayun, kuya. Andun.” Tinuro ni Juliet ang isang malaking kumpulan ng mga tao.

     Mabilis kaming lumapit dahil na rin sa hila-hila kami ng aking kapatid. Nang marating ang umpukan ay napatingin ang ilan sa amin at natahimik.

     “Makikiraan po,” sigaw ni Juliet. “Makikiraan po.”

     Parang masunuring mga bata ay umusog ang mga tao upang bigyan kami ng daan. Pakiramdam ko tuloy ay para kaming mga artista na pinagtitinginan ng mga tao.

     Nang marating namin ang gitna ng umpukan ay nakita ko ang isang malaking kulungan nga gawa sa makapal na bakal. Luma na ito at kinakalawang na. Sigurado akong hindi na ito magtatagal.

     Sa harapan ng kulungan ay may tatlong lalaking nakatayo at nag-uusap ngunit hindi ko sila masyadong napansin. Natuon ang aking atensyon sa nasa loob ng kulungan. Sa aking kanan ay naramdaman kong napakapit ng mahigpit si Juliet sa aking binti.

     Halos wala itong ipinagbago ng huli ko itong makita pitong taon na ang nakararaan. Oo, pumayat ito at halos ubos na ang puting buhok sa ulo nito. Ngunit ang mukha nito ay ganoon pa rin. Lalo akong napangiti.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

     Talagang mahirap maipaliwanag kapag nakakita ka ng isa ng malapita. Kahit nakakulong ay talagang makakaramdam ka ng takot. Lalo na’t nagsisisigaw ito at hinahampas ang bakal na rehas gamit ang mga kamay nitong may matatalas na kuko (mukhang nawala na ang bisa ng tranquilizer). Ang katawan nito ay halos buto’t balat lamang. At sa hindi maipaliwanag na kadahilanan kahit ng mga siyentipiko, nagtatapos ang katawan nito hanggang sa may baywang lamang. Wala ito mga hita at mga paa. Nakalabas din at nakalaylay ang bituka at lamanloob nito na sinasabing ginagamit nito upang sakalin ang kanilang biktima.

     Ngunit para sa akin, ang pinakanakakatakot at nakakamanghang katangian nito ay ang malalaki at malalapad nitong mga pakpak. Mga pakpak na parang sa paniki. Ayon sa mga eksperto, umaabot da wang mga pakpak nito mula sampu hanggang dalawampung metro, dahilan kaya’t napakabilis nitong lumipad. Sila na raw ang pinakamabilis na hayop na lumilipad.

     Mga manananggal.

     “Johnny!”

     Isang may-edad na lalake ang papalapit sa amin. Isa siya sa tatlong lalake na nakatayo sa harapan ng kulungan.

     “Kapitan Noli,” batik o.

     “Anong ginagawa mo rito? At bakit kasama mo si Juliet.”

     Nginitian ko siya. “Kapitan naman. Alam kong alam mo kung bakit ako nandito. Saka, kailangang makita ni Juliet ito.” Tiningnan ko ang aking kapatid na nakakapit pa rin sa aking hita. Titig na titig pa rin siya sa manananggal sa loob ng kulungan.

     Ilang minutong wala kaming kibuan ni Kapitan. Siguro ay nag-iisip siya ng magandang sasabihin.

     Ako na rin ang bumasag ng katahimikan. “Sino yung mga yun?”

     Lumingon si Kapitan sa dalawang lalakeng nag-uusap sa tapat ng kulungan. Magara ang kanilang mga damit at mukhang tuwang-tuwa sila sa kanilang nakikita.

     “Mga taga-DENR. Ibabalik na raw nila itong isang ito sa bundok. Doon daw sa kanilang natural habitat.”

     “Kapitan, kailangan kong…”

     “Oo na,” putol niya sa akin. “Ako na ang pahala sa dalawang iyan. Pero, sigurado ka ba dito? Alam mo namang ang mangyayari sa’yo, di ba? Paano na si Juliet?”

     “Huwag ka na mag-alala Kapitan. Saka andito naman si Angel.” Nilingon ko ang aking nobya ngunit nakatingin ito sa malayo. “Pagbalik ko, magiging isang buong pamilya na kami.”

     Napabuntong-hininga si Kapitan at napailing. “Napakabuting tao ng mga magulang mo. Ang ama mo ang isa sa pinakamatalik kong kaibigan. Kung ito ang gusto mo, sige, hindi kita pipigilan.”

     Tumalikod si Kapitan at lumapit sa dalawang taga-DENR.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

     Muli kong hinarap si Angel. “Tumingin ka sa akin Angel.”

     Dahan-dahan siyang humarap sa akin, pilit na pinupunasan ang tumutulong mga luha sa kanyang pisngi.

     “Angel, ikaw na ang bahala kay Juliet, ha. Alam kong hindi mo siya pababayaan.”

     Tumungo lamang si Angel sa akin.

     Lumuhod ako upang harapin ang aking nakababatang kapatid. “Juliet, magpakabait ka, ha. Mahal na mahal ka ni kuya.”

     “K-Kuya…”

     “Shhh,” sabi ko sabay takip sa kanyang labi ng aking hintuturo. “Basta’t lagi mong iisipin na para sa iyo ito. Para kay inay at itay. At saka babalik naman ako, di ba?”

     Hindi na nakapagpigil pa si Julet at humagulgol ng malakas. Mahigpit ko siyang niyakap at hinaplos-haplos ang kanyang mahabang buhok.

     Sa aking pagtayo ay nakita ko si Kapita na inaakay ang dalawang lalaki palayo sa kulungan. May kung ano siyang itinuturo sa malayo.

     Muli kong hinarap si Angel. “Angel…”

     “Huwag mo na sabihin.” Tinitigan niya ako sa mata. “Basta’t ipangako mong babalik ka.”

     “Pangako yan. Mahal na mahal kita, Angel.”

     Pagkasabi nito ay humakbang na ako papalapit sa kulungan. Narito na rin sa wakas ang pinakahihintay ko sa loob ng pitong taon. Binunot ko sa aking pantaloon ang gamit ni itay. Mabigat ito ay malamig sa pakiramdam. Tumigil ako sa harap ng kulungan at tinitigan ko sa mata ang halimaw sa loob. Tinititgan din niya ako, para bang nakikilala ako.

     “Kamusta na? Ang tagal nating hindi nagkita, ah.”

     Hindi ito gumalaw. Nakatitig lamang ito sa aking mukha.

     “Natatandaan mo pa ba ako?” Hindi ko alam kung bakit ko ito kinakausap. Sigurado namang hindi ako nito naiintindihan. Ang sabi ng mga siyentipiko, ang antas raw ng kanilang katalinuhan ay katulad lamang ng sa mga aso o pusa.

     “Hoy! Anong ginagawa mo diyan?” Isang sigaw mula sa aking likuran. Marahil ay isa sa mga taga-DENR. Kailangan ko ng bilisan.

     Itinaas ko ang aking kamay at itinutok ang bagay na aking hawak-hawak sa noo ng manananggal. Isang rebolber.

     “Wala akong pakialam kung endangered species ka na. Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa mga magulang namin!” Hindi ko alam kung imahinasyon ko lang pero para bang ngumiti ang manananggal sa aking sinabi.

     “Hoy! Ibaba mo ‘yan! Asan na ba yung mga pulis na ‘yan?”

     Kinalabit ko ang gatilyo ng baril. Isang malakas ng putok ang umalingawngaw sa buong plaza.

     Bumagsak ang manananggal. Kumislot-kislot pa ang malalaking pakpak nito ngunit agad din namang huminto. Sa wakas, patay na ang halimaw na pitong taon ko ng hinahanap.

     Malalakas na mga kamay ang humawak sa aking mga bisig, pilit na inaagaw ang hawak kong baril. Hindi na rin naman ako lumaban pa. Isang lalake ang humarap sa akin. Taga-DENR.

     “What were you thinking?” sigaw nito na lumalaki-liit pa ang butas ng ilong. “Hindi mo ba alam na endangered species iyan? Malapit na silang maubos. How could you kill that poor animal?

     “Animal?” sagot ko. “Hindi mga hayop ang mga ‘yan, sir. Mga halimaw ‘yan.”

     “What nonsense is this? Kayo, dalhin na ‘yan,” sabi ng lalake sa mga pulis. Pagkatapos ay tumalikod ito at tiningnan ang bangkay ng manananggal.

     “Bakit mo ginawa ‘yun?” tanong ng isa sa mga pulis ng nasa loob na ako ng police mobile. “Alam mo bang pwede kang makulong ng hanggang dalawang taon?”

     Napangiti lamang ako. Dalawang taon. Pagakatapos ay malaya na ako kasama si Juliet at Angel. Maiksi ang dalawang taon kung ikukumpara sa tiniis ko.

     Sa wakas, tapos na rin ang bangungot ko.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)