Sa isang village sa Quezon City ay masayang naglalakad sina June at ang kanyang anim na taong gulang na anak na si Alexandra. Hawak ni Alexandra sa kanyang kaliwang kamay ang kanyang favorite stuff toy hippopotamus na si Blue, habang ang kabilang kamay niya ay nakahawak sa kamay ng kanyang mommy June.
“Baby, good girl ka sa house ng Tita Bella mo ha. Huwag kalimutang mag-kiss,” nakangiting sabi ni June.
“Yes, Mommy. I won’t forget,” sagot ng bata.
Patuloy sila sa paglalakad sa malinis na kalsada. Mga mayayaman ang mga nakatira sa village na iyon kayat kahit saan mapatingin si June ay puro naglalakihang mga bahay ang kanyang nakikita. At napansin niya, kapag mas malaki ang bahay, mas malaki din ang gate. Ang ibang bahay nga ay hindi na makita kung ano ang hitsura dahil sa taas ng bakod.
Magkakaroon din ako ng bahay na ganyan, nasabi ni June sa sarili. Tiningnan niya si Alex at napangiti.
Tatlong taon na ang nakararaan ng iwanan sila ng tatay ni Alex. Hindi sila kasal, at bagamat lubos siyang nasaktan, hindi na rin siya naghabol. “May pride din naman ako,” ang sabi ni June noon. Ngunit ngayon ay hindi na sumasama ang kanyang loob kapag naaalala niya ang nakaraan. Ang tanging nasa isip na lamang niya ay ang hinaharap nila ng kanyang anak.