Hindi na Nakakatakot ang mga Horror Movies

(Note: Isa na naman po ito sa mga naisulat ko na hindi naman talaga horror story although may temang horror. Share ko lang sana)

Hindi na Nakakatakot ang mga Horror Movies
ni Tristan Martin
10/29/2018 7:30PM

Ako? Mahilig akong manood ng mga horror movies!

Pero bakit ganoon? Bakit hindi na nakakatakot ang mga horror movies? Kung dati-rati’y hindi ko kayang manood ng horror nang mag-isa, palagi akong pumipikit at nagtatakip ng mga mata, at nagtatago pa nga sa likuran mo kapag mayroong mga eksenang katatakutan, bakit ngayon ay parang wala na lang? Parang hindi na bumibilis ang tibok ng aking puso kapag ang bida ay nasa isang madilim na lugar, hindi na ako nagugulat sa mga malalakas na tunog at biglaang panggulat, hindi na ako kinikilabutan kapag nakakita ng nakakatakot na multo, halimaw, o duguang mga katawan. Hindi na rin ako nahihirapang matulog sa gabi pagkatapos manood ng isang nakakatakot na pelikula.

Oo, naalala ko pa nga. Madalas tayong manood ng mga pelikulang nakakatakot kapag dis-oras na nang gabi. Tahimik na ang buong paligid, wala ng ingay sa kalsada. Pinapatay pa natin ang ilaw para mas lalo nating maramdaman ang kaba, habang nginangata natin ang mga sitsiryang binili natin sa tindahan. Lagi tayong magkatabi sa sofang malambot at mahaba, para madali tayong sumiksik at yumakap sa isa’t isa kapag nandiyan na ang mga nakakatakot na tagpo. Madalas ay sabay pa tayong nagugulat, napapaigtad tayo sa ating kinauupuan at napapatadyak sa malamig na hangin. Sabay tayong tatawa, mag-aasaran kung sino sa atin ang mas natakot, ang mas nagulat. Pagkatapos ay muling magdidikit ang ating katawan, kampante na kahit nakakatakot ang palabas ay nasa tabi natin ang isa’t isa.

Hindi ko na nga alam kung ilang pelikulang nakakatakot ang napanood natin. Mapa-Hollywood, Japanese, Korean, Thailand, Chinese, Tagalog, at kung anu-ano pa. Marami tayong nagustuhan, marami tayong pinagtawanan. Maraming mga istoryang magulo, hindi natin naintindihan, pinag-usapan at pinagdebatihan. May mga pelikula tayong inulit-ulit, may mga pelikulang nalimot na. Marami tayong naging paborito. Marami ang nagdulot sa atin ng takot at kaba.

Hindi ko alam na pati pala ang takot na dala ng mga horror movies ay may hangganan din.

Nanood ako noong isang araw ng isang sikat na horror. Ngunit ibang-iba na. Hindi na ako natakot. Hindi na ako kinabahan. Hindi na ako pumikit o nagtakip ng aking mga mata. Hindi na rin ako nagtago sa likuran mo.

Mag-isa na lang kasi akong nanood. Wala ka na sa aking tabi.

Hindi naman pala nakakatakot manood ng horror nang mag-isa. Hindi naman pala nakakakaba ang mga eksena kung saan hinahabol ang bida ng isang malupit na multo o mamatay tao. Hindi naman pala nakakagulat kapag may biglang sumulpot na kamay o mukha sa harapan ng camera.

Hindi na nakakatakot ang mga horror movies dahil naranasan ko na ang pinakakinatatakutan ko.

Ang mawala ka.

Ako? Hindi ako mahilig manood ng horror movies…

BAKIT MAS MARAMI ANG SUMUSULAT NG TULA KUMPARA SA MGA NAGBABASA NITO?

(Note: Baka isipin niyo na puro horror stories ang sinusulat ko. Meron din namang iba. Marami puro kalokohan lang. Heto nga pala ang isa sa mga tulang isinulat ko. Hindi po talaga ako nagsusulat ng tula kaya pagpasensyahan niyo na. Share ko lang sa inyo. Medyo matagal ko na din itong naisulat.)

BAKIT MAS MARAMI ANG SUMUSULAT NG TULA KUMPARA SA MGA NAGBABASA NITO
ni Martin Tristan M. Carneo
March 9, 2017 12:47PM

“Ba’t mas marami ang sumusulat ng tula
kumpara sa mga nagbabasa nito?”
Ito ang tanong ni Mike Enriquez sa madla
bago tawagin si Howie Severino.

“Kapusong Mike, totoo nga ang sinabi mo
Sa ngayon ay paunti ng paunti na,
ang nagbabasa ng tula kumpara mo
sa sumusulat ng mga tugmang talata.
Pero ngayon nga ay naririto ako,
dito sa Police Station ng Muntinlupa
dahil nasa kustodiya ang isang tao
na s’yang dahilan nitong malaking hiwaga.”

“Superintendent! Ako’y may katanungan.
Totoo bang hawak niyo na ang lalaki,
na siyang may kagagawan at dahilan
ng krisis at problema ng ating lahi?”

Umubo ang pulis na kalbo at ngumiti.
“Ah, Howie. Tama nga ang iyong sinabi.
Kaninang alas-onse ay aming nahuli,
habang nag-aabang doon sa LRT.
Ang lalaking ito na siyang puno’t sanhi
ng agam-agam at takot na ating lipi.

“S’ya ang matagal na naming hinahanap.
Ang lalaki na sa atin ay nagpahirap.
Ang lalaking dahilan ng biglang pagkawala
ng mga taong mahilig magbasa ng tula.”

“Superintendent! Superintendent!”
bulalas ng isang correspondent.
“Pwede ba niyong sabihin sa amin
ang krimeng nagawa nitong salarin?”

“Ayon sa aming masusing interrogation,”
sagot ng pulis, ang mukha’y walang emosyon,
“ang lalaking ito na nagngangalang Solomon
ay dumudukot ng maraming tao taon-taon,
pinahirapan, pinaslang, at sa ilog ay itinapon.

“Pinaslang niya ang mga taong mahilig magbasa ng tula
kaya sa ngayon mas marami ang nagsusulat ng talata.
Unti-unti na palang nauubos, naglalaho, nawawala
ang mga taong sumusuporta sa ating mga makata.”

“Ngunit Superintendent, ano ang kanyang motibo?”
tanong ng kapusong si Howie Severino.

Muling naubo ang pulis, at humarap sa mga camera,
ang mukha ay seryoso, nanlilisik ang mga mata.
Parang artista na ang script ay sinaulo na
ay kanyang inilahad ang malupit na trahedya.

“Ang lalaking ito sa mga tula ay namuhi
noong siya pa lamang ay isang batang munti.
Isang mapait na sakit ang siyang naging sanhi
siya’y naging malupit, maitim ang budhi.”

Doon sa may Pasig, doon siya nag-elementarya
kasama ng mga batang umiidolo ng mga makata
Ngunit isang araw sumiklab ang isang trahedya
na nagbago sa puso ng munti’t musmos na bata.

Sa kanilang klase na English siya ay pinatayo
ng kanyang matandang maestra na malapad ang noo.
Tinanong siya nito, galit ang boses at tono.
“Ang salitang tula, sa ingles ay ano?”

Tumayo si Solomon ng may ngiti sa kanyang labi.
ang kanyang maliit na boses ay parang isang tili.
“Aking mahal na guro, ang salitang tula,
sa ingles ay PO-wEM!” Ang lahat ay natulala.

“Saang bundok ka ba galing?” bulalas ng guro.
Ingles lang ng tula ay di mo mapagtanto.
Ang tamang sagot hindi PO-wEM, malinaw po?
Kundi PO-uM! PO-uM!” sigaw niya sabay upo.

“Ang kawawang batang iyon ay malabis na pinagtawanan
ng mga kamag-aral na wala rin namang alam.
Sa kasamaang palad, na-trauma si Solomon
Isinumpa ang araw na iyon sa ating poon.

“Simula noon ay nagalit na siya sa mga tula
at ninais na ang mga likhang ito’y tuluyang mawala.
Ang paraang naiisip niya para mga tula ay pigilin,
ang mga mambabasa’t tumatangkilik ay kitilin.

“Sa ngayon nga ay hindi natin mapagtanto
kung ilang buhay na ang nasayang, naglaho.
Dahil lamang sa pagkahilig magbasa ng mga tula
ang kanilang buhay ay naputol, nawala.

Iginala ng pulis ang kanyang mga mata,
ang lahat ay tahimik at parang natulala
sa narinig nilang istoryang pambihira.
Ang oras ay tumigil, naglaho ng mistula.

“Kung gayon, Superintendent,” sabat ni Howie Severino
“ang mga mambabasa ng mga tula ay ligtas ng totoo.
Wala na at nahuli ang may kagagawan ng lahat nito.
Pwede ko ng ipagsigawan, masugid na mambabasa ng tula ako!”

“Tama ka, Howie,” sagot ng pulis sabay tango.
Ang kanyang boses ay matigas, parang isang bato.
“Lahat ng mga mambabasa ng tula, di na dapat magtago.
Upang muling dumami, yumabong ng todo.”

“Ngayon nga ay nalutas na itong napakalaking hiwaga,
ba’t mas marami ang sumusulat kaysa bumabasa ng tula.
Ngunit magbabago na ito, wala ng takot ang madla.
Mga tula ay maaari ng basahin ng maayos at malaya.”

###

“Ako po si Mike Enriquez, magandang gabi sa madla.
Narito na po ang mainit na ulo ng mga balita.
Solomon na killer ng mga mababasa ng tula
nakatakas sa selda, pumuga, nakalaya.

“Samantala po, nawawala ang ating mahal na kapuso
ang walang katulad na si Howie Severino
baka may nakakita sa kanya, ipaalam kaagad dito.
Sana naman ay hindi siya, ehem.. excuse me po!”

 

(Note: Pagpasensyahan niyo na po ito. Hindi po talaga ako masyado sumusulat ng tula. Dati lang kapag may project sa school. Isa po talaga itong short story ngunit mas naisip ko na mas maganda siguro ang epekto nito kung sa tula ko siya isasalaysay. Talagang nahirapan po ako at ilang buwan ko din ito bago natapos. Alam ko pong maraming mali sa tulang ito at parang pilit, sana po ay pagpasensyahan niyo na.)

(Another note: Yung tungkol po sa pronunciation ng salitang poem, true story po iyon. Nangyari po iyon sa classmate ko. Sinabihan ng teacher namin na mali daw ang “po-wem”, ang tama daw p ayo “po-um.” Nung high school naman ako sabi ng English teacher ko “pohm” daw ang tamang pronunciation.)

 

I Love Evil Boys! – Tagalog Visual Novel

Hello po! Hindi muna horror ‘to! Promote ko lang ‘yung bago kong visual novel game for Android. Ang “I Love Evil Boys!”. Ito po ay isang tagalog na visual novel na sana ay mapatawa naman kayo kahit konti!!! 😀

Features:

* Out of this world story
* Completely fictional
* THREE BAD ENDINGS!!!

Download niyo po dito: https://play.google.com/store/apps/details?id=com.iamdreaminggames.iloveevilboys