Black Towers – Under Temporary Hiatus

Paunawa: Ang Black Towers series ay pansamantalang under hiatus. Itutuloy ko rin ang istoryang ito sa lalong madaling panahon. Pansamantala ay magpo-post muna ako ng mga short stories na aking naisulat.

Patuloy na bisitahin ang blog na ito para sa mga kahindik-hindik na kuwentong katatakutan!

BLACK TOWERS – Chapter 4 – May Kumakatok

CHAPTER 4

May Kumakatok

 December 2009

Lunes ng gabi noon ng una ko silang napansin. Kakauwi ko lamang galing sa opisina, pagod sa tatlong oras na overtime dahil sa dami ng trabaho. Halos pikit na ang aking mga mata at kinakaladkad ang mga paa ng sumakay ako sa elevator paakyat sa ikalabingpitong palapag ng Black Towers. Gumaan lamang ang aking pakiramdam ng buksan ko na ang pinto ng aking unit.

Tok, tok, tok!

Napatigil ako at napalingon, ang isang paa ay nasa loob na ng aking condo unit. Sa aking kanan, tatlong pinto ang layo sa akin, ay mayroong tatlong babae na nakatayo sa harap ng unit 1712. Mahahaba ang kanilang mga buhok kaya’t hindi ko nakita ang kanilang mga mukha. Itinaas ng babaeng nasa gitna ang kanyang kamay at muling kumatok sa pinto ng malakas.

Tok, tok, tok!

Dahil sa inaantok na ay hindi ko na sila pinagtuunan pa ng pansin at pumasok na sa aking unit. Agad akong nagbihis at nahiga sa aking malambot na kama. Ngunit bago tuluyang makatulog ay muling bumalik sa aking isipan ang tatlong babaeng kumakatok sa katabing unit. Sino kaya sila at ano ang kailangan nila gayong gabing-gabi na?

Ipagpatuloy ang pagbabasa

BLACK TOWERS – Chapter 3 – CCTV

Chapter 3

CCTV

November 2009

Ipinikit ni Angelo ang mga mata at marahang minasahe ang magkabilang sentido gamit ang hinlalaki at hintuturo ng kanang kamay. Sa kanyang kaliwang kamay ay hawak niya ang isang two-way radio.

     “Say again, Control?”

     Inilapit ni Angelo sa bibig ang hawak-hawak at pinindot ang buton para makapagsalita.

     “Na-check mo niyo na ba yung parking sa B2?” tanong niya sabay dilat. Sa kanyang harapan ay napakaraming TV monitors ang nakasabit sa dilaw na pader. Bawat isa ay nagpapakita ng iba’t ibang bahagi at lugar sa Black Towers. Nakatuon ang kanyang pansin sa monitor na nasa dulong kaliwa sa pinaka-ibabang hanay. Nakasulat dito ang numerong “1”. Sa monitor, nakaupo ang isang guwarding nakasuot ng barong sa isang brown na desk. Halatang sa isang sulok ng silid na iyon nakalagay ang CCTV dahil kitang-kita ang buong silid.

     “Affirmative yan, sir,” sagot ng kausap niya.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

     Inilapag niya ang two-way radio sa lamesa at sumandal sa inuupuang reclining chair. Sinilip niya ang digital na orasan na nakasabit sa pader.

     7:00 PM

     Dalawang oras na lamang ay uuwi na rin siya. Pang-walong araw na niyang diretsong pasok ito sapagkat kinakailangang may pumalit sa kanyang kasamahan na dalawang araw ng wala. Ngunit bukas ay makakapagday-off na rin siya.

Kinusot niya ang dalawang mata, na kanina pa naluluha. Tiyak rin niya na namumula na ang mga ito. Pagkatapos ay nag-inat-inat siya na sinabayan pa ng malakas na paghikab.

Muli niyang ibinalik ang pansin sa mga monitors sa kanyang harapan.

Sa isa sa mga monitors makikita ang Olympic-sized, indoor swimming pool kung saan ilang pamilya ang masayang nagtatampisaw sa tubig. Sa isa naman ay makikita ang isang lalaking naka-amerikana na tahimik na nakatayo sa loob ng elevator. Ngunit karamihan ay ipinapakita ang mga pasilyo sa iba’t ibang palapag ng gusali.

Isang monitor, ang monitor number 3, ang nakakuha ng atensiyon ni Angelo. Makikita rito ang front entrance ng Black Towers. Sa monitor, isang lalaki nakasando at shorts ang mabilis na pumasok. Madungis ang lalake, parang isang taong grasa. Sa tabi ng salaming pintuan ay nakatayo ang isang guwardiyang nakabarong at nakamasid sa labas. Hindi nito pinansin ang lalaking pumasok. Tuluy-tuloy lamang ang lalaki hanggang sa mawala sa camera.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Ipagpatuloy ang pagbabasa

BLACK TOWERS – A Novel

Hi pips! Hindi ko pala nalagyan ng introduction itong sinusulat kong nobela. Ang pamagat nito ay Black Towers. Sana magustuhan niyo!

Ito nga pala ang blurb:

 

“Gusto mo bang magka-condo? Tiyak sasabihin mong oo. Mayaman man o pangkaraniwang tao ay nais matikman ang tinatawag na ‘Condo Living’. Ngunit, sinong mag-aakala na kahit pala ang mga sumakabilang-buhay na ay mahahalina at nanaising mamuhay sa mga condominium? Oo. Sa katunayan, hayan na sila, isa-isa ng lumilipat sa pinakabagong condo sa siyudad.

 

Halika na sa Black Towers…”

BLACK TOWERS – Chapter 2 – Tulog Na

Chapter 2

Tulog Na

October 2009

     “Oh, anak. Maayos ba ang lagay mo diyan?”

     Napabuntung-hininga si Lucy. Inilipat niya ang hawak na cellphone sa kabilang tainga. “Ma naman.”

     “Oo na, oo na.”

     Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa mag-ina. Tinitigan ni Lucy ang mga kuko sa paa, pagkatapos ay iginala ang tingin sa paligid. Mula sa kinauupuan niyang kama ay kita niya ang buong silid. Oo nga’t studio type lamang ang condo unit na tinitirhan, ngunit ang mahalaga ay kanya naman ang unit na iyon.

     Sinilip niya ang orasan na nakasabit sa pader. “Sige Ma, male-late na ako sa trabaho.”

     “O siya, siya. Ay, oo nga pala. Nabayaran na ng Papa mo yung mga monthly fees mo.”

     Biglang napasimangot si Lucy.

     “Ma! Di ba sabi ko ako na ang bahala sa mga fees? May trabaho na naman ako, eh.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

     Dinig ni Lucy ang pagsinghap ng kanyang ina.

     “Eh kasi naman anak, hindi mo naman kailangan pang magtrabaho.”

     Hindi na sumagot pa si Lucy. Siguradong magtatalo lamang kasi sila ulit ng kanyang ina.

     “Hello? Hello?”

     “Sige na, Ma,” mabilis na sabi ni Lucy. “Kailangan ko nang pumasok.” Hindi na niya hinintay na makasagot ang kausap at agad na pinutol ang tawag. Muli siyang napabuntung-hininga at napahiga sa kama.

     Bakit kasi hindi nila maintindihan? tanong niya sa sarili. Muli niyang iginala ang tingin sa loob ng kanyang unit. Maliit lamang ito at kakaunti pa lamang ang gamit, ngunit maayos at malinis naman ito. Bagamat naiinis pa rin ay hindi niya mapigilan ang mapangiti.

     “Hay, kailangan ko na talagang pumasok.” Mabilis siyang tumayo at tinungo ang banyo upang maligo.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

BLACK TOWERS – Chapter 1 – Parating na Sila

Chapter 1

Parating na Sila

September 2009

Pinagdaop ni Aling Marisol ang kanyang mga palad at saka ikiniskis at binugahan ng hangin. Pagkatapos ay pinagpag niya ang mga kamay na para bang basa ang mga ito. Lumalamig na ang simoy ng hangin kaya’t nagpapapansin na naman ang kanyang artraytis.

     “’Ber na kasi,” ang laging sabi ng kanyang asawang si Lando. “Tanda yan na malapit na ang Pasko.”

     Pasko, nakangiting naisip ni Marisol. Parang kahapon lang ang Pasko, ngayon magpa-Pasko na naman.

     Lumingon siya sa kaliwa pagkatapos ay sa kanan bago tumawid. Wala namang masyadong dumadaang sasakyan dahil alas-diyes na ng gabi. Makikitid lang din naman ang mga kalsada sa kanilang baranggay kaya’t halos mga tricycle at motorsiklo lamang ang karaniwang dumadaan doon. Sa ilalim ng isang streetlight ay may mangilan-ngilang mga kabataan ang nakatambay, nagyoyosi at nagtatawanan. Napa-iling lang si Marisol sa nakita.

Ipagpatuloy ang pagbabasa