Ang Manliligaw Part II

“Tao po. Tao po.”

Nakatayo si Anton sa harap ng isang bahay kubo na nasa gitna ng malawak na bukirin. Maraming naglalakihang mga puno sa paligid na nagsasaboy ng maiitim na anino kaya’t mukhang takipsilim na kahit tanghaling tapat pa lamang.

“Tao po,” muling kumatok si Anton.

“Sinong hinahanap niyo?”

Lumingon si Anton sa kanyang likuran at nakita ang isang lalaking nakasuot ng puting t-shirt. May edad na ito at napapanot na ang tuktok. May katabaan din ito at ang bilugang tiyan ay bumabanat sa suot niyang damit.

“M-Magandang araw po. Dito po ba nakatira si Mang Ben? Yung albularyo?” tanong ni Anton.

“Ah, ako si Mang Ben. Bakit mo naman ako hinahanap?”

“Hihingi po sana ako ng tulong. Tungkol po sa problema ng isang kaibigan.”

“Ganun ba,” sabi ni Mang Ben. “Halika, pasok tayo. Galing kasi ako sa kabilang baranggay at nagtawas ako.”

Kahit maliit lamang ay malamig at komportable sa loob ng kubo ng albularyo. Maraming mga halaman at dahon-dahon ang nakasalansan sa isang maliit na lamesa sa gitna ng kubo.

“Oh, ano ba ang problema ng kaibigan mo?” tanong ni Mang Ben ng makahanap ng mga bangkong mauupuan nila.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Eh, kasi ho…” hindi alam ng binata kung paano magsisimula. “”Meron po kasi akong kaibigang babae na nagugustuhan daw ng isang espiritu? Sabi ng iba, lamanglupa daw. Eh, lahat daw ng nanliligaw dun sa kaibigan ko ay nagkakasakit at namamatay.”

Napahawak sa kanyang baba ang albularyo at nag-isip.

“Matutulungan niyo po ba siya?” tanong ni Anton.

“Kung gayon,” sagot ni Mang Ben, “may gusto ka rin ba sa babaeng iyon at gusto siyang ligawan?’

“H-Ho?” ramdam ni Anton ang pamumula ng kanyang mga pisngi.

“Ok lang yan. Huwag kang mag-alala. Madali lamang ang problemang iyon.”

“T-Talaga ho? Matutulungan niyo kami?”

“Oo naman. Ako yata ang pinakamagaling na albularyo sa probinsyang ito,” sabi ni Mang Ben sabay tawa. “Mabuti pa isama mo rito bukas ang kaibigan mo.”

“Sige po! Pupunta po kami dito!” tugon ng binata na hanggang taenga ang ngiti.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay tinungo na ng dalawa ang kubo ng albularyo.

“Sigurado ka ba dito?” tanong ni Andrea.

“Oo. Si Mang Ben yata ang pinakamagaling na albularyo sa probinsyang ito!” sagot ng binata.

Sa kanilang harap ay naglalaga ng mga dahon si Mang Ben. Matapos itong amuyin ng ilang beses, sinala niya ito at pagkatapos ay dinikdik ito gamit ang isang malaking bato. Nang mapulbo ang mga dahon, binalot niya ito gamit ang isang pulang tela. Pagkatapos ay naupo siya sa harapan nina Andrea at Anton.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Kayong dalawa, sigurado ako na kaya kayo naparito ay dahil nag-iibigan kayo.”

Nagkatinginan sina Andrea at Anton at pagkatapos ay tumango.

“Mabuti yan,” sabi ni Mang Ben. “Alam niyo kasi, napakalakas talaga ng kapangyarihan ng emosyon. Pag-ibig, katuwaan, galit, kalungkutan. Lalo na sa mga di-nakikitang nilalang.

“At hindi natin maiiwasan na talagang may mga nilalang na nahuhumaling sa mga tao.  Madalas ay naaakit sila sa kagandahan ng isang tao, o kaya naman ay sa kabutihang loob nito. Sa kasamaang palad, ang mga nilalang na ito ay talagang seloso at mapang-angkin kaya’t ayaw nilang may ibang nagkakagusto sa taong kinahuhumalingan nila.

“Pero huwag kayong mag-alala. Kung totoong nagmamahalan kayo, iyan ang inyong magiging proteksyon. Gagamitin natin ang lakas ng inyong pag-ibig laban sa pag-ibig ng nilalang sa iyo, Andrea. Pag-ibig laban sa pag-ibig. Kaya’t siguraduhin ninyong mas malakas ang inyong pag-ibig kaysa sa nararamdaman ng nilalang.

“Handa na ba kayo?”

Naghawak kamay si Andrea at Anton. “Handa na kami.”

Nagsimulang magdasal si Mang Ben habang hawak-hawak ang pulang tela. Hindi maintindihan ni Anton ang sinasabi ng albularyo ngunit sa tingin niya ay ito ay wikang Latin. Bigla-bigla ay humangin ng malakas. Nilipad ang mga dahon na nakapatong sa lamesa. Ngunit ang ipinagtataka ni Anton ay hindi naman gumagalaw ang mga dahon ng puno sa labas. Mukhang tanging sa loob lamang ng kubo mayroong malakas na hangin.  Patuloy lamang sa pagdarasal si Mang Ben.

Biglang tumayo si Andrea at sumigaw.

“Andrea!” bulalas ni Anton.

Para bang mayroong humihila sa dalaga. Hinigpitan ni Anton ang pagkakahawak sa kamay ni Andrea at hinila ito papalapit sa kanya. Ngunit sadyang malakas ang kung anong humihila sa babae.

“Ipakita niyo ang lakas ng inyong pag-ibig,” malakas na sabi ni Mang Ben.

“Hindi kami magpapatalo!” Tumayo si Anton at mahigpit na niyakap si Andrea. Mahigpit din siyang hinagkan ng dalaga. Lalong lumakas ang hangin sa loob ng kubo, halos liparin na ang mga gamit. Naramdaman ni Anton ang muling paghila sa dalaga ngunit pakiwari niya ay para bang nabawasan ang lakas nito.

“Lubayan mo na kami. Mas malakas ang pag-ibig namin sa iyo!”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Walang anu-ano ay biglang tumigil ang malakas na hangin. Nawala na rin ang puwersang humihila kay Andrea. Dahan-dahan ay kumalas ang dalawa sa pagkakayakap.

“A-Anong nangyari?” tanong ni Andrea.

“Tapos na,” sagot ni Mang Ben na dahan-dahang tumayo.

“T-Talaga ho?” tanong ni Anton.

“Oo.”

Muling nagyakapan ang dalawa sa tuwa.

“Nagtagumpay kayo. Napatunayan niyo na mas malakas ang inyong pag-ibig kaysa sa pag-ibig ng nilalang na iyon.”

“Maraming salamat po, Mang Ben!”

“Wala iyon. Heto, tanggapin niyo ito.” Inabot ni Mang Ben ang hawak niyang pulang telang may lamang mga dinikdik na dahon. “Proteksyon iyan upang wala nang mahumaling na nilalang sa iyo.”

Nag-aalangan ngunit inabot ni Andrea ang pulang tela.

“Isuot mo lang lagi sa iyo yan. Po-proteksyunan ka niyan.” Kinuha ni Mang Ben ang isang bangkong natumba at pabagsak na naupo. Hinihingal ito na para bang pagod na pagod.

“Maraming salamat pong muli, Mang Ben.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

###

Sa unang pagkakataon ay nakalabas ang dalawa at nakapamasyal ng magkasama. Marami ang nagulat ng makitang walang nangyaring masama kay Anton.

Papauwi mula sa panonood ng sine, nakatayo ang magkatipan at naghihintay ng masasakyang jeep.

“Nag-enjoy ka ba, Andrea?”

“Oo, Anton. Maraming salamat, ha.”

“Wala yun. Basta para sa’yo, gagawin ko kahit ano.”

Walang anu-ano ay mayroong sumakal kay Anton mula sa likuran.

“Ano-“

Isang malamig na palad ang tumakip sa kanyang bibig. Naramdaman niya na tumusok sa kanyang pisngi ang matatalas na kuko nito, dahilan upang tumulo ang dugo sa kanyang leeg.

“H-Hinde!” mahinang sabi ni Andrea.

Anong nangyayari? may takot na tanong ni Anton sa sarili.

“Akala niyo ba mapapaalis niyo ako ng ganun-ganun lang?” Isang nakakatakot na boses ang nagmula sa kanyang likuran.

Sino ito?

“H-Hindi!” bulalas ng dalaga. “Hindi mo na dapat kami gagambalain. Natalo ka ng aming pag-ibig.”

Tumawa ng malakas ang lalaking nasa likuran ni Anton. Nakakakilabot ang tunog ng kanyang halakhak, parang galing sa ilalim ng lupa.

“Tinalo ng inyong pag-ibig ang aking pag-ibig?”

“O-Oo,” sagot ni Andrea.

Muling humalakhak ang nilalang. “Sino bang may sabing nahuhumaling ako sa’iyo?”

“A-Ano?” ang tanging nasabi ni Andrea.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Totoo. Kung pag-ibig laban sa pag-ibig, siguradong matatalo ako dahil mas malakas ang pag-iibigan ninyong dalawa. Ngunit hindi naman kita iniibig.”

Hindi maintindihan ni Anton ang mga nangyayari. Pumalpak ba ang orasyon ni Mang Ben?

“Galit ako sa’yo,” sabi ng nilalang kay Andrea. “Hindi kita iniibig, bagkus ay galit na galit ako sa’iyo. Kaya ko pinapatay lahat ng manliligaw mo ay dahil ayokong maging masaya ko. Gusto kong maramdaman mo ang walang katumbas na kalungkutan.”

“H-Hindi…”

“Kaya walang bisa ang seremonya ng magaling ninyong albularyo. Ang seremonyang iyon ay para lamang sa mga nilalang na nahuhumaling sa mga tao.

“Hindi ito tumalab sa akin dahil galit ang nararamdaman ko para sa’iyo.”

Gustong tumakbo ni Andrea ngunit hindi siya makagalaw. Hindi rin siya makasigaw upang humingi ng tulong.

“At ngayon, magpaalam ka na sa minamahal mo!” Itinulak ng malakas ng nilalang si Anton sa kalsada. Saktong mayroong dumaang 18-wheeler truck at sinalpok ang katawan ng binata. Tumilapon ang lalaki ng ilang metro. Wala na siyang buhay bago pa man siya bumagsak sa malamig na semento.

Dito nawalan ng malay si Andrea. Ngunit kahit wala ng ulirat ay naririnig pa rin niya ang nakakatakot at malakas na halakhak ng kanyang inaakalang “manliligaw.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Ang Manliligaw

Wow! Ang ganda niya!

Ito ang unang naisip ni Anton ng makita niya si Andrea. Fourth year high school na siya ngunit kinailangan niyang magtransfer sa isang public school dahil hindi na kaya ng kanyang mga magulang ang tuition fee sa pinapasukang private school. Sa una ay nanibago siya sa kapaligiran, palibhasa’y damuhan pa ang school field at marami sa mga estudyante ang hindi naka-uniporme at pawang nakatsinelas lamang. Buti na lamang at nakita niya si Jeric, na dati niyang kaklase noong elementary pa lamang siya. Si Jeric ang nagpakita sa kanya ng kalakaran sa isang public school.

“Jeric, sino yun?”

“Ha?” Sinundan ng tingin ni Jeric ang itinuturo ni Anton. “Sino ba?”

“Ayun. Yung babaeng nakaupo sa ilalim ng puno.”

Ilang segundo bago natagpuan ni Jeric ang itinuturo ng kaibigan. “Ahhh. Ayun ba? Si Andrea yun.”

“Andrea?” nakangiting sabi ni Anton.

“Oo. Bakit mo naman naitanong?”

“Eh, a-ang ganda niya noh!”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Lapitin

Halos anim na buwan pa lamang mula ng lumipat sa katapat naming apartment ang mag-asawang sina Ryan at Lovely. Kaya’t laking gulat ko ng makita sila isang umaga na abalang-abala sa pag-eempake ng kanilang mga gamit at nagmamadaling isinasakay ang mga ito sa isang truck.

“Ryan, aalis na kayo?” tanong ko.

Ibinaba ni Ryan ang dala-dalang kahon. Sinilip niya ang kanyang asawa, at ng masiguradong nasa loob ito ay saka lamang siya lumapit sa akin.

“Oo. Aalis na kami,” sagot niya. Para siyang balisa at hindi makatingin sa akin.

“Biglaan yata. May problema ba?”

“Naku, kahit ikuwento ka sa’yo tiyak ‘di ka maniniwala,” natatawa niyang sagot.

“Bakit naman?” tanong ko. “Sige na pare, baka makatulong ako.”

Tinitigan niya ako, tila pinagdedebatihan kung sasabihin niya sa akin ang nasasaloobin. Makalipas ang ilang minuto ay huminga siya ng malalim.

“Pare, naniniwala ka ba sa mga multo?” seryoso niyang tanong.

“M-Multo?” nabigla ako sa tanong niya.

Ipagpatuloy ang pagbabasa