Secret School Rules – Going Up

Going Up

ni Tristan Martin

            Halos alas-diyes na ng umaga nang dumating sa C______ Academy si Anthony. Mabagal ang kanyang lakad, pipikit-pikit pa ang mga mata at ilang beses naghikab. Hindi nakabutones ang suot niyang puting polo, na medyo gusot-gusot pa. Wala rin siyang suot na ID ngunit hindi na siya sinita ng guwardiya at umiling na lamang nang makita ang lalaki.

            Matangkad si Anthony, lagpas anim na talampakan. May kagandahang lalaki siya, kulay brown ang medyo kulot na buhok, at may dalawang hikaw na nakatusok sa kanyang kaliwang tainga. Dati siyang player sa basketball varsity team ng school ngunit napaalis dahil sa katakot-takot na reklamo at gulo na kinasangkutan niya. Kung hindi lang may kaya ang kanyang mga magulang ay tiyak na matagal na siyang na-kick-out. Kaya ngayong grade 12 na siya, marami ang natutuwa, mga estudyante at mga guro, na malapit na rin siyang umalis at mawala sa paaralan.

            “Pambihira, hindi na dapat ako pumasok”, bulong niya. Madaling-araw na kasi siya nakauwi dahil galing siya sa inuman kasama ng kanyang barkada. Plano niya sana na matulog na lang sa bahay nang buong araw, ngunit hindi niya inaasahan na walang pasok ang kanyang ina.

            Ang sarap-sarap ng tulog ko tapos bigla kang tatalakan. Kahit naman sino, masisira ang araw, sabi niya sa sarili. Kapag naka-graduate ako at nakahanap ng trabaho, lalayas na ko sa walang-kwentang bahay na ‘yon!

            Hinimas-himas niya ang kanyang kanang sentido na biglang kumikirot. May hangover pa ‘ata ako!

            Dumura siya sa damuhan sa kanyang kaliwa at pagkatapos ay pumanhik ng hagdanan papasok sa Main Building ng paaralan. Pagkapasok, lumiko siya sa kanang pasilyo at tinungo ang hagdanan. Walang ibang tao sa hallway, lahat ng mga estudyante ay nasa kani-kanila nang mga klase. Dinaanan niya ang Cashier at lumingon sa loob. Nakita niya na sinusundan siya ng tingin ng cashier na nakasilip sa salaming bintana.

            Alam ko lahat kayo gustong mawala na ako. Huwag kayong mag-alala, sukang-suka na rin ako sa inyo at sa school na ‘to!

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

            “Late ka na naman,” isang boses ang narinig niya sa kanyang harapan.

            Humarap siya at nakita ang isang lalaking nakasuot ng puting T-shirt at kupas na maong pants. Bigla siyang napasimangot nang makilala kung sino ang nagsalita.

            Ang school caretaker.

            “Anong pake mo?” sagot niya. Dire-diretso lamang ang lakad niya at nilagpasan ang lalaki.

            Mag-yoyosi na nga lang ako sa rooftop, naisip niya.

            Bigla siyang napatigil sa paglalakad nang mapadaan sa tapat ng elevator. Napako ang kanyang tingin sa puting papel na nakadikit sa pader sa tabi ng buttons nito.

            NOTICE: This elevator has now been repaired and is now fully operational. You may now use it for your convenience. School rules and regulations have been updated.

            Sa ilalim nito, nakasulat ang mga salitang “By School Administration.”

            “Totoo ba ‘to?” tanong niya sa sarili. Mula sa notice ay inilipat niya ang tingin sa nakasaradong mga pinto ng elevator, at pagkatapos ay tumingala siya sa itaas nito.

            “Mukhang ayos na nga,” nasabi niya nang makita na gumagana na ang floor indicator ng elevator. Ngayon nga ay naka-ilaw na ito at naka-display ang number four doon.

            “Hay, salamat naman at napaayos na rin nila. Ga-graduate na lang ako, hindi ko pa nagagamit ito. Mga corrupt talaga ang mga tao dito, malamang kinukurakot ang pondo ng school kaya hindi mapaayos-ayos ‘to!”

            Itinaas niya ang kanyang kaliwang kamay at pinindot ang Up button, na kaagad namang nag-ilaw. Sa floor indicator, lumabas ang isang arrow na nakaturo pababa.

            At least hindi na ako mapapagod sa pag-akyat sa hagdan. Nahihilo pa naman ako, naisip niya nang may ngiti sa mga labi.

            Muli niyang tiningnan ang notice at tinitigan ang huling pangungusap na nakasulat doon.

            School rules and regulations have been updated.

            Natawa siya at napailing. Matagal-tagal na rin nang huli niyang nabasa ang listahan ng mga rules na kasama ng student handbook. Nabasa niya iyon nang lumipat siya rito noong mag-grade 9 siya. Noong una ay nagtaka siya, hindi mainitindihan ang ibig sabihin ng mga rules na iyon. Nakadagdag pa rito ang mga bulung-bulungan na narinig niya mula sa mga matatagal nang estudyante rito. Marami siyang mga kwentong narinig, mga kwentong hindi kapani-paniwala. Na may mga kaluluwang hindi raw matahimik ang gumagala sa school. Na isinumpa raw ang paaralang ito.

            “Puro mga kalokohan,” nasabi niya habang nakatitig sa papel sa pader. “Sa tinagal-tagal ko rito, wala naman akong nakitang multo o halimaw. Puro mga baliw ang mga tao rito.”

            Bumalik sa alaala niya ang dalawang kaklase niya na inutusan niyang bumabasa sa hagdanan sa C Building. Nakita niya kasi na hindi nakakandado ang gate doon noong umagang iyon. Sakto namang dumating ang dalawang lalaki, nagtatawanan, na sumira sa kanyang mood. Kaya kinumbinsi niya na bumaba sila sa hagdanan gamit ang kanyang mga kamao.

            Napangiti siya nang maalala ang tagpong iyon. Halos umiiyak na ‘yung isang lalaki at nagmamakaawa habang bumababa ng hagdanan. Pagkatapos, nang hindi na niya ito maaninag sa dilim, narinig niya ang pagsigaw nito na pinagtawanan lang niya.

            “Duwag! Bakla!” sigaw pa niya habang tumatawa. Pagkatapos noon ay tumalikod na siya at umalis.

            Ipinatawag pa ‘ko sa Guidance, eh, wala namang nangyari ‘dun sa dalawa. Panakot lang talaga ang mga rules na ‘yon, naisip niya.

            Ting!

            Tumunog ang elevator at nagbukas ang dalawang pinto nito. Maluwang at maliwanag sa loob ng elevator. Makintab ang kulay abong pader nito na gawa sa bakal.

            “Aba! Ayos na pala ‘to! Hay, salamat naman!”

            Napalingon si Anthony sa kanyang kaliwa at nakita ang isang babaeng estudyante na nakatayo sa tabi niya, binabasa ang notice. Nakasukbit sa balikat niya ang kanyang handbag. Umatras ito at umikot sa likuran ng binata at pagkatapos ay dumiretso sa loob ng elevator.

            “Going up?” tanong ng dalaga kay Anthony, ang kanang hintuturo ay nakaturo pataas.

            A-Ang tahimik naman maglakad ng isang ‘to, naisip niya. Ni hindi ko man lang narinig o naramdaman na nasa tabi ko na pala. Teka, hindi kaya…

            Mabilis siyang umiling. Imposible! Hindi naman totoo ang mga rules na ‘yun. Walang mga multo o sumpa. At saka, ang sabi sa rules, makakakita ka raw ng mga estudyante sa loob. Hindi sa labas.

            Rule #4: Bawal gamitin ang elevator sa A Building. Hindi na ito gumagana. Huwag pipindutin ang mga buttons nito kahit na paminsan-minsan ay umiilaw ito. Kapag bumukas ang mga pinto ng elevator, huwag pumasok o kahit lumapit man lamang dito, kahit may makita ka pang mga estudyante sa loob. Muli, hindi gumagana ang elevator sa A Building

            Napangiti siyang muli at pagkatapos ay pumasok na sa loob ng elevator. Tiningnan niya ang floor panel at pinindot ang 7th floor button. Dahan-dahang nagsara ang pinto ng elevator at naramdaman ni Anthony ang mabagal na pagpanhik nito.

            Sinilip niya sa gilid ng kanyang mga mata ang babaeng estudyanteng kasama niya. Nakatingin lamang ito sa display panel nang may ngiti sa mga labi.

            “Anong year ka na?” tanong ng binata.

            Humarap sa kanya ang dalaga. “Ah, grade 12.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

            Grade 12? Bakit parang ngayon ko lang ‘to nakita? pagtataka ni Anthony. Bumaba ang tingin niya sa may dibdib ng babae at tiningnan ang suot nitong ID. Napakunot lamang ang noo niya sa nakita.

            Sa ID ng estudyante, burado ang pangalan nito at ang grade at section ng kulay pulang tinta, parang pentel pen. Naka-ekis din ang mukha niya sa litrato. Sa itaas nito ay nakasulat ang pangalan ng paaralan at ang school year.

            School Year 2003 – 2004.

            A-Ano ‘yun? Bakit ganoon ang ID niya? Bakit 2003 pa ‘yun? sunud-sunod na tanong niya sa sarili. Taon-taon kasi ay nag-i-issue ang school ng mga bagong ID kung saan nakalagay ang school year, at ang grade at section ng estudyante.

            “Alam mo, tama ka,” biglang sabi ng dalaga. Titig na titig ang babae sa kanya.

            “Ano? Anong tama?” sagot ni Anthony. Hindi niya napansin na napahakbang pala siya paatras, dumidistansya sa kausap.

            “Na corrupt talaga ang mga nagpapatakbo ng school na ito,” kalmadong sagot ng babae na nakangiti pa rin. “Imbis na gamitin ang pera pang repair at maintenance ng elevator, binubulsa lang nila.”

            Humakbang ang babae papalapit sa binata.

            “H-Ha?” ang tanging nasambit ni Anthony.

            “Ano sa tingin mo ang mangyayari kung hindi chine-check at pinapaayos ang isang elevator?” tanong nito.

            Hindi makapagsalita ang lalaki. Hindi niya mapakiwari ngunit alam niya na may mali sa sitwasyong iyon. Tumingin siya sa display panel ng elevator at nakita ang pagbabago ng mga numero doon.

            …4 … 5… 6… 66… 666…

            Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita.

            “A-Anong nangyayari?” nasabi niya nang malakas.

            Humalakhak ang babaeng estudyante na nakatayo na sa harapan niya ngayon. “Siyempre, babagsak ang elevator! Hindi pinapaayos, eh!”

            Itinulak ni Anthony ang dalaga, na napasalampak sa sahig.

            “Hindi magandang biro ito!” Lumapit siya sa floor panel at pinindot ang mga buttons ngunit walang umilaw sa kanila. Pinindot niya ito nang paulit-ulit, ngunit hindi na ito gumagana.

            Muling tumawa ang dalaga.

            “Masasama talaga ang lahat ng tao,” sabi nito. Nakaupo pa rin ito sa sahig, nakatungo, ang buhok ay tumatakip sa kanyang mukha. “Lahat. Ang mga may-ari ng school na ito. Ang mga admin officials, mga teachers, mga estudyante. Ikaw, masamang tao ka rin, hindi ba?”

            Muling napaatras si Anthony hanggang sa lumapat ang kanyang likod sa bakal na pader.

            “H-Hindi! Hindi ito totoo!”

            “Huwag kang mag-alala. Hindi lang ikaw ang masama. Ako rin. Kaming lahat!”

Isang matinis na alarm ang umalingawngaw sa loob ng elevator. Napalingon si Anthony sa display panel at nakita ang nakasulat doon.

Overload. Max 800 kg / 10 Persons.

            Biglang kumurap-kurap ang ilaw sa loob at nagsimulang manginig ang buong elevator. Napasigaw si Anthony at kumapit sa hawakan sa kanyang likuran. Sa pagpatay-sindi ng ilaw, nakita niya ang babaeng estudyante, tumatawa pa rin. Ngunit hindi na siya nag-iisa. Hindi na lamang silang dalawa ang laman ng elevator. Sa katunayan, punung-puno ang loob nito, nagsisiksikan ang mga estudyante sa loob. Nagtutulakan, nagsisigawan.

            Bumulusok pababa ang elevator. Naramdaman ni Anthony na parang umangat at naiwan ang kanyang tiyan at mga laman-loob sa ere. Nanginig ang kanyang tuhod at napaluhod siya. Muli siyang sumigaw.
            “Tulong! Tulungan niyo ako!”

            Sabay-sabay na lumingon sa kanya ang mga estudyante sa paligid niya. Tumigil na sila sa pagsigaw at ngayon nga ay puro mga nakangiti.

            “Masama kang tao,” sabay-sabay nilang sabi. “Masama rin kami. Masama tayong lahat. Kaya’t sama-sama tayo rito. Sama-sama tayo sa impyerno! Hindi kami papayag na kami lang!”

            Sinunggaban si Anthony ng mga estudyante at namatay ang mga ilaw. Nagpatuloy sa pagbagsak ang elevator.

###

            Luminga-linga si Kyle sa kanyang kaliwa at kanan bago lumapit sa elevator. Kakasarado lang ng mga pinto nito matapos pumasok ni Anthony. Pagdating sa tapat ng elevator, agad niyang tinanggal ang papel na notice sa pader at agad na pinunit ito. Kinuyumos niya sa kanyang kamao ang mga piraso ng papel bago ito ipinasok sa bulsa ng kanyang pantalon.

            Tiningnan niya ang pinto ng elevator, iniisip kung ano ang nangyayari sa loob. Pagkatapos ay tumingala siya at tiningnan ang floor indicator sa taas. Hindi ito nakailaw, walang anumang nakasulat doon. Sinubukan niyang pindutin ang Up button ngunit hindi ito nag-ilaw.

            Tama ang sabi sa rules, nasabi niya sa sarili. Hindi gumagana ang elevator sa A Building.

            Tumalikod si Kyle at dumiretso sa opisina ni Ma’am Fe.

            Alas-singko diyes ng hapon nang bumalik siya sa elevator na iyon. Marami nang estudyanteng naglalakad sa hallway dahil kakatapos lang ng mga klase. Pagtigil niya sa tapat ng elevator, biglang naghiwalay ang mga bakal na pinto nito.

            Madilim sa loob, patay ang mga ilaw. Mga ilaw na ilang taon nang hindi sumisindi. Sa loob, naaninag ni Kyle ang pigura ng isang tao, isang lalaki. Nakahiga ito sa sahig, nakabaluktot ang mga tuhod na parang isang sanggol. Umiiyak ang lalaki.

            “T-Tama na… pa-patawad… h-hindi ako… m-masama…” mahina nitong sinasabi nang paulit-ulit.

            Halos hindi nakilala ng caretaker ang estudyanteng iyon. Kaninang umaga lamang niya ito nakita ngunit ibang-iba na ang hitsura nito. Parang nangayayat ang lalaki, tila ba hindi kumain ng ilang buwan. Wala na ang tapang at kumpiyansa sa mukha nito. Ang mga mata niya na dati’y nanlilisik, ngayon ay bakante na parang mga mata ng isang bulag, hindi nakakakita. At ang kulay brown nitong buhok, na ilang beses nang sinabi ng kanyang mga guro na kulayan ng itim, ay pulos kulay puti nang lahat.

            “Hala, ba’t bukas ‘yung elevator?”
            “M-May tao sa loob!”

            “Sino ‘yun? B-Bakit puti na lahat ng buhok niya?”

            Nagsimulang magkumpulan sa likuran ni Kyle ang mga estudyanteng napadaan.

            “Mga bata,” madiing sabi ng caretaker. “Umuwi na kayo. Baka abutan pa kayo ng gabi rito. Gusto niyo bang matulad sa kanya?”

            Mabilis pa sa alas kuwatro ay nawala ang mga nakikiusyosong mga estudyante.

            Pumasok si Kyle sa elevator at binuhat ang bully ng C_____ Academy.

            Hindi, pagtatama ni Kyle sa sarili.

            “Dating” bully ng C_____ Academy.

###

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Tsismisan sa cashier’s office…

            Nakita mo ‘yung nangyari?

            Oo, grabe, ano? Kahit pasaway ‘yun, nakakaawa pa rin.

            Naku, tama lang ‘yun sa kanya!

            Sobra ka naman.

            Sus, hindi mo ba nakita ‘yung mga students na binu-bully niya? Sila ang totoong kawawa. Ni hindi man lang sila natulungan ng school.

            Hoy, baka may makarinig sa’yo. Makarating pa ‘yan sa itaas.

            Naku, wala akong pake! Totoo naman ang sinasabi ko. Wala naman talaga silang ginawa. Kahit noong nangyari ‘yung aksidenteng iyon sa elevator, may ginawa ba sila? May naparusahan ba?

            Tumigil ka na nga baka pati ako mapahamak sa’yo, eh!

            Takot ka rin pala, eh. Buti pa si Kuya Kyle. Siya lang ang maaasahan dito. Kung wala siya rito, matagal nang nagsara ang school na ‘to.

            Pero, hindi ba’t delikado ‘yung ginawa niya?

            Ayos lang ‘yun. Saka, sa tagal kong nagtatrabaho dito, wala pang namamatay diyan sa elevator na ‘yan. Dapat siguro kausapin ko si Kuya Kyle. Sabihin ko, papasukin din sa elevator ‘yung mga estudyanteng hindi nagbabayad ng tuition! Ahahaha!

            Bahala ka nga sa buhay mo!

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

6 thoughts on “Secret School Rules – Going Up

  1. Hi Sir

    Ang gaganda po ng stories nyo. Nakakaaliw at nakakaentertain po lalo po ngayon na puro online na.

    Sir magpapaalam po sana ako kung pwede po gamitin mga stories nyo ? I will assure you po 100 % na ilalagay ko po ang source then ipropromote itong page nyo sir for more subscribers and readers.

    More powers po and continue sharing your talent po. Salamat.

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.