Manong Guard

Manong guard. Chief. Kuya.  Ilan lang ito sa karaniwang tinatawag kay Cris ng mga empleyado sa call center na pinapasukan niya.  Ilang buwan pa lang siyang nadedestino sa kompanyang iyon pero nagustuhan na niya kaagad ang trabaho.  Hindi tulad ng mga kasamahan niyang guwardiya, gusto niya ang graveyard shift.  Wala naman kasi siyang pamilya kaya ayos lang kung umaga na siya umuwi.  Nasanay na rin siya sa puyatan dahil sa bangko siya dati nagbabantay.  Ang maganda nga lang sa call center, magaan at ligtas ang trabaho.  Hindi tulad sa bangko na kailangan kang laging alerto.  Masasabi ring nakataya ang buhay mo tuwing magdu-duty ka.  Sa call center, lalo na kapag graveyard, walang masyadong ginagawa.  Safe na safe pa.

Tahimik na tao lang si Cris.  Walang bisyo at hindi mahilig lumabas-labas.  Masaya na siya kahit mag-isa lang.  Kaya siguro hanggang ngayon ay binata pa siya.

Sa trabaho, tahimik lang siyang nakaupo sa kanyang desk na nasa elevator lobby sa 18th floor ng pinapasukang call center.  Tinitingnan ang lahat ng papasok kung may ID at i-checheck ang mga bag ng lahat ng lalabas.  Kapag wala namang tao ay nakaupo lang siya at gumuguhit ng mga disenyo ng mga bahay. Pangarap kasi niyang maging isang arkitekto ngunit dahil sa kahirapan ay hindi siya nakatapos ng college.

Ipagpatuloy ang pagbabasa