Secret School Rules

Paunawa sa Lahat ng Estudyante ng C_________ Academy

            Ang lahat ng estudyante ng C_________ Academy ay kinakailangang basahin, sauluhin, at sundin ang lahat ng mga patakarang nakasaad sa paunawang ito. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapakita ng mga patakarang ito sa mga taong hindi nag-aaral sa ating paaralan, lalo na sa mga magulang. Pagkatapos basahin at sauluhin ang mga patakarang ito, agad itong punitin at sunugin.

  1. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta at pagpasok sa Principal’s Office sa Main Building. Kapag may lumapit sa iyong guro na hindi mo nakikilala at sinabihan ka na ipinapatawag ka sa Principal’s Office sa Main Building, agad na tumalikod at lumakad palayo. Huwag tatakbo. Kaagad na hanapin ang school caretaker at ipaalam sa kanya ang nangyari. Pagkatapos ay kaagad na lumabas ng school premises.
  2. Huwag gagamitin ang hagdanan sa dulong bahagi ng C Building. Kung mayroon kang nakitang bumaba sa hagdanang iyon, huwag na huwag kang susunod. Kaagad na hanapin at ipaalam sa school caretaker ang nangyari.
  3. Tuwing ikalawang Biyernes ng buwan, lahat ng klase sa B Building ay kailangang tumigil mula 3:33PM hanggang 4:13PM. Isasara at ikakandado ng inyong mga guro ang lahat ng mga bintana at pinto ng mga silid-aralan. Lahat ng mga estudyante ay kinakailangang manatili sa loob kani-kanilang silid-aralan. Mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas at paglalakad sa hallways kahit na may marinig ka pang kakaiba.
  4. Bawal gamitin ang elevator sa A Building. Hindi na ito gumagana. Huwag pipindutin ang mga buttons nito kahit na paminsan-minsan ay umiilaw ito. Kapag bumukas ang mga pinto ng elevator, huwag pumasok o kahit lumapit man lamang dito, kahit may makita ka pang mga estudyante sa loob. Muli, hindi gumagana ang elevator sa A Building.
  5. Kung may isang guro na hindi mo kilala o hindi namumukhaan ang biglang pumasok sa inyong silid-aralan at nagsimulang magturo sa lengguwaheng hindi mo maintindihan o makilala, agad na ipikit ang iyong mga mata at tumahimik. Huwag didilat o gumawa ng anumang ingay hanggang matapos magsalita ang guro. Maaaring may maramdaman kang humahaplos sa iyong mukha o sa iyong mga kamay ngunit importanteng huwag itong pansinin. Kapag tumigil sa pagsasalita ang guro, bumilang ng hanggang sampu bago idilat ang iyong mga mata. Pagkatapos ay kailangang ipaalam ng class president o vice-president ang nangyari sa ating school caretaker.
  6. Lahat ng estudyante ay dapat nakalabas na ng school premises pagsapit ng 6:35PM. Mahigpit na ipinagbabawal ang pananatili ng mga estudyante sa paaralan sa oras na ito. Kung sakaling ikaw ay nasa loob pa ng paaralan pagsapit ng 6:35PM, kailangan mong manatili sa Room 306 sa A Building hanggang sa pagsikat ng araw. Siguraduhin mong makakarating ka sa silid-aralang iyon kahit na anumang mangyari.
  7. Huwag na huwag magpo-post ng anuman sa Facebook group na C________ Academy Secret Files and Confessions. Ang pag-comment, pag-like, pag-react, o pag-share sa anumang post sa group na iyon ay mahigpit na ipinagbabawal. Huwag na huwag ding susubukang i-report ang group na iyon.

SERGEANT-AT-ARMS

SERGEANT-AT-ARMS

ni Tristan Martin

                “All right! Ang ating escort at muse ay si Herbert Latag at si Judy Lee Vicente,” malakas na anunsiyo ni Ms. Agoro sa buong klase. Sinundan ito ng mga palakpakan mula sa mga estudyante.

                Hay, ano ba naman ito, panaghoy ni Alexis sa kanyang isipan. Bakit ba may class officers pa, samantalang senior high na kami? Pang-elementary lang ito, eh!

                Ipinihit niya ang kanyang ulo na nakadantay sa kanyang kanang kamay at lumingon sa labas ng bintana. Nagkukulay kahel na ang kalangitan dahil papalubog na ang araw.

                Bakit naman kasi nag-election pa ng mga officers, eh, malapit na ang uwian? naisip pa niya sabay buntong-hininga. Kakasimula lamang ng school year at halos wala pa siyang kakilala. Transferee kasi siya sa school na ito dahil lumipat sila ng bahay.

                Pumalakpak nang tatlong beses si Ms. Agoro kaya’t napabalik ang tingin ng binata sa kanilang guro. Nakatayo na ito sa gilid ng classroom, sa tabi ng bintana katapat ng pintuan.

                “Now, last position na itong pagbobotohan natin,” sabi ng guro habang ang dalawang kamay ay magkadaop sa tapat ng kanyang dibdib. Napansin ni Alexis na biglang naging seryoso ang hitsura ng may edad na nilang titser at nawala ang ngiti nito sa mga labi.

                “Kailangan na nating i-elect ang ating class sergeant-at-arms.”

                Biglang nagbulung-bulungan ang mga estudyante sa loob ng classroom, na ikinagulat ni Alexis. Napaupo siya ng tuwid at nagpalinga-linga sa kanyang mga kaklase.

                “Okay, everyone,” pagpapatuloy ni Ms. Agoro, “any nominees? Kailangan natin ng isang lalaki at isang babae.”

                “Ma’am, ako po! Ako po!” Isang lalaki ang nagtaas ng kanyang kamay.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

PERPEKTO ANG GIRLFRIEND KO, BASTA SUSUNDIN MO LANG ANG KANYANG MGA “RULES”

PERPEKTO ANG GIRLFRIEND KO, BASTA SUSUNDIN MO LANG ANG KANYANG MGA “RULES”
ni Tristan Martin

Ako na yata ang pinakamasuwerteng lalaki sa buong mundo. Napaka-perpekto kasi ng girlfriend ko. Kung baga, wala na akong hahanapin pa. Napakaganda niya, sexy, sobrang bait, may sense of humor, matalino, at napakarami pang iba. Kung ililista ko lahat ng mga katangian niya, tiyak aabutin tayo ng year 2025! Madalas ko ngang kinukurot at sinasampal ang mukha ko para masiguradong hindi ako nananaginip.

Apat na taon na kami ng aking mahal na nobya. Noong niligawan ko siya, lahat ng mga kaibigan at kapitbahay ko sinabihan ako na huwag ko na raw ituloy dahil bad news daw siya at mapapariwara lamang ako kapag naging kami. Na may “something” daw ang pamilya nila sa probinsya. Bagong lipat lang ako sa lugar na iyon at mag-a-anim na buwan pa lamang doon nang makilala ko ang nobya ko. Hindi ako nakinig sa mga sinasabi nila, mga tsismoso at mga tsimosa, at itinuloy ang panliligaw. Hindi nagtagal, sinagot din niya ako at talagang sobrang ligaya ko simula noon. Lahat ng mga nagsabing mapapariwara raw ako, hindi ko na sila mga kaibigan ngayon.

Last year lang, nagsimula na kaming mag-live in. Kumuha kami ng condo sa Taguig at talagang sobrang saya namin. Halos wala kaming problema, wala kaming anumang away. At siyempre, dahil iyon sa sinusunod ko ang mga special rules.

Well, wala naman talaga siyang special rules para sa akin. Kung ano ang gusto at ayaw ng mga pangkaraniwang babae sa kanilang nobyo, ganoon din naman siya. Sa totoo lang, mas maluwag pa siya sa ibang mga naging girlfriend ko dati. Understanding siya, hindi demanding. Kaya mahal na mahal ko siya!

Ipagpatuloy ang pagbabasa