Ang Damit Pangkasal

“NAKU ANAK, HUWAG NA HUWAG MONG ISUSUKAT ‘YUNG GOWN MO,” alalang sabi ni Marta sa anak na si Ellen ng puntahan nila si Aling Thelma, na siyang nagtatahi ng damit-pangkasal ng dalaga.

“At bakit naman, nay? Dahil ba sa hindi matutuloy ang kasal ko?” pabirong tanong ni Ellen. “Nay naman. Hanggang ngayon ba naman, naniniwala pa kayo sa mga pamahiin na ‘yan.”

Napailing lang si Marta. Laking probinsya kasi siya kayat napakarami niyang alam na pamahiin at tradisyon, na pilit niyang ipinamamana sa anak.

“Walang masama kung susunod tayo,” malumanay na sagot ni Marta. “Tingnan mo ang nangyari sa Tiya Belen mo. Ayun! Tumandang dalaga.”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Kilalang-kilala sa buong angkan nila si Belen, ang nakatatandang kapatid ni Marta. Paborito kasi itong pagkuwentuhan ng kanilang mga kamag-anak lalung-lalo na kapag napupunta ang usapan tungkol sa kasalan at mga pamahiin. Noong kadalagahan kasi ni Belen, ikakasal na sana ito sa isang mayamang haciendero. Ngunit dahil sa hindi naniniwala sa mga pamahiin, isinukat niya ang kanyang traje de boda noong gabi bago ang kasal. Laking kilabot ng kanilang ina ng makita ang dalaga. Matinding sermon ang inabot ni Belen ngunit pinagtawanan lamang niya ang lahat ng mga iyon. Kinabukasan, araw ng kanyang kasal, nakita ang kanyang mapapangasawa na lumulutang sa ilog. Patay na, biktima ng mga holdaper.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Isa pang laging binabanggit na halimbawa ni Marta ay ang pinsan ni Ellen na si Betty. Halos magkasing-edad lamang ang dalawang babae, na magkasabay na lumaki. Dalawang taon na ang nakalilipas mula ng itakda ang kasal ni Betty sa kanyang nobyong si Jake. Pinaghandaang mabuti ang kasalan dahil may kaya naman ang pamilya ng lalaki. Pinagkagastusan mula sa mga damit hanggang sa handaan.

Sa kasamaang palad, noong araw ng kasal, biglang hinimatay si Jake. Mabilis siyang isinugod sa ospital ngunit huli na ang lahat.

Ruptured aneurysm daw ang dahilan. Isang ugat sa kanyang ulo ang pumutok na naging dahilan ng pamamaga ng kanyang utak.

Hindi mailarawan ang pagtangis ni Betty. Pilit siyang inalo ng kanyang mga magulang at mga kaibigan, kinukumbinsi na wala siyang kasalan sa mga nangyari. Ngunit wala silang naisagot ng sabihin ni Betty na isinukat niya ang kanyang wedding gown kinagabihan bago ang kasal. Natahimik lang pati ang kanyang mga magulang.

Hindi mapamahiing tao si Ellen, at natatawa lamang siya sa mga taong naniniwala sa mga ito. Ngunit ngayong siya na ang ikakasal, sisiguraduhin niya na magiging matagumpay ito at hindi makakalimutan. Kung kailangan siyang sumunod sa mga pamahiin ay gagawin niya. Tama naman ang kanyang ina.

Walang masama kung susunod.

Araw na rin ng kasal ni Ellen. Excited siyang isuot ang kanyang wedding gown. Hindi niya kasi alam kung kasya ba ito sa kanya o baka naman masikip. Sinunod niya kasi ang gusto ng kanyang ina at hindi ito isinukat.

“Huwag kang mag-alala. Kasya ‘yan!” masayang sabi ni Marta.

Hindi humihinga si Ellen ng itaas ang zipper ng kanyang damit sa likuran.

“Hoy, bakit di ka humihinga?” tanong ni Aling Thelma na natatawa sa hitsura ng dalaga.

Pinakawalan ni Ellen ang pinipigil na hininga at pinakiramdaman ang suot na damit.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Kasyang-kasya!” halos napasigaw na sabi niya. Tiningnan niyang mabuti ang kanyang hitsura sa salamin.

“Ang ganda-ganda mo anak.”

Tama ka, nay, naisip ni Ellen. Ano kayang reaksyon ni Julius pag nakita ako?

Nakasakay sina Ellen at si Marta sa isang magarang puting sasakyan na pinahiram ng isa sa mga kinuha nilang ninong. Nasa highway na sila at papunta na sa simbahan.

“Nag-text ang Tiya Belen mo. Naroroon na raw silang lahat. Tayo na lang ang hinihintay,” sabi ni Marta.

“Hayaan niyo sila mag-hintay. Hindi naman ‘yon magsisimula kung wala tayo,” sagot ni Ellen sabay tawa.

Biglang nagring ang cellphone ni Ellen na nasa kanyang bag. Mabilis niya itong kinuha at napangiti ng makitang tinatawagan siya ni Julius.

“Hello, hon,” masayang bati ni Ellen.

“Hon, malapit na ba kayo,” sagot ng lalaki.

“Oo. Siguro mga 15 minutes na lang.”

“Good. Kagabi pa ako excited!”

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

“Kagabi lang?” tanong ni Ellen na kunwa’y nagtatampo. “Ako noong isang buwan pa!”

Natawa si Julius. “Iyan ang gusto ko sa’yo, komedyante. Oo nga pala, alam mo ba ‘yung barong na ipinatahi ko, maliit sa’kin.”

“Hah,” gulat na sabi ni Ellen. “Naku, naisuot mo naman ba ng maayos?”

“Oo naman! Buti na lang kamo at binisita ko ‘yung mananahi kagabi at naisukat ko ‘yung barong.”

Hindi alam ni Ellen kung bakit pero bigla siyang nakaramdam ng takot.

“H-Hah?” Nanginginig ang kanyang kamay at parang hindi niya marinig ang boses ni Julius. Nakatingin lang siya sa kanyang ina na halatang nagtataka sa kanyang reaksyon.

“… na-iadjust pa. Kaya ayos na, poging-pogi na ako!” masayang kuwento ng lalaki.

Hindi makasagot si Ellen. Biglang nanuyo ang kanyang lalamunan at parang bumigat ang kanyang dila.

“Hon, nandyan ka pa ba?”

Huminga ng malalim si Ellen. “Oo, hon.” Hinawakan niya ng dalawang kamay ang cellphone at idiniing mabuti sa kanyang tainga. “Tama ba ‘yung narinig ko? Isinukat mo ‘yung barong mo kagabi?”

“Oo. Maliit kas-“

Hindi na narinig ni Ellen ang kasunod dahil isang truck ang sumalpok sa kanilang sasakyan. Hindi na niya namalayan na nabitawan na pala niya ang cellphone. Wala siyang naramdaman ng tumama ang kanyang ulo sa salamin ng kotse at kumalat ang kanyang dugo sa loob ng sasakyan. Hindi niya alam na ilang beses nagpaikut-ikot ang kanilang sasakyan at ilang buto sa kanyang katawan ang nabali.

Ang tanging nasa isip lamang niya ay ang tungkol sa barong ni Julius. Barong na isinukat ng lalaki kagabi.

Hindi totoo ang mga pamahiin, naisip niya bago siya malagutan ng hininga.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

7 thoughts on “Ang Damit Pangkasal

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.