Secret School Rules – Going Up

Going Up

ni Tristan Martin

            Halos alas-diyes na ng umaga nang dumating sa C______ Academy si Anthony. Mabagal ang kanyang lakad, pipikit-pikit pa ang mga mata at ilang beses naghikab. Hindi nakabutones ang suot niyang puting polo, na medyo gusot-gusot pa. Wala rin siyang suot na ID ngunit hindi na siya sinita ng guwardiya at umiling na lamang nang makita ang lalaki.

            Matangkad si Anthony, lagpas anim na talampakan. May kagandahang lalaki siya, kulay brown ang medyo kulot na buhok, at may dalawang hikaw na nakatusok sa kanyang kaliwang tainga. Dati siyang player sa basketball varsity team ng school ngunit napaalis dahil sa katakot-takot na reklamo at gulo na kinasangkutan niya. Kung hindi lang may kaya ang kanyang mga magulang ay tiyak na matagal na siyang na-kick-out. Kaya ngayong grade 12 na siya, marami ang natutuwa, mga estudyante at mga guro, na malapit na rin siyang umalis at mawala sa paaralan.

            “Pambihira, hindi na dapat ako pumasok”, bulong niya. Madaling-araw na kasi siya nakauwi dahil galing siya sa inuman kasama ng kanyang barkada. Plano niya sana na matulog na lang sa bahay nang buong araw, ngunit hindi niya inaasahan na walang pasok ang kanyang ina.

            Ang sarap-sarap ng tulog ko tapos bigla kang tatalakan. Kahit naman sino, masisira ang araw, sabi niya sa sarili. Kapag naka-graduate ako at nakahanap ng trabaho, lalayas na ko sa walang-kwentang bahay na ‘yon!

            Hinimas-himas niya ang kanyang kanang sentido na biglang kumikirot. May hangover pa ‘ata ako!

            Dumura siya sa damuhan sa kanyang kaliwa at pagkatapos ay pumanhik ng hagdanan papasok sa Main Building ng paaralan. Pagkapasok, lumiko siya sa kanang pasilyo at tinungo ang hagdanan. Walang ibang tao sa hallway, lahat ng mga estudyante ay nasa kani-kanila nang mga klase. Dinaanan niya ang Cashier at lumingon sa loob. Nakita niya na sinusundan siya ng tingin ng cashier na nakasilip sa salaming bintana.

            Alam ko lahat kayo gustong mawala na ako. Huwag kayong mag-alala, sukang-suka na rin ako sa inyo at sa school na ‘to!

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Secret School Rules – Ang School Caretaker

Ang School Caretaker

ni Tristan Martin

PART 0 (List of Rules): https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/05/14/secret-school-rules/

PART 1 (Ako Lang Ba?): https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/07/01/ako-lang-ba/

Binuksan ni Kyle ang kanyang mga mata at tumitig sa kwadradong salamin na nakasabit sa isa sa mga poste sa loob ng CR ng caretaker’s room. Lumapit siya rito at idinilat nang mabuti ang mga mata, gamit ang dalawang kamay ay hinila niya pababa ang balat sa ilalim ng kanyang mga mata. Medyo namumula ang mga puti nito, ang mga ugat ay parang mga gumagapang na baging at sa pakiramdam niya, tumitibok-tibok ang mga ito na parang may sariling buhay.

Puyat na naman. Wala na namang tulog, nasabi niya sa sarili.

Tumungo siya at binuksan ang gripo sa maliit na puting lababo at sinahod ang tubig gamit ang mga palad. Pagkatapos ay yumuko siya at ihinilamos niya ang malamig na tubig sa kanyang mukha.

Tumayo siya at kinuha ang isang maliit na towel na nakasabit sa isang pako sa likuran ng pinto ng CR. Ipinunas niya ito sa kanyang mukha, idinampi-dampi na para bang nilalasap ang pakiramdam ng malambot na tela.

Matapos magbuntong-hininga ay lumabas na siya ng CR. Dumiretso siya sa “office” sa caretaker’s room. Isa lamang iyong maliit na silid, sa katunayan isang maliit na bahay kubo, na gawa sa mga tablang kahoy at yero. Ipinatayo ang kubong iyon two years ago upang may matirhan si Kyle. Dati, sa loob siya ng Main Building nag-o-opisina at umuuwi sa nirerentahang apartment ngunit dahil na rin sa insidenteng nangyari dalawang taon na ang nakararaan, kinailangan niyang manatili sa loob ng paaralan sa gabi. Dahil noong taon na iyon, nadagdag sa listahan ang rule number six.

Naupo si Kyle sa plastic na upuan sa likuran ng kanyang lamesa. Ang kanyang opisina, na itinuturing na rin niyang salas, ay binubuo ng isang kahoy na desk na nasa tapat ng pintuan, isang kulay pulang sofa sa gilid malapit sa bintana, at isang maliit na istante kung saan nakapatong ang isang lumang TV. Sa gabi, naglalatag na lamang siya ng kutson na ngayon ay nakarolyo sa loob ng kanyang aparador.

Tiningnan niya ang bilog na orasan na nakasabit sa pader sa kanyang kaliwa at nakita na alas siyete kuwarenta na. Siguradong nagdadatingan na ang mga estudyante. Kaagad niyang pinagsama-sama ang mga papel at folder na nasa ibabaw ng kanyang lamesa at inayos ito. Pagkatapos ay binuksan niya ang kanang drawer at inilagay ang mga papel sa loob. Isasara na niya sana ito nang biglang matigilan. Bahagya siyang yumuko at may sinilip sa loob.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Secret School Rules

Paunawa sa Lahat ng Estudyante ng C_________ Academy

            Ang lahat ng estudyante ng C_________ Academy ay kinakailangang basahin, sauluhin, at sundin ang lahat ng mga patakarang nakasaad sa paunawang ito. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapakita ng mga patakarang ito sa mga taong hindi nag-aaral sa ating paaralan, lalo na sa mga magulang. Pagkatapos basahin at sauluhin ang mga patakarang ito, agad itong punitin at sunugin.

  1. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta at pagpasok sa Principal’s Office sa Main Building. Kapag may lumapit sa iyong guro na hindi mo nakikilala at sinabihan ka na ipinapatawag ka sa Principal’s Office sa Main Building, agad na tumalikod at lumakad palayo. Huwag tatakbo. Kaagad na hanapin ang school caretaker at ipaalam sa kanya ang nangyari. Pagkatapos ay kaagad na lumabas ng school premises.
  2. Huwag gagamitin ang hagdanan sa dulong bahagi ng C Building. Kung mayroon kang nakitang bumaba sa hagdanang iyon, huwag na huwag kang susunod. Kaagad na hanapin at ipaalam sa school caretaker ang nangyari.
  3. Tuwing ikalawang Biyernes ng buwan, lahat ng klase sa B Building ay kailangang tumigil mula 3:33PM hanggang 4:13PM. Isasara at ikakandado ng inyong mga guro ang lahat ng mga bintana at pinto ng mga silid-aralan. Lahat ng mga estudyante ay kinakailangang manatili sa loob kani-kanilang silid-aralan. Mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas at paglalakad sa hallways kahit na may marinig ka pang kakaiba.
  4. Bawal gamitin ang elevator sa A Building. Hindi na ito gumagana. Huwag pipindutin ang mga buttons nito kahit na paminsan-minsan ay umiilaw ito. Kapag bumukas ang mga pinto ng elevator, huwag pumasok o kahit lumapit man lamang dito, kahit may makita ka pang mga estudyante sa loob. Muli, hindi gumagana ang elevator sa A Building.
  5. Kung may isang guro na hindi mo kilala o hindi namumukhaan ang biglang pumasok sa inyong silid-aralan at nagsimulang magturo sa lengguwaheng hindi mo maintindihan o makilala, agad na ipikit ang iyong mga mata at tumahimik. Huwag didilat o gumawa ng anumang ingay hanggang matapos magsalita ang guro. Maaaring may maramdaman kang humahaplos sa iyong mukha o sa iyong mga kamay ngunit importanteng huwag itong pansinin. Kapag tumigil sa pagsasalita ang guro, bumilang ng hanggang sampu bago idilat ang iyong mga mata. Pagkatapos ay kailangang ipaalam ng class president o vice-president ang nangyari sa ating school caretaker.
  6. Lahat ng estudyante ay dapat nakalabas na ng school premises pagsapit ng 6:35PM. Mahigpit na ipinagbabawal ang pananatili ng mga estudyante sa paaralan sa oras na ito. Kung sakaling ikaw ay nasa loob pa ng paaralan pagsapit ng 6:35PM, kailangan mong manatili sa Room 306 sa A Building hanggang sa pagsikat ng araw. Siguraduhin mong makakarating ka sa silid-aralang iyon kahit na anumang mangyari.
  7. Huwag na huwag magpo-post ng anuman sa Facebook group na C________ Academy Secret Files and Confessions. Ang pag-comment, pag-like, pag-react, o pag-share sa anumang post sa group na iyon ay mahigpit na ipinagbabawal. Huwag na huwag ding susubukang i-report ang group na iyon.

MGA KAKAIBANG “BATAS” SA AMING TODA (PART 3)

Read Part 1 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2019/11/12/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-1/

Read Part 2 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2020/09/06/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-2/

Malamang, iniisip ninyo kung ano na ang nangyari sa akin, sa drayber ng ___TODA sa ________, Cavite. Medyo natagalan ako sa pagsusulat dahil umalis na ako sa bahay ko. Umalis na ako sa Cavite. Hinahanap nila ako. Gusto nila… gusto nila akong…

Hindi, ayoko nang isipin. Halos hindi na ako makakain at makatulog dahil sa napakaraming mga bagay na tumatakbo sa isip ko. Kahit pinipigilan ko, patuloy na nanunumbalik sa isipan ko ang mga nangyari. Paulit-ulit, parang isang pelikula na walang katapusan. Noong una ay sinubukan kong pag-isipan at pag-aralan ang mga kaganapang nasaksihan ko at naging bahagi ako. Binusisi ko kung saan ako nagkamali, kung aling aksyon ba ang dapat ay hindi ko ginawa o kaya’y binago ko. Pilit kong kinukumbinsi ang aking sarili na wala akong ginawang masama, na isa lamang akong biktima kahit hindi ko lubos na maipaliwanag kung ano ba talaga ang nangyari.

Sinusulat ko ito ngayon gamit ang Notes app ng cellphone ko. Noong umalis ako sa bahay ko – hindi, mas tama kung sasabihin ko na tumakas ako – tanging ang nadala ko lamang ay ang damit na suot ko, ang wallet sa bulsa ko, at kaunting barya. Buti na lamang at nadampot ko ang cellphone ko na lamesa bago ako tumalon sa bintana.

Ipagpatuloy ang pagbabasa