Secret School Rules – Ang School Caretaker

Ang School Caretaker

ni Tristan Martin

PART 0 (List of Rules): https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/05/14/secret-school-rules/

PART 1 (Ako Lang Ba?): https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/07/01/ako-lang-ba/

Binuksan ni Kyle ang kanyang mga mata at tumitig sa kwadradong salamin na nakasabit sa isa sa mga poste sa loob ng CR ng caretaker’s room. Lumapit siya rito at idinilat nang mabuti ang mga mata, gamit ang dalawang kamay ay hinila niya pababa ang balat sa ilalim ng kanyang mga mata. Medyo namumula ang mga puti nito, ang mga ugat ay parang mga gumagapang na baging at sa pakiramdam niya, tumitibok-tibok ang mga ito na parang may sariling buhay.

Puyat na naman. Wala na namang tulog, nasabi niya sa sarili.

Tumungo siya at binuksan ang gripo sa maliit na puting lababo at sinahod ang tubig gamit ang mga palad. Pagkatapos ay yumuko siya at ihinilamos niya ang malamig na tubig sa kanyang mukha.

Tumayo siya at kinuha ang isang maliit na towel na nakasabit sa isang pako sa likuran ng pinto ng CR. Ipinunas niya ito sa kanyang mukha, idinampi-dampi na para bang nilalasap ang pakiramdam ng malambot na tela.

Matapos magbuntong-hininga ay lumabas na siya ng CR. Dumiretso siya sa “office” sa caretaker’s room. Isa lamang iyong maliit na silid, sa katunayan isang maliit na bahay kubo, na gawa sa mga tablang kahoy at yero. Ipinatayo ang kubong iyon two years ago upang may matirhan si Kyle. Dati, sa loob siya ng Main Building nag-o-opisina at umuuwi sa nirerentahang apartment ngunit dahil na rin sa insidenteng nangyari dalawang taon na ang nakararaan, kinailangan niyang manatili sa loob ng paaralan sa gabi. Dahil noong taon na iyon, nadagdag sa listahan ang rule number six.

Naupo si Kyle sa plastic na upuan sa likuran ng kanyang lamesa. Ang kanyang opisina, na itinuturing na rin niyang salas, ay binubuo ng isang kahoy na desk na nasa tapat ng pintuan, isang kulay pulang sofa sa gilid malapit sa bintana, at isang maliit na istante kung saan nakapatong ang isang lumang TV. Sa gabi, naglalatag na lamang siya ng kutson na ngayon ay nakarolyo sa loob ng kanyang aparador.

Tiningnan niya ang bilog na orasan na nakasabit sa pader sa kanyang kaliwa at nakita na alas siyete kuwarenta na. Siguradong nagdadatingan na ang mga estudyante. Kaagad niyang pinagsama-sama ang mga papel at folder na nasa ibabaw ng kanyang lamesa at inayos ito. Pagkatapos ay binuksan niya ang kanang drawer at inilagay ang mga papel sa loob. Isasara na niya sana ito nang biglang matigilan. Bahagya siyang yumuko at may sinilip sa loob.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Napabuntong-hininga siya at dinukot ang isang puting papel na nasa dulo ng drawer. Dahan-dahan niya itong inilabas at ipinatong sa ibabaw ng kanyang lamesa. Tinitigan niya ito, binasa ang mga salitang nakasulat doon. Mga salitang ilang beses na niyang nabasa. Pagkatapos ay bumaba ang kanyang tingin sa ibaba ng pahina, kung saan nakalagay ang kanyang pangalan at pirma.

Kyle L. Herrera.

Kung hindi ko lang pinirmahan ito noon.

Mag-aapat na taon na siyang nagta-trabaho sa paaralang ito. Noon, wala siyang permanenteng trabaho at tirahan. Kung may makita lamang siyang sideline, tulad ng construction, pagme-mekaniko at pagkakarpintero, doon lamang siya kumikita. Maaga siyang naulila kaya’t hindi siya nakatungtong ng kolehiyo. Wala rin naman siyang kilalang ibang mga kamag-anak nila kaya’t kahit teenager pa lang, naghahanapbuhay na siyang mag-isa .Kaya laking gulat niya nang isang araw, isang lalaki ang bumisita sa tinutuluyan niyang bed spacer na may isang hindi kapani-paniwalang balita.

“Mr. Herrera, ako po ang attorney ng C_______ Academy sa ________,” sabi ng binatang nakasuot ng itim na amerikana. “Gusto po sana nila kayong kunin at bigyan ng trabaho.”

“T-Trabaho?” bulalas ni Kyle. “Saan ulit ‘yan?”

Sa C________ Academy po sa __________.”

“Teka, ang layo naman ‘nun? Saka, bakit naman nila ako gustong kunin? Hindi ko naman sila kilala? Hindi pa nga ako nakakapunta sa probinsyang iyon, eh.”

“Actually, hindi niyo po alam pero ang dating caretaker ng school ay malayong kamag-anak niyo.”

“Ano kamo?” Nanlalaki ang mga mata ni Kyle sa narinig.

“Opo,” sagot ng attorney. “Sa kasamaang palad po, pumanaw na po siya nitong March lang. At ang huling hiling niya ay sana matulungan kayo na natitirang kamag-anak niya na magkaroon ng maayos at permanenteng trabaho. Kaibigan po siya ng pamilya na nagmamay-ari ng school kaya’t ipinahanap po nila kayo sa amin.

“Kaya po nandito ako ngayon para ialok sa inyo ang pagiging caretaker ng school.”

Napakamot lang ng ulo si Kyle.

“P-Pero, bakit ako? Wala naman akong alam sa pagiging caretaker.”

“Naku, kayang-kaya niyo po iyon. Madaling trabaho lang po ito. Para lang po kayong magiging maintenance officer. May experience naman po kayo sa pag-re-repair ng mga kung anu-ano, hindi po ba?” nakangiting sabi ng abugado.

Kumunot ang noo ni Kyle sa mga narinig. Hindi niya alam kung manloloko ba ang kaharap niya ngayon at kung ito ay isang bagong modus.

“Don’t worry po, hindi po ako scammer,” mabilis na sabi ng abugado na para bang nabasa ang iniisip ni Kyle. Mula sa loob ng bulsa ng kanyang amerikana, inilabas niya ang isang brochure at inabot ito kay Kyle. “Heto po ang information tungkol sa C_______ Academy. Pwede niyo pong bisitahin ang website nila o tawagan sila para ma-confirm niyo na legitimate job offer po ito.

“Sana po ay pumayag kayo. Kailangang-kailangan po namin kayo since magsisimula na ang pasukan sa June. Kailangan po ng caretaker ng school. Hindi po pwedeng walang caretaker ang school!”

Wala nang nagawa si Kyle kundi gawin ang sinabi ng attorney. Sa isang computer shop, tiningnan niya ang website ng school na iyon, pati na ang kanilang Facebook page. Mukhang maayos naman ang lahat at sa katunayan, ang C_________ Academy ang pinakamalaking private school sa lugar na iyon.

Kaya’t tinawagan din niya ang attorney at pinirmahan ang kontrata. Maganda naman ang pasweldo, at may mga allowance at bonus pa siyang matatanggap. Wala rin naman siyang mapapala sa Maynila.

Kung alam ko lang kung ano talaga ang magiging totoong trabaho ko rito, sabi niya sa sarili sabay buntong-hininga.

Muli niyang ibinalik ang kontrata sa loob ng drawer. Pagkatapos ay isinara niya ito at sinusian ang lock nito.

Tumayo si Kyle upang pumunta sana sa canteen upang makapag-almusal. Ngunit hindi na matutuloy ang kanyang plano dahil isang estudyante ang humihingal na pumasok sa kanyang opisina.

“K-Kuya Kyle! Kuya Kyle” sigaw ng bagong dating. Isang binata ito na may kaliitan at nakasuot ng salamin sa mata.

Naku, huwag naman sana, dasal ni Kyle. Bumilis ang tibok ng kanyang puso ngunit pinanatili niya na walang anumang reaksyon ang kanyang mukha.

“S-Si Julius po. Si Julius,” halos hindi makahingang sabi ng estudyante. “S-Sa C Building…”

“Anong nangyari sa C Building?” Hinawakan ni Kyle sa dalawang balikat ang binata at tinitigan sa mata, dahilan upang lalong manliit ang estudyante.

“S-Sa hagdanan po… bumaba… si Julius…”

Napamura si Kyle.

“Bakit hindi mo pinigilan? Alam niyo naman ang mga rules, ‘di ba?”

Rule #2. Huwag gagamitin ang hagdanan sa dulong bahagi ng C Building. Kung mayroon kang nakitang bumaba sa hagdanang iyon, huwag na huwag kang susunod. Kaagad na hanapin at ipaalam sa school caretaker ang nangyari.

Napatungo ang batang estudyante at nagsimulang humikbi. “S-Sumunod lang po k-kami sa utos… ni Anthony…”

Napailing lang si Kyle sa narinig. Kilala niya ang pangalang iyon. Madalas na narereklamo ang Anthony na iyon dahil sa bullying.

Isang araw, may kakalagyan din ang mga batang ‘yan, sabi ni Kyle sa sarili.

“Tumigil ka na sa pag-iyak at sumunod ka sa’kin. Sana lang abutan pa natin.”

Mabilis na lumabas si Kyle sa munting kubo na nagsisilbing kanyang opisina. Sa likod niya ay nakasunod ang nakatungo at humihikbi pa ring estudyante. Lakad-takbo ang kanyang ginawa. Nasa tabi ng gymnasium ang kanyang opisina na nasa dulong bahagi ng eskwelahan. Ang C Building ay nasa kaliwa ng gymnasium, sa likuran ng stage ng school field. Sa pathway ay nakasalubong niya ang mga nagdadatingang mga estudyante.

Tumatakbo na si Kyle nang makapasok sa C Building. Ang gusaling iyon ang pinakamahaba sa apat na buildings ng paaralan. Ito ay may limang palapag, at sa bawat palapag ay mayroong sampung classrooms. Mayroon itong dalawang hagdanan, isa ay nasa gitna ng gusali, at ang isa ay nasa dulo, malapit sa school garden. Ngunit tanging ang gitnang hagdanan lamang ang maaaring gamitin. Ang hagdanan na nasa dulo ay sarado, nababarikadahan ng kahoy na pader sa bawat palapag. Tanging ang hagdanan lamang sa ikalimang palapag ang hindi nahaharangan, ngunit mayroon itong mga bakal na gate na nakakadena at naka-padlock.

At paminsan-minsan, kapag walang masyadong tao, makikita mo na lamang na bukas ang gate na iyon na para bang nang-iimbita, nanghahalina…

Halos maubusan ng hininga si Kyle nang makarating sa pinakataas na palapag. Ngunit hindi siya huminto. Kaagad siyang lumiko sa kanyang kanan at naglakad patungo sa dulong bahaging iyon ng gusali. At doon, nakita niya ang nakakandadong gate sa hagdanan.

Tahimik ang buong gusali, mukhang wala pa ang mga estudyanteng magkaklase roon.

“Sigurado ka bang may bumaba rito?” tanong ni Kyle.

“O-Opo. Si Julius. Inutusan po kami ni Antho-”

“At sumunod naman kayo!” sigaw ni Kyle.

Hindi niyo ba alam na mas mabuti pang mabugbog kayo kesa bumaba kayo rito!

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Dinukot ni Kyle ang isang bungkos ng mga susi sa kanyang bulsa. Inisa-isa niya itong siniyasat at kahit na magkakamukha ang mga susi at walang anumang tanda sa mga ito, napili ng binata ang kanyang hinahanap. Agad niya itong ipinasok sa kandado at tinanggal ito, kasama ng kadena. Napuno ng kalasing ng bakal ang hallway.

Mabilis niyang binuksan ang gate at pumasok sa loob. Sumilip siya pababa sa hagdanan, na halos nababalot ng kadiliman. Sa ilalim, may naaninag siyang mga pagkilos.

“Nakita niyo po si Julius?” tanong ng estudyante sabay lapit sa caretaker.

“Diyan ka lang!” sigaw ni Kyle sabay tulak sa dibdib ng estudyante. “Huwag kang lalapit!”

“A-Ano pong…” hindi na nakapagsalita ang lalake at kinagat-kagat na lamang ang kuko sa kanyang kanang hinlalaki.

Hindi na pinansin ni Kyle ang estudyante. Ang mga mata niya ay nakapako sa ibaba ng hagdanan. Butil-butil na pawis ang namumuo sa kanyang noo at ang kanyang katawan ay nanlalamig. Damang-dama niya ang bilis ng tibok ng kanyang puso na umaabot hanggang sa kanyang tainga. Para ba siyang nabibingi.

Dinukot niya ang isang bagay sa kanyang kaliwang bulsa. Itinaas niya ito sa kanyang mukha. Isa itong swiss knife. Dahan-dahan niyang inilabas ang matalas na patalim na para bang kumikinang-kinang pa. Inilapat niya ito sa kanyang kanang palad at pagkatapos ay isinara niya ang kanyang kamay, ang kamao ay nanginginig. Hindi pa rin niya inaalis ang tingin sa ilalim ng hagdanan.

Mabilis niyang hinila ang swiss knife at napaungol siya, ang mukha ay nakakusot, nakatiim ang mga ngipin. Pagkatapos ay ngumiti siya.

Iniunat niya ang kanyang kanang braso sa kanyang harapan, ang kanyang kamay ay dumurugo na. Lalo pa niyang hinigpitan ang pagkuyom sa kanyang kamay dahilan upang lalong umagos at tumulo ang pulang-pulang dugo. Malalaki ang patak nito, na sunud-sunod na nahulog patungo sa ilalim ng hagdanan. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa para bang nilamon sila ng kadiliman.

Plak. Plak. Plak.

Hindi siya sigurado kung imahinasyon niya lamang ngunit parang naririnig niya ang pagtama ng mga patak ng kanyang dugo sa semento sa pinakababang palapag. Para silang umaalingawngaw sa kanyang tainga.

“Ito ang kainin niyo,” mahina niyang sabi.

Isang matinis ngunit garalgal na boses ang kanyang narinig mula sa ilalim. Isa… dalawa… apat… napakaraming mga boses na sumisigaw at umuungol na para bang nagsasagutan. Pagkatapos ay nakarinig siya ng mga galabog, mga mabibigat na hakbang, malalakas na tunog ng paghampas ng laman sa semento.

At sa ikatlong pagkakataon mula nang maging caretaker siya, nakita niya silang muli.

Mga isinumpa! bulalas niya sa kanyang isipan.

Kahit may kadiliman, nakita ng kanyang mga mata ang mga katawan – hindi, mga hugis katawan – na gumagapang at nag-uunahan. Itinutulak nila ang isa’t isa, dinadaganan ang isa’t isa, hinahampas, kinakagat, para lamang makalapit sa tumutulong dugo ni Kyle. Gutom na gutom sila, dinidilaan ang bawat patak, tumitingala at naghihintay, ang mga kamay ay kumakalmot sa hangin.

Kahit nahihintakutan ay hindi mapigilan ni Kyle na maawa.

Hindi na kayo makaalis diyan, ano?

 Lumipas ang ilang minuto. Unti-unti, nawala ang hiyawan at sigawan. Hanggang sa wala nang ingay ang maririnig sa pasilyong iyon.

“Hoy, halika rito,” tawag ni Kyle sa estudyanteng parang naging estatwa.

“B-Bakit po?”

“Bumaba ka. Kunin mo ‘yung classmate mo.”

“H-Ha!” sigaw ng binata. “B-Bababa po ako!”

“Bingi ka ba! Bilisan mo bago pa sila ulit magising!”

“O-Opo!” Nanginginig ang estudyante ngunit agad siyang tumalima. Palinga-linga siya habang bumababa sa hagdanan. Hindi nagtagal, muli siyang sumulpot, akay-akay ang isa pang lalaki. Madungis ang uniporme at katawan nito, parang gumulong sa lupa.

“Dalhin mo ‘yan sa clinic,” utos ni Kyle. “Tapos, hintayin niyo si Ma’m Fe kakausapin kayo.”

Hindi na sumagot ang namumutlang estudyante. Naglakad na lamang siya palayo.

Muling dumungaw pababa si Kyle sa hagdanan. Pagkatapos ay tumingin siya sa kanyang dumudugo pa ring kamay.

Hindi po pwedeng walang caretaker ang school!

Naalala niya ang sinabi ng abugado sa kanya. Ang akala niya noon ay gusto lamang siyang kumbinsihin ng attorney kaya’t sinabi niya iyon sa kanya. Hindi niya alam na literal na kailangan pala talaga ng paaralang ito ng caretaker.

At ako lamang ang pwedeng gumanap sa trabahong iyon.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

***

Sa opisina ni Ma’am Fe…

Ma’am, hindi po ba talaga natin pwedeng harangan ‘yung hagdanan sa fifth floor.

Kyle, ‘di ba’t sinabi ko naman sa’yo na sinubukan na naming gawin iyon. Pero-

Inatake po sa puso ‘yung karpintero habang ginagawa ‘yung pader?

Alam mo naman pala. At hindi lang isa kundi tatlong beses na naulit ‘yun. Kaya hindi natin pwedeng harangan lahat ng hagdanan. Kailangang bukas sa fifth floor. Just make sure na palaging naka-padlock at nakakakadena ang gate doon.

Opo, ma’am. Kamusta po ‘yung dalawang estudyante?

Nakausap na namin pati parents nila. Hindi na sila magrereklamo. Naayos na namin.

Eh, ‘yun pong Anthony?

Well, itinanggi niya na inutusan niya at binubully ‘yung dalawa. And wala tayong evidence.

Pero ilang beses na ma’am nareklamo ang batang ‘yun!

Anong gusto mong mangyari?

Meron po akong naisip kung ayos lang sa inyo…

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.