Anak Daw ng Mangkukulam – Kwentong Katatakutan True Horror Stories Animation Episode 2

Narito na po ang Episode 2 ng ating Animated True Horror Stories series na Kwentong Katatakutan.

“Anak Daw ng Mangkukulam”

Ano ang gagawin mo kung may narinig kang mga bulung-bulungan na anak daw ng isang mangkukulam ang iyong kaklase. Maniniwala ka ba? Matatakot? O ipagwawalang-bahala lamang ito? Narito ang karanasan ni Horror_Enthusiast_93 noong grade six pa lamang siya tungkol sa kanyang kaklase na nabansagang anak ng isang mangkukulam…

Sana po ay mapanood niyo!

Secret School Rules – Going Up

Going Up

ni Tristan Martin

            Halos alas-diyes na ng umaga nang dumating sa C______ Academy si Anthony. Mabagal ang kanyang lakad, pipikit-pikit pa ang mga mata at ilang beses naghikab. Hindi nakabutones ang suot niyang puting polo, na medyo gusot-gusot pa. Wala rin siyang suot na ID ngunit hindi na siya sinita ng guwardiya at umiling na lamang nang makita ang lalaki.

            Matangkad si Anthony, lagpas anim na talampakan. May kagandahang lalaki siya, kulay brown ang medyo kulot na buhok, at may dalawang hikaw na nakatusok sa kanyang kaliwang tainga. Dati siyang player sa basketball varsity team ng school ngunit napaalis dahil sa katakot-takot na reklamo at gulo na kinasangkutan niya. Kung hindi lang may kaya ang kanyang mga magulang ay tiyak na matagal na siyang na-kick-out. Kaya ngayong grade 12 na siya, marami ang natutuwa, mga estudyante at mga guro, na malapit na rin siyang umalis at mawala sa paaralan.

            “Pambihira, hindi na dapat ako pumasok”, bulong niya. Madaling-araw na kasi siya nakauwi dahil galing siya sa inuman kasama ng kanyang barkada. Plano niya sana na matulog na lang sa bahay nang buong araw, ngunit hindi niya inaasahan na walang pasok ang kanyang ina.

            Ang sarap-sarap ng tulog ko tapos bigla kang tatalakan. Kahit naman sino, masisira ang araw, sabi niya sa sarili. Kapag naka-graduate ako at nakahanap ng trabaho, lalayas na ko sa walang-kwentang bahay na ‘yon!

            Hinimas-himas niya ang kanyang kanang sentido na biglang kumikirot. May hangover pa ‘ata ako!

            Dumura siya sa damuhan sa kanyang kaliwa at pagkatapos ay pumanhik ng hagdanan papasok sa Main Building ng paaralan. Pagkapasok, lumiko siya sa kanang pasilyo at tinungo ang hagdanan. Walang ibang tao sa hallway, lahat ng mga estudyante ay nasa kani-kanila nang mga klase. Dinaanan niya ang Cashier at lumingon sa loob. Nakita niya na sinusundan siya ng tingin ng cashier na nakasilip sa salaming bintana.

            Alam ko lahat kayo gustong mawala na ako. Huwag kayong mag-alala, sukang-suka na rin ako sa inyo at sa school na ‘to!

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Secret School Rules – Ang School Caretaker

Ang School Caretaker

ni Tristan Martin

PART 0 (List of Rules): https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/05/14/secret-school-rules/

PART 1 (Ako Lang Ba?): https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/07/01/ako-lang-ba/

Binuksan ni Kyle ang kanyang mga mata at tumitig sa kwadradong salamin na nakasabit sa isa sa mga poste sa loob ng CR ng caretaker’s room. Lumapit siya rito at idinilat nang mabuti ang mga mata, gamit ang dalawang kamay ay hinila niya pababa ang balat sa ilalim ng kanyang mga mata. Medyo namumula ang mga puti nito, ang mga ugat ay parang mga gumagapang na baging at sa pakiramdam niya, tumitibok-tibok ang mga ito na parang may sariling buhay.

Puyat na naman. Wala na namang tulog, nasabi niya sa sarili.

Tumungo siya at binuksan ang gripo sa maliit na puting lababo at sinahod ang tubig gamit ang mga palad. Pagkatapos ay yumuko siya at ihinilamos niya ang malamig na tubig sa kanyang mukha.

Tumayo siya at kinuha ang isang maliit na towel na nakasabit sa isang pako sa likuran ng pinto ng CR. Ipinunas niya ito sa kanyang mukha, idinampi-dampi na para bang nilalasap ang pakiramdam ng malambot na tela.

Matapos magbuntong-hininga ay lumabas na siya ng CR. Dumiretso siya sa “office” sa caretaker’s room. Isa lamang iyong maliit na silid, sa katunayan isang maliit na bahay kubo, na gawa sa mga tablang kahoy at yero. Ipinatayo ang kubong iyon two years ago upang may matirhan si Kyle. Dati, sa loob siya ng Main Building nag-o-opisina at umuuwi sa nirerentahang apartment ngunit dahil na rin sa insidenteng nangyari dalawang taon na ang nakararaan, kinailangan niyang manatili sa loob ng paaralan sa gabi. Dahil noong taon na iyon, nadagdag sa listahan ang rule number six.

Naupo si Kyle sa plastic na upuan sa likuran ng kanyang lamesa. Ang kanyang opisina, na itinuturing na rin niyang salas, ay binubuo ng isang kahoy na desk na nasa tapat ng pintuan, isang kulay pulang sofa sa gilid malapit sa bintana, at isang maliit na istante kung saan nakapatong ang isang lumang TV. Sa gabi, naglalatag na lamang siya ng kutson na ngayon ay nakarolyo sa loob ng kanyang aparador.

Tiningnan niya ang bilog na orasan na nakasabit sa pader sa kanyang kaliwa at nakita na alas siyete kuwarenta na. Siguradong nagdadatingan na ang mga estudyante. Kaagad niyang pinagsama-sama ang mga papel at folder na nasa ibabaw ng kanyang lamesa at inayos ito. Pagkatapos ay binuksan niya ang kanang drawer at inilagay ang mga papel sa loob. Isasara na niya sana ito nang biglang matigilan. Bahagya siyang yumuko at may sinilip sa loob.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Secret School Rules – Ako Lang Ba?

Ako Lang Ba?

ni Tristan Martin

PART 0 (List of Rules): https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/05/14/secret-school-rules/

Ako lang ba? Ako lang ba ang excited ngayong pasukan?! Ako lang ba ang naa-amaze sa C_________ Academy? Grabe, ang laki ng school na ito! Ang sosyal! Although, ang hirap ng entrance exam, ha! Buti nakapasa pa ako! Akala ko hindi na ako makakapag-transfer dito. Totoo ba na piling-pili lang ang nakakapasok dito? Teka, bakit wala nang bagong post sa page na’to? Hindi na ba active ito? Talagang hinanap ko kung merong Secret Page ang school natin, sayang naman kung hindi na ito active! Admin, buhay ka pa ba? Ahahahaha!

Pagkatapos mag-type sa kanyang cellphone, nakangiting pinindot ni Jessica ang Post button sa kanyang screen. Agad namang lumitaw ang kanyang post sa ibabaw ng page na C_________ Academy Secret Page and Confessions. Muli niya itong binasa, nakangiti at nakapalumbaba, ang kanang siko ay nakapatong sa ibabaw ng puting lamesa sa kanyang harapan. Hindi katulad ng sa mga public schools na gumagamit ng mga armchair, may kanya-kanyang desk at upuan ang bawat estudyante sa school na ito. At siyempre, aircon pa ang bawat classroom kaya’t ayos lang kay Jessica kahit pa long-sleeves ang uniform nila.

Kling!

Tumunog ang hawak na cellphone ng dalaga at isang maliit na Facebook icon ang sumulpot sa itaas na bahagi ng kanyang screen. Wala pa ang kanilang teacher kaya’t malaya siyang nakakagamit ng cellphone.

Uy, baka may nag-comment na! nasabi niya sa sarili.

Agad niyang pinindot ang notification icon at nakitang mayroon ngang nag-comment sa post niya, at ang username nito ay SecretBlade6. Ang profile picture nito ay isang kulay itim na parisukat lamang.

Oo! Ikaw lang! Ikaw lang kaya humanda ka! Ako ang admin at tama ka, hindi na ako buhay! Hindi na ako buhay!

Napakunot ang ulo ni Jessica sa nabasa.

Ano ba ‘to? Troll ‘ata ito? naisip niya.

Gumalaw ang kanang hinlalaki ng dalaga at madiing pinindot ang angry react sa bagong comment. Pagkatapos, mabilis na sumayaw ang kanyang daliri sa screen at nag-type ng mensahe.

Ano bang problema mo? Huwag ka na lang mag-comment kung wala kang matinong sasab-

Hindi na niya natapos ang pag-reply dahil sa kanyang paligid ay nakarinig siya ng mga bulung-bulungan. Itinaas niya ang kanyang tingin mula sa hawak na cellphone at iginala ang mata sa buong classroom.

“A-Anong nangyayari?” mahina niyang sabi.

Secret School Rules

Paunawa sa Lahat ng Estudyante ng C_________ Academy

            Ang lahat ng estudyante ng C_________ Academy ay kinakailangang basahin, sauluhin, at sundin ang lahat ng mga patakarang nakasaad sa paunawang ito. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapakita ng mga patakarang ito sa mga taong hindi nag-aaral sa ating paaralan, lalo na sa mga magulang. Pagkatapos basahin at sauluhin ang mga patakarang ito, agad itong punitin at sunugin.

  1. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta at pagpasok sa Principal’s Office sa Main Building. Kapag may lumapit sa iyong guro na hindi mo nakikilala at sinabihan ka na ipinapatawag ka sa Principal’s Office sa Main Building, agad na tumalikod at lumakad palayo. Huwag tatakbo. Kaagad na hanapin ang school caretaker at ipaalam sa kanya ang nangyari. Pagkatapos ay kaagad na lumabas ng school premises.
  2. Huwag gagamitin ang hagdanan sa dulong bahagi ng C Building. Kung mayroon kang nakitang bumaba sa hagdanang iyon, huwag na huwag kang susunod. Kaagad na hanapin at ipaalam sa school caretaker ang nangyari.
  3. Tuwing ikalawang Biyernes ng buwan, lahat ng klase sa B Building ay kailangang tumigil mula 3:33PM hanggang 4:13PM. Isasara at ikakandado ng inyong mga guro ang lahat ng mga bintana at pinto ng mga silid-aralan. Lahat ng mga estudyante ay kinakailangang manatili sa loob kani-kanilang silid-aralan. Mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas at paglalakad sa hallways kahit na may marinig ka pang kakaiba.
  4. Bawal gamitin ang elevator sa A Building. Hindi na ito gumagana. Huwag pipindutin ang mga buttons nito kahit na paminsan-minsan ay umiilaw ito. Kapag bumukas ang mga pinto ng elevator, huwag pumasok o kahit lumapit man lamang dito, kahit may makita ka pang mga estudyante sa loob. Muli, hindi gumagana ang elevator sa A Building.
  5. Kung may isang guro na hindi mo kilala o hindi namumukhaan ang biglang pumasok sa inyong silid-aralan at nagsimulang magturo sa lengguwaheng hindi mo maintindihan o makilala, agad na ipikit ang iyong mga mata at tumahimik. Huwag didilat o gumawa ng anumang ingay hanggang matapos magsalita ang guro. Maaaring may maramdaman kang humahaplos sa iyong mukha o sa iyong mga kamay ngunit importanteng huwag itong pansinin. Kapag tumigil sa pagsasalita ang guro, bumilang ng hanggang sampu bago idilat ang iyong mga mata. Pagkatapos ay kailangang ipaalam ng class president o vice-president ang nangyari sa ating school caretaker.
  6. Lahat ng estudyante ay dapat nakalabas na ng school premises pagsapit ng 6:35PM. Mahigpit na ipinagbabawal ang pananatili ng mga estudyante sa paaralan sa oras na ito. Kung sakaling ikaw ay nasa loob pa ng paaralan pagsapit ng 6:35PM, kailangan mong manatili sa Room 306 sa A Building hanggang sa pagsikat ng araw. Siguraduhin mong makakarating ka sa silid-aralang iyon kahit na anumang mangyari.
  7. Huwag na huwag magpo-post ng anuman sa Facebook group na C________ Academy Secret Files and Confessions. Ang pag-comment, pag-like, pag-react, o pag-share sa anumang post sa group na iyon ay mahigpit na ipinagbabawal. Huwag na huwag ding susubukang i-report ang group na iyon.

MGA KAKAIBANG “BATAS” SA AMING TODA (FINAL UPDATE)

MGA KAKAIBANG “BATAS” SA AMING TODA (FINAL UPDATE)

ni Martin Tristan M. Carneo

 

Kamusta na mga kaibigan? Sana ay ayos lang kayo habang binabasa ito. Kung ako ang tatanungin, ang masasabi ko ay ayos na ayos ako ngayon. Nakausap ko na ang mga opisyal ng aming TODA at naliwanagan na ako. Balik trabaho na rin ako ngayon. Medyo nakokonsensya nga lang ako habang binabasa ang mga posts ko dati. Grabe, halos namumula ang mukha ko habang binabasa ang mga pinagsusulat ko roon. Sa mga pambihira at hindi kapani-paniwalang mga pangyayaring nakasulat doon.

Heto po ang mga previous posts ko:

Part 1:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2019/11/12/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-1/

Part 2:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2020/09/06/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-2/

Part 3:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2020/10/30/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-3/

Part 4:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/01/04/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-4/

Part 5:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/01/27/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-5/

Part 6:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/03/10/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-6/

Part 7:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/03/12/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-7/

 

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

 

Sa totoo lang po, wala pong katotohanan ang lahat ng mga ito. Puro imbento ko lang iyon. Kaya nga huwag niyo na pong basahin dahil puro kalokohan ko lang po iyon. Malamang nagtataka kayo kung bakit ko iyon sinulat. Ako nga rin ‘yan ang tanong sa isipan ko. Dahil ba sa wala akong magawa? Gusto ko lang magpapansin? Gusto sumikat? Naku, ewan ko ba! Basta ang alam ko, maayos na ang buhay ko ngayon.

Sa katunayan, ako na ang bagong sekretarya ng aming TODA. Nag-retire na kasi ang dating sekretarya dahil ang sabi niya, tumatanda na siya at na-injury pa raw siya dahil nahulog siya habang bumababa ng hagdanan. Kaya ayun, laging na raw sumasakit ang likod niya. Ako ang inirekomenda niyang kapalit at wala namang ibang tumutol kaya bukod sa pagiging drayber, ako na rin ang sekretarya ng _____TODA.

Sa inyong mga mambabasa, humihingi ako ng pasensya sa mga kasinungalingang isinulat ko. Muli, wala pong katotohanan ang mga nakasulat sa mga dating posts ko. Isa lamang po akong isang simpleng traysikel drayber. Wala pong kababalaghan na nangyayari dito sa ________, Cavite. At lalo pong walang listahan ng mga kakaibang rules dito sa aming TODA.

Hindi ko na papatagalin pa ito. Alam kong abala kayo at ako rin naman ay abala sa pagbiyahe. Bukod sa kailangang kumita, kaming mga drayber ay napakaimportante sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Kung hindi kami babiyahe, sino na ang maghahatid sa mga pasahero upang makapunta sa trabaho, sa pamilihan, sa paaralan, at kung saan saan pa? Kaya’t kailangan naming pumasada.

Hindi pwedeng matigil ang biyahe ng mga traysikel sa aming TODA. Dahil malapit na!

Oh, paano? Maiwan ko na kayo. Siguradong ito na ang huling post ko. Gusto ko lang namang sabihin ang totoo dahil siyempre, masama ang magsinungaling. Siguradong magagalit ang ating diyos na si Ku… si K… si Kristo.

Paalam na sa inyo at purihin nawa ang ating diyos.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)           

MGA KAKAIBANG “BATAS” SA AMING TODA (PART 7)

MGA KAKAIBANG “BATAS” SA AMING TODA (PART 7)

ni Martin Tristan M. Carneo

Read Part 1 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2019/11/12/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-1/

Read Part 2 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2020/09/06/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-2/

Read Part 3 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2020/10/30/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-3/

Read Part 4 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/01/04/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-4/

Read Part 5 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/01/27/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-5/

Read Part 6 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/03/10/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-6/

 

“Anong ginagawa mo rito?”

Napahakbang ako paatras, nakalimutan na isang bangin pala ang nasa aking likuran. Natigilan lamang ako nang maramdaman ng aking paa ang bunganga ng bangin.

“Bakit ka naririto? Bakit hindi mo sinunod ang mga rules?” tanong ng sekretarya ng aming TODA.

Tiningnan ko lamang siya. Tulad ng mga tao sa baba kanina, nakasuot siya ng isang itim at mahabang damit. Nakababa ang talukbong niya sa ulo kaya’t kitang-kita ko ang pagkagulat sa kanyang kulubot na mukha.

Napalunok ako ng ilang beses bago nakapagsalita.

“A-Ano ang lugar na ito? A-Ano ang halimaw na iyon?” halos pasigaw kong tanong. “Bakit nila k-kinakain…”

“Halimaw?” Biglang nagbago ang ekspresyon sa mukha ng matandang lalaki. Halos magsalubong ang kanyang kilay at nanlisik ang kanyang mga mata. “Hindi. Hindi halimaw! Hindi mo ba alam na nasa presensya ka ng ating diyos?”

“A-Anong diyos?” naguguluhan kong tanong.

Tumingala ang matanda at tumingin sa dambuhalang galamay sa aking likuran. Naging kalmado ang kanyang mukha. Napangiti siya at parang naluluha-luha pa ang mga mata. Para siyang nakakakita ng isang hindi kapani-paniwalang himala.

 

Ipagpatuloy ang pagbabasa

MGA KAKAIBANG “BATAS” SA AMING TODA (PART 6)

MGA KAKAIBANG “BATAS” SA AMING TODA (PART 6)

ni Martin Tristan M. Carneo

Read Part 1 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2019/11/12/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-1/

Read Part 2 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2020/09/06/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-2/

Read Part 3 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2020/10/30/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-3/

Read Part 4 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/01/04/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-4/

Read Part 5 Here:

https://kuwentonghorror.wordpress.com/2021/01/27/mga-kakaibang-batas-sa-aming-toda-part-5/

 

Siguro ay iniisip niyo na napakapambihira ng mga pangyayaring ikinuwento ko. Na parang hindi ito kapani-paniwala at baka guni-guni ko lamang o isang imbensyon. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay ganoon din ang iniisip ko. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari. Hindi ako makapaniwala sa aking mga natuklasan, sa aking mga nalaman. At ngayon nga, sobra akong nababahala sa mga susunod na mangyayari. Dahil kung hindi sila mapipigilan, siguradong mapapahamak tayong lahat.

Lumipas ang mga araw at buwan matapos kong maranasang isakay ang dalagang nakasuot ng asul na bestida. Pinilit kong ibalik sa dati ang takbo ng aking buhay at maging “normal” ang lahat. Bumalik ang aking mga ngiti at tawa kapag naghihintay ako sa aming terminal at nakikipagkuwentuhan at asaran sa mga kaibigan kong drayber. Kapag mayroong nangyaring kakaiba o hindi maipaliwanag, nagkikibit-balikat na lamang ako at hindi na nagtatanong sa mga kasamahan ko o sa sekretarya ng aming TODA. At siyempre, sinusunod ko ang lahat ng rules ng TODA.

Ngunit pagdating ng gabi, nahihirapan pa rin akong makatulog. Kahit madaling-araw na ay dilat na dilat pa rin ang aking mga mata, nakatingin sa bintana na naliliwanagan ng street lights sa labas. Nakikinig sa bawat kaluskos at kalansing na naririnig ko sa loob at labas ng aking apartment. Minsan ay napapabangon ako dahil sa kung anong ingay na aking maririnig, ngunit matutuklasan kong gawa lamang pala iyon ng asong kalye o kaya ng isang pusang gala. Kapag dinatnan naman ako ng antok at makatulog, parati akong binibisita at ginagambala ng mga nakakatakot na imahe. Sa aking mga panaginip, kitang-kita ko na napapalibutan ako ng limang lalake. Tumatawa sila na parang nababaliw, tumutulo pa ang mga laway. Sa tabi ay nakatayo ang isang matanda na may hawak-hawak na tinapay. Kapag tumingala naman ako ay makikita ko sa aking ulunan ang isang kabaong na napapalibutan ng mga bulaklak. Susubukan kong tumayo ngunit hindi ko maigalaw ang aking katawan. Hanggang sa maramdaman kong binubuhat ako ng mga lalaking nakapalibot sa akin. I-aangat nila ang aking katawan at pagkatapos ay ilalagay ako sa loob ng ataol. Isasara nila ang takip nito at maiiwan ako sa kadiliman. Ngunit doon, hindi ako nag-iisa. Kung sino o anuman ang kasama ko sa loob ng kabaong, ay mahinang bubulong sa aking tainga.

Ku’laam Tal’mak!

Ipagpatuloy ang pagbabasa